Nuestra Señora de Gracia y Amparo G. Ronald M. Santos |
Virgo
Potens
Birheng
Makapangyarihan , “Virgo Potens,” ang pamagat, at
“Omnipotentia Supplex” ang taguring nararapat; kaya ngani
sa isipan Kayo’y aking nasisinag sa “Larawang nakatayo’t itong
mundo’y Inyong hawak;” parang Kayo’y nagdarasal, . . . mata’y
naka-paitaas, na animo’y sumasamong “taong aba ay iligtas;” sa
Inyo pong pagdalangin Kayo’y walang kasing-lakas at lahat ng hilinh
Ninyo’y makakamtang walang liwag.
---o0o---
Batayan
ng lakas niya’y ang Anak sa Kanyang bisig na Mesiyas nating lahat
at Maygawa ng daigdig; papaano’y itong Jesus na kalong sa Kanyang
dibdib ay di-kayang makatanggi sa daing ng Inang ibig ; itong Anak
ay anak na kinalanga’t tinangkilik, pano naming tatanggihan itong
Ina na nagsakit? Siya’y Ina na nagpuyat, nagpakain at nagtiis, kaya
Siya’y Birheng Inang ang lakas ay hanggang Langit.
---o0o---
Di
ka dapat na magtakang “Malakas ang Birheng hirang, na Ina ng Diyos
nating ang lakas ay walang hanggan; kinatulong Siyang Inang “iligtas
sa kaalipnan” itong taong naging bihag ni Santanas na pusakal;
kinatulong sa paghango ng tao sa kasawian, na gawaing kailanga’y
”lakas at kapangyarihan”; at ang “misyon” Niyang ito na
pagbaka sa kaaway at patuloy hanggang merong tao ditong nabubuhay.
---o0o---
Bilang
Ina ng Maykapal at sa mundo’y bunying Reyna, may lakas ang Birhen
natin sa kinapal na lahat na; kahit na bundok na matayog at dagat
mang malawak pa, kaya Niyang mailipat sa “lakas na kayang dala”;
bituin man sa itaas at ang araw na maganda, kaya Niyang paglaruan
tulad doon sa Fatima; ang lahat ng sang-nilalang na likha ng Diyos
Ama, kaya Niyang pagalawin sa lakas na iwi Niya.
---o0o---
…
VIRGO
POTENS, lakas Niya sa kasalan ay nasubok, nuong yaong handing alak sa
inuman ay naubos; upang Kanyang pairugan itong Inang maalindog, di-pa
oras,napilitang . . . mag-milagro yaring Jesus; sukat lamang na
hiniling sa Anak na iniirog at ang hiling ay para bang malakas na
naging utos; sumunod ang Sintang Anak at ang tubig na sinalok, naging
alak na mistulang sa “bisita’y” nakalugod.
---o0o---
Ang
dahon ng kasaysayan ng Simbahang Katoliko ay puno ng katibayan ng
“lakas ng Birheng ito;” kahit bagay na mahirap na di-kaya nitong
tao, nagagawa nitong Birhen na asa mo ay milagro; Siya’y lagging
nakahandang tumulong sa abang mundo at sa lahat na may nais dumulog
sa birheng ito; papaano’y Ina Siyang takbuhan ng madlang tao, na
pagasa ng balanang nababalot ng siphayo.
---o0o---
Kung
kayo ay natatakot at sampu ng kaibigan ay lumayo’t tila kayo’y
tinapon na sa lipunan; kung ang inyong hinaharap ay may ulap na
karimlan at tila ba masasawi sa takbo ng inyong buahy: sa Birhen kong
ubod-lakas kayo sana’y manambitan, iyaadya kayong lahat sa salot ng
kasawian; Itong Birheng VIRGO POTENS ay lakas ng Kalakasan, ang Hukbo
man ni Satanas susupilin Niyang tunay!
No comments:
Post a Comment