Virgo
Clemens
Ang
lakas ng Birhen Maria ay puno ng pagka-awa at habag sa mga taong
humihingi ng kalinga; sapagkat ang kanyang puso’y pusong-inang
madakila; matangkilik sa anak na nagsasalat at kawawa; ang lakas na
kanyang iwis a habag ay walang sawa, natutuwa na maglingkod at
tumulong sa kapuwa; kaya Siya’y VIRGO CLEMENS, maawain Siyang
lubha, bawat saglit sasaklolo na Birhen na Madlang-Awa.
---o0o---
Ang
diwa ng paglilingkod ng “malakas nating Birhen” ay habag at
pagka-awang sa tao ay walang maliw; sa sinumang nalulumbay ambag
niya’y tuwa’t aliw sa may-sala ay patawad ang kaloob na magiliw;
at sa dukhang may dalita alok Niya ay pagiliw at lunas sa mga pusong
may dusa at suliranin; papaano’y Ina Siya na “awa po ang
damdamin” at tibok ng Kanyang puso’y pusong-inang maawain.
---o0o---
Ang
awa ng Diyos – Ama sa puso ng Birheng mahal, umagos na parang batis
na ang dalo’y walang humpay; nang sa Belen ay isilang ang Anak na
walang-hanggan ang awa ng kanayang puso’y nakamatan ng daigdigan;
at sa dibdib niyang angkin ang tibok na gumagalaw ay Puso ng Kanyang
Anak na si Jesus nating mahal: kaya itong Birheng Ina ay tampok ng
kaawaan, Mater misericordiae, -- ang tumpak po Niyang Ngalan.
---o0o---
Ang
Puso ng Mutyang Jesus at ng Birheng ubod-tamis ay iisa ang damdaming
tumitibok sa pag-ibig; si Jesus ang pastol nating “bawat tupang
nawawaglit, hinahanap, kung makita’y pinapasan, . . binabalik;
Magdalena’y pinatawad, pinagaling ang maysakit, binuhay ang mga
patay at sinakop ang daigdig: kaya itong Birheng Ina ay gayon ding
kasing-bait, ang hari sa kanyang puso’y pagka-awa at pagibig!”
---o0o---
Bawat
dugo na pumapatak sa sagutang Manunubos, bawat latay ng pamalong
nabakas sa Mananakop; bawat pakong naglampasan sa palad ng Poong
Jesus ay tanda ng awa’t habag na sa tao’y inilimos; bawat sugat
naming yaon ay balaraw na naturok sa puso ng Inang Birheng “ang awa
ay walang utos;” kaya Siya’y mahabaging ang lahat ay ihahandog,
buhay man ay ibibigay, tao lamang ay matubos.
---o0o---
Ang
lahat ng mga gawa nitong Birheng Inang mahal ay lubhang kahanga-hanga
na tampok ng katangian; ngunit higit sa ibabaw ng dakila niyang yaman
ay ang “awing ubod-tamis”, hiwaga ng kanyang buhay; kaya, ikaw na
katoto, kahit dibdib mo’y mawindang at mawasak nag puso mong
nalipos ng kasawian; dumulog ka kay Maria, magtiwalang matiwasay at
ang awa nitong Ina’y magagamit mong timbulan.
---o0o---
Ang
puso ng Inang Birhen sa “habag ay isang mina,” sa hamak na
sawimpalad nagdududlot nang pagasa; sa maysakit, kagalingan,patawad
sa nagkasala, sa bilanggo ay paglaya at sa banat nama’y grasya;
parang araw na sa lahat tumatanglaw siyang Ina, nagaakay sa balana’t
nagbibigay nang ginhawa; papaano’y Ina Siyang maawain sa tuwina,
hindi kayang masawata ang tulong sa kaluluwa.
---o0o---
Virgo
Clemens, kahit yaong sawing ama at salarin, mayroon ding
karapatang ang awa mo ay sambitin; maging yaong kulang-palad na tapon
nang itinuring, may-pagasang makabangon sa awa mo, Inang Birhen; Kaya
itong mundo naming nagkasala’t kabilanin, KAYO lamang ang pagasang
magliligtas pos a dilim: Kayo po ang kaligtasan, mutya naming VIRGO
CLEMENS, ang timbulan naming lagi’y ang PUSO MONG MAAWAIN!
No comments:
Post a Comment