Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: AUXILIUM CHRISTIANORUM (Mapag-ampon sa mga Kristiyano)

Nuestra Señora dela Vida
G. Daniel Adriano

Auxilium Christianorum

Sa nabanggit na pamagat nitong Birhen mapagpala,
ang daing ay pagalingin ang maysakit na kawawa;
ang samo ay saklolohan ang salaring kulang-pala,
yamang Siya ang pag-asa ng "sa-lusak-ay-nadapa";
ang hinakdal ay aliwin ang may-lungkot at may-luha,
pagka't Siya'y isang Inang sa tao'y nag-aandukha;
ngunit ngayon ang pamagat ay pagdaing at pithaya,
na tulungan ang Kristyanong nababalot ng dalita.

-----o-----

Tayong nabubuhay na  animo'y  mga  kawal,
mga  anak  ng  simbahang  nasa-parang  ang  labanan;
kailangan  nating  lagi'y  patnubay  ng  Birheng  Mahal,
upang  tayo'y  di-magapi  ng  balakyot  na  kaaway;
si  Satanas  at  ang  kanyang  "mga  kampon  ng  karimlan"
naglalamay  sa  paglusob  sa  Simbahan  nating  banal;
ang  panganib  at  ang  tukso  ng  masama'y  naghambalang,
kaya't  tulong  ni  Mariya'y  siyang  dapat  na  tawagan!

-----o-----

 Nilalabo  ni  Satanas  ang  tunay  na  mga  turo,
inuusig  ang  Simbahan  sa  aral  na  matitino;
walang  aral  na  di   ngayon  binaluktot  ng  palalo,
kaya  ngayon ay  kay  daming  sa  SEKTA  ay  narahuyo;
erehiya'y  di-mabilang,  ang nalinlang  nama'y  lalo
at  sangkalan  ang  Biblia,  ng  bulaang  mga  guro;
sa  ganito  ang  sakdalan nating  hindi  mabibigo
ay  ang BIRHENG  sa  demonyo't  erehiya'y  nagpasuko. 

-----o-----

Ang  asal  ng  mga  tao  ng  simbahan  ay  sumama
at  maraming  kumalaban  sa  "banal  na  mga  gawa";
nahulog  sa  kasalanan  at  sa  gawang  makalupa
ang  maraming  ang  diniyos,  ay  ang  "tiyan  at  nilikha";
nanlamig  ang  mga  tao  sa  pag-ibig  kay  Bathala
at  ang  daming  tumalikod  sa  Simbahan  Niyang  mutya;
kaya  itong  Birheng  Ina,  sa  Fatima'y  nagsalita,
"penitensya't  panalangi'y  ibayad  sa  masasama".
-----o-----

Kung  sa  taong  nabinyaga'y  palasak  ang  kasamaan,
sa  palibot  nitong  mundo,  ay  ano  ang  mahihintay?
ang  takbuhan  lamang  nati'y  ang  BIRHEN  tang  minamahal,
na  saklolo  ng  kristyano  at  sakdalan  ng  binyagan;
ang  debosyong  mataimtim  sa  Birhen  ay  kailangan,
nang  ang  sama  ay  mapawi't  sumulong  ang  kabanalan;
iyan  ngayon  ang  pag-asa,  ang  ROSARYONG  walang  lubay,
upang  tayo'y  magtagumpay  sa  paglaban  sa  kaaway. 

-----o-----

Ang  pag-usig  ng  kalaban  sa  Simbaha'y  nagngangalit'
na  asa  mo'y  dambuhalang  naninilang  mabalasik;
Komunismong  walang  Diyos  ay  kaaway  na  mabangis,
mga  pari'y  pinapatay,  mga  madre'y  nilulupig;
si  Mindsenty  ay  ikinulong,  kardinal  na  mababait,
at  ang  nais  ay  durugin  ang  Iglesyang  walang-batik;
sa  ganitong  masaklap  na  katayuan  ng  daigdig,
ang  AUXILIUM  CHRISTIANORUM  ay  sandata  nating  ibig.


-----o-----


Sa  labanan  ng  Lepanto'y  ang  Rosaryo  ni  Mariya,
ang  sandatang  nakawasak  sa  Moslem  na  mga  "flota";
sa  dibdib  ng  mga  kawal,  rosaryo  ang  dala-dala,
samantalang  ang  dasal  ay  walang  tigil  d'on  sa  Roma;
ang  sigaw  ng  mga  kawal  sa  labana'y - "Jesus-Maria"
at  naguho  ang  palalong  mga  moro  sa  armada;
kaya  tayo  sa  daigdig  na  parang  ng  pagbabaka, 
ang  saklolo  at  tanggula'y  ang  Mahal  na  Birheng  Ina.


-----o-----


Sa  maulap  na  daigdig  na  puspos  ng  kadiliman,
si  Mariya  ang  pag-asa  ng  ating  kapanahunan;
ang  lakas  ng  Birheng  Maria'y  sa  Fatima  nasubukan
at  doon  ay  ipinangakong  ang  Rusya  ay  magbabanal;
magbabalik  sa  landas  ng  kabutihan  at  katwiran,
kung  tayo  ay  magtitiis  at  taos  na  magdarasal;
dumulog  sa  Ina  nating  pag-asa  ng  daigdigan,
ang  sakdalan  ng  kristyano  at  Ina  ng  sambayanan.


Page 6 of 9
Please press Older Posts for Page 7.

No comments:

Post a Comment