Mabilis
na Taon sa Pilipinas - Sa loob ng isang taon, napakaraming bagay ang
nangyari sa Pilipinas at napakaraming biyaya ang ibinigay ng Diyos sa
ating bansa. Ilan na ang pagdiriwang ng ginituang Jubileo ng ating
Diyosesis kasama ang kanyang kapatid na diyosesis, ang Diyosesis ng
Imus; ang pagbibigay ng kanonikal na korona sa dalawang imahen ng
Mahal na Birhen sa Malolos at Imus; ang pagkakahirang kay San Padre
Calungsod.
Ilan
araw lang ang nakalipas nang hirangin ni Papa Benedicto ang pitong
Episcopos mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang maging kasapi ng
College of Cardinals, isa na sa kanila ang Arsobispo ng Maynila na si
Lub. Kgg. Luis Antonio G. Tagle. Ang naturang college ay ang kaagapay
ng Santo Papa sa pagpapayabong ng pananampalataya ng mga Katoliko sa
buong mundo at may tungkuling pumili ng susunod na mamumuno sa
Simbahang Katolika alinsunod sa sinaunang kleriko ng Roma.
Isang
napakalaking karangalan para sa Simbahang Lokal ng Pilipinas ang
pagkahirang ni Tagle bilang isang Kardinal, ika-pitong Pilipinong
Kardinal. Tila naglumiwanag muli ang Pilipinas sa buong mundo, isang
bituing nagsisimulang magbigay ng kaningningan. Ang lahat ng
Pilipinong Katoliko, nasa Pilipinas man o sa ibang panig ng mundo, ay
nakiisa sa pagsasaya dahil sa pagkahirang niya. Samu’t saring mga
gawain ang pinasimulan at mga selebrasyon na ginawa, subalit mas
pinili ng bagong hirang na Kardinal na maging payak lamang ang mga
ito.
Marami
ang nagsasabi na mayroon posibilidad na maging susunod na Santo Papa
Si Tagle. Marahil nakatutuwang isipin ang posibilidad na ito, kung
magkakataon man ay magiging unang Santo Papang Pilipino ang Arsobispo
ng Maynila. Walang masama sa paghahangad nito pero dapat hindi ito
ang pagtuunan natin ng atensyon sa panahong ito. Hindi naman mahalaga
kung magiging Santo Papa man siya o hindi, ang mahalaga ay kung paano
natin nakikita na nananahan si Hesus sa kanyang salita at gawa na
nagbibigay ng inspirasyon sa ating lahat. Kinakailangan lamang na
huwag tayo magbulag-bulagan at huwag lamang tayo tumingin sa mga
bagay na nakikita lamang n gating mga mata, mas mahalaga pa nga ang
mga bagay na nakikita ng ating mga puso.
Mabilis
ang mga pangyayari sa kanyang buhay at ang mga ito ay hindi niya
inaasahan. Subalit tulad niya, lagi lamang tayo tumugon sa tinig ng
Diyos at tingnan lamang natin ang Kanyang maamong mukha upang tayo ay
hindi maligaw sa landas na ating tinatahak kahit ito ay taliwas sa
ating inaasahan.
Mas
mahalaga na makita natin kung paano nabubuhay si Kristo sa kanyang
persona at kung paano niya isinasabuhay ang Mabuting Balita ng
Panginoon sa pamamagitan ng kanyang payak na pamamaraan. Mula dito ay
humugot din tayo ng pamamaran kung paano magiging banal na sumusunod
kay Hesus Kristo dahil ito ang kinakailangan nating mga Pilipino sa
mga panahong ito kung kalian unti-unti nang bumababa ang moralidad ng
mga tao. Sa kabila, ng naglulumiwanag na biyaya ng Diyos sa ating
bansa, sa anong paraan tayo tumugon dito?
News on Cardinal Tagle's Elevation to the College of Cardinals
Ukol sa Manunulat: Si Sem. Samuel Aldaba Estrope, II ay miyembro ng Hagonoy Seminarians' Association (HASA) na kinabibilangan ng mga seminaristang may lahi at mga lumaki sa Hagonoy. Lahi siya ng pamilya Aldaba ng Sta. Monica at Santos ng San Jose, Hagonoy. Siya ay parokyano ng Parokya ng Inmaculada Concepcion - Katedral at Basilika Minore. Naglilingkod siya bilang Section Editor for Kultura|Cultura ng pahayagang ito.
No comments:
Post a Comment