Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: MATER CREATORIS (Ina ng may Gawa ng Lahat)

Nuestra Señora de Guadalupe
G. Robert Villanueva
Mater Creatoris
Meron kayang dakila pa sa Maylikha ng daigdig,
sa Maygawa ng lahat ng nasa lupa't nasa langit?
Meron kayang lalalo pa sa dangal na di-malirip
ng BABAENG naging Ina ng Maykapal na mabait?
A, wala nang hihigit pa sa Ina kong Makalangit,
pagkat Siya'y Ina nitong Maykapal kong iniibig!
Sa Pagka-Dios, si Kristo ay Maylalang ng sandaigdig,
itong Kristong iniluwal ni Mariang sakdal dikit.

---o0o---

Dapwa't ang ayos at ganda nitong unang naging lalang,
sa salot na kasalana'y parang gusaling nabuwal;
nahubdan po itong tao sa biyayang nagpabanal
na sa yamang katutubo'y lubos siyang nasugatan;
sa loob ng paraiso'y itinaboy na kriminal,
isinumpang man itong Diyos sa awa at pagmamahal,
itinakdang isagawa ang Panibagong Paglalang.

---o0o---

Paglalang na tinatawag ang ginawa nitong Kristo,
nang manaog sa daigdig at tinubos itong mundo;
nuong una, itong Diyos, nang lalangin itong tao,
naglisa't wala namang katulong na sumuklob;
datapwa't nang ibangon ang nagapang taong-lilo,
sa paglikha'y isang INA ang kinauhang nakatoto;
at sa INA ang kinuha'y dugo't laman... naging TAO
at ang tao'y nanumbalik sa lipi ng maginoo.

---o0o---

Ang nasirang pagkatao ay binuo Niyang muli,
minulan sa Kanyang INANG iniligtas sa aglahi;
sa “fiat” na mahiwaga itong INA'Y itinangi
at ginawang walang dungis kahit dungis na kaunti;
pinuspos sa kabanala't kalinisang perlas-wari
at nahigitan pa si EVANG unang reynang naduhagi;
BAGONG EVA itong Ina, nilalang na piling-pili,
itinaas na dakila sa ibabaw nitong lipi.

---o0o---


Ang Anak ng Birhen'y naging ULO ng Sangkatauhan,
upang lahat ay mabagong “bagong tao't bagong buhay;”
yamang sapul na simula ng panibagong paglalang,
si Maria ay kasama nitong Anak na Maykapal;
sa lahat ng gawa Niya itong Ina ay karamay,
kalakbay hanggang wakas sa gawaing walang humpay;
at patuloy sa daigdig ang paglalang na naturan,
habang dito'y mering taong kailangan ay patnubay.

---o0o---


Ang lahat ng hiwaga sa panibagong paglalang
ay sa Birheng Ina nating mahiwaga nating utang;
sa pagpayag ni Mariang maigng Ina ng Maykapal,
ang nawalang kayamanan ay nabawing kaligtasan;
at ang bunga ng “paglikhang pangalawa'y” walang hanggan,
maliban sa mga taong “mamatay sa kasalanan”;
nawa Siyang Ina natin na Ina po ng Maylalang,
iligtas ang kaluluwa sa “hamak na kasawian.”

No comments:

Post a Comment