Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: VAS HONORABLE (Sisidlan ng Bunyi at Bantog)

Vas Honorable
G. John Andrew C. Libao
Vas Honorable
Si Maria na sisidlan ng mabunying kabanalan ay puno ng bunyi’t bantog at dakilang karangalan;palibhasa ang namugad sa malinis Niyang tiyan ay ang Anak ni Bathalang sumakop sa daigdigan; Siya’y naging gintong kalis at patena naming buhay, na sa dangal ay di kayang lalaun pa o pantayan; Siya’y Vas Honorabile na batbat ng kagitingan, na nag-iwi sa Mesiyas sa mapalad na kandungan.

---o0o---

Ang kalis at saka kupong lalagyan ng Lama’t Dugo ni Hesus sa Santa Misa’y mamahaling mga ginto; bawat bagay na sa Ostya at Alak ay nahihipo, kailangang maging “linen” at sisidlanf hindi tanso; si Maria’y basong buhay ni Jesus na sakdal-amo, na higit sa mga kali sang halagang ating tanto; lama’t dugo ng Mesiyas ay “liha ng Kanyang puso,” kaya Siya ang sisidlang pinupuri nating lalo.

---o0o---

Ang “sagradong mga baso’y” walang diwa’T walang bait, datapwat konsagrado’t pina-banal na marikit; samantala, itong Birhe’y nilalang na sakdal-linis, puso’t diwa’y pinagyamang walang sala, walang bahid; sapul pa nang ipaglihi’y kinonsagra siyang labis sa tungkuling pagdadala sa kay Jesus sa daigdig; “mapalad ang tiyang banal at ang maahal Niyang dibdib na kay Jesus ay nagdala’t nagpasusong buong tamis.”

---o0o---

Nang sa Angel na bumati, sagot Niya’y isang “OO”, at nayag na maging “Ina’y” . . . nahirang na siyang “baso”; natalaga Siyang Esposa ng Espiritu Santo, at Inang nabantog ng Mesiyas nating Jesukristo; ang ginto ng kanyang puso’y walang kupas na totoo, ang pagibig na maalab ay hindi na magbabago; buhay Niya’y itinakdang maging Ina nitong Kristo, kaya siya’y nadakilang kaiba sa buong mundo.

---o0o---

Ang kalis ay kakaiba sa karaniwang inuman, katulad ding ang pagano na kaiba sa binyagan; bawat isa ng kristyano’y sisidlan ng karangalan, na sa Binyag at sa Kumpil ay naukol sa Maykapal; sisidlan ng dugo’t laman ni Jesus sa Pakinabang, taga-dala sa kay Kristo sa laot ng pamumuhay; ako’t ikaw, katoto ko’y sisidlan na ubod-dangal at sa atin namamahay si Jesus na Poong mahal.

---o0o---

Ang Kristiyanong nabubuhay ay sa mundo nagtitira, nguni’t hindi siya ari nitong mundong palamara; maging isip niya’t diwa, damdamin ng kaluluwa ay kaiba sa damdamin nitong mundong nagkasala; sa pagawa’t pagtalima sa Utos ng Poong Ama tayong lahat na binyaga’y iniyukol na talaga; sisidlan ng karangalan, ako’t ikaw, aking sinta, pugad nitong Panginoong taos nating sinasamba.

No comments:

Post a Comment