Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: MATER BONI CONSILII (Ina ng Mabuting Kahatulan)

Nuestra Señora de la Salette
G. Nelson Cruz


Mater Boni Consilii
Sa lipunang ginigimbal ng ugong ng pagtatalo,
nasisindak ang madilim na isip ng mga tao;
salungata'y walang habas, marami ang basag-ulo,
manlalabo ang isipan at sa isyu'y nalilito;
maulap ang tinatahak na landasing tinutungo,
na tila ba maliligaw sa laot ng mga gulo;
sa ganitong kalagaya'y ISANG INANG MATALINO
na dapat na pumagitna't mabigay ng gintong payo.

---o0o---

Isang INANG bawat wika'y sulo't tanglaw ng isipan,
bawa't pasya'y karunungan at mabuting kahatulan;
isang INANG pantas manding may payo ng katarungan
sa sinumang naaapi't sapupo ng agam-agam;
Iyan po ang INA NATIN NG MABUTING KAHATULAN,
na sa buhay na magusot may matatag na patnubay;
sa libo mang suliranin nitong bayan at simbahan,
INA siyang sa balana'y may hatol na kagalingan.

---o0o---

Ang birhen kong pintakasi'y binatbat ang pag-iisip
sa kislap ng karunungang inihulog ng Langit;
Siya'y Ina ng Mesiyas na sinugo ng Pag-ibig
at Anghel ng kanyang diwa ang “binatang pagtitiis
ay sangla ng katubusan ni Jesus sa taong ganid;”
ang hatol ng Amang Diyos ay nasakyan Niyang labis,
na hatol ng karunungang dapat sundin ng daigdig.

---o0o---

Nilimi sa kanyang puso't sinimpan sa kanyang loob
ang hatorl ng katarungang mahabagin nitong Diyos;
- sa palalo'y inilipat ang kababaan-ng-loob,
sa suwali ang tinumbas ay mabait na pagsunod;
sa malaswang mga sala ay hirap na walang tuos
ang bayad na ibinuwis ng Bathalang Manunubos;
sa ganito itong tao'y pinagsisi Niyang lubos,
pinagtika't pinagbanal sangayon sa mga Utos.

---o0o---


Sa pagsunod kay Bathala nitong Inang Mariang Birhen,
ang suwail na si Eva'y nalantikan nang mariin;
Si Eva po ay nakinig sa tukso ng mainggitin,
kasawai't kamatayan ang nakamit na malagin;
ang Birhen po ay nakinig sa “payo ng Poon natin”,
katubusa't kamatayan ay natamng maluningning;
kaya INANG sa parangal si Maria po'y ating sunin,
tagapayo Siyang mutya, taga-akay na butihin.

---o0o---


Ang pag-ibig daw sa Diyos at Banal na Pagkatakot
ay dunong na walang hanggang may dulot na tuwa't tugod;
ito, anya, ang panlaban sa hibo ng sansinukob,
kalasag at kaligtasan sa tukso mang walang lagot;
kaya, giliw na katoto, pakinggan ang Inang irog,
sa anumang sulirani'y sa Birhen ka manikluhod,
halimbawang iniwana'y pangaral mong isaloob
at sundin ang Kanyang payo na bulong sa iyong loob.

No comments:

Post a Comment