Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: CAUSA NOSTRAE LAETITIAE (Mula ng Tuwa Namin)

Hija de Sta. Ana
G. Hykie Perez at G. Warly Bustos
Causa Nostra Laetitiae
Nang isilang ang Mesiyas, natuwa ang mga anghel
at umawit na tigib ng pagsasayang walang maliw;
itong mundong daan-taong sa sala ay inalipin,
nagsaya sa Mananakop na isinilang sa Belen;
papaano'y Manunubos ang nipot sa Herusalem,
na ang dala'y kaligtasan sa “bilanggong mundo natin;”
kaya nga ba si Maria'y “mula din ng Tuwa natin;”
wala tayong Mananakop, kung wala ang Inang Birhen.”

---o0o---
Pagkaraan nitong Anak, itong INA ang simula
ng maraming katuwaang sa mundo ay na-biyaya;
sa dahon ng Lumang Tipan tinawag ang Birheng mutya,
l'walhati ng Herusalem, sa bayan ay libong tuwa;
karangalan ng daigdig itong Ina ni Bathala
at batis ng isang-libo't isang laksang pagpapala;
papaanong hindi tayo magagalak, matutuwa,
Siya'y dahil nitong ating pagkahango sa dalita.”

---o0o---

Itong anak, saka Ina'y isang pusong magka-ugnay,
kaya sila'y kapwa mula ng san-laksang katuwaan;
itong mundong naging tigmak sa luha ng kasawian,
binihisan nitong Birhen ng saplot ng kasayahan;
tayong anak na tinakwil sa pangit na kasalanan,
muling anak na inampon sa tulong ng Birheng mahal;
para tayong itinapon na anak ng kasalanan,
ngunit ngayon ay kinupkop, nabalik sa kaharian.

---o0o---

Dati tayo'y nababalot ng maitim nating sala,
poot, lagim, dusa't luha ang hari sa kaluluwa;
kabanala'y itinabi't ang lusak ng mga sala,
tinampisaw nitong taong wala naman patumangga;
dahilan sa Birhen Mariang nagsilang sa Poong sinta,
lumigaya itong tao't nabatbat ng madlang grasya;
kabanala'y nanumbalik, nang matubos na sa sala,
naging banal itong buhay na ngayon ay maligaya.

---o0o---

Ang Langit ng kasayahang di-malirip nitong isip
ay bunga ng paghihirap nitong Ina na nagtiis;
paglisan sa mundong itong bayan ng luha at hapis,
paraisong nagniningning sa ligaya ang sasapit;
ang pag-asa nating ito'y kay Maria nasasalig,
na Reyna ng mga banal at ligaya na daigdig;
bawat grasyang sa atin ay pagpapalang nilalawit,
sa kamay ng mutyang Birhen nagdaraang parang batis.

---o0o---

Dapat nating ikatuwa na ang Birheng Reynang Banal
ay ating pong Taga-tanggol, ating Tagapamagitan;
puso niya'y pusong inang laging handang makidamay,
upang tayo'y maihantong sa ligayang walang hanggan;
tanglaw siya, tuwa't aliw, takbuhan sa kagipitan,
mapagmahal, maawain at puno ng katamisan;
bukal ka po ng Ligaya at ng tuwang walang hanggan,
Ikaw, Birheng Pinagpala, sa buong sangkatauhan.

No comments:

Post a Comment