Kamakailan
lamang ay ginunita ng buong bayan ang buwan ng Banal na Rosaryo, ang
panahon kung saan ipinagdiriwang ang mga biyayang dulot ng pagdarasal
sa Mahal na Birhen ng Santissimo Rosario na sadyang nakapangingilabot
ang debosyon na aking nasaksihan. Sa iba't-ibang bayan, sa Maynila
man o sa mga barrio lamang, at lalo na sa aking mahal na bayan, ang
bayan ng Hagonoy, tunay nga na napakaraming paghahanda at pagdarasal.
At mula dito bigla kong naisip ang unang pagkakataon na ako ay
namulat at nakilala ang rosaryo, naala-ala ko tuloy ng bata pa ako,
palaging sinasabi sa akin ng aking ina, tuwing alas sais dapat ay
nasa tahanan na ako at ang aking mga kapatid upang mgdasal ng
sama-sama ng rosaryo. At bilang isang taga-Hagonoy, hindi naman ito
dayuhan sa akin sapagkat namulat ako sa isang bayan na puno ng mga
mapagdasal na mga tao. Ang aking lola ay tagapag-ingat ng isang
bisita, na minana pa niya sa aking mga ninuno, at karaniwan sa aming
pamilya ay tagapagtangkilik ng Simbahan. At dahil sa halimbawang
ipinakita nila sa akin, napalapit ako ng higit sa Mahal na Birhen
simula ng ako ay matutong mamuno sa pagdarasal ng rosaryo.
Pinamununan ng mga deboto sa Mahal na Ina ng Stmo. Rosario ang banal na rosaryo sa patio ng Simbahan ni San Juan Bautista. |
Napakagandang
panimula ito ng aking pananampalataya, ang bawat pagbigkas ko ng mga
kataga sa pagdarasal ay parang mga hakbang kasama si Ina patungo sa
aking kapatid na si Hesus, na tila musika itong nagdadala sa akin sa
kapatawaran, pagpapasalamat at pagpupuri sa Diyos, at naglaon nga ay
lalo pang nagigting ang aking debosyon. Noon ay natuwa nga ako noong
may lumapit pa sa akin upang matulungan ang aming bisita na
makapagpagawa ng sariling imahen ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario,
ito ay dahil na rin sa kanilang pagmamahal kay Ina, at nito nga
lamang ngang nakaraang ikalawang lingo ng Oktubre, taong kasalukuyan
ay pinalad rin akong mabisita ang isang tanyag na simbahang
nagtatampok sa Mahal na Ina, ang simbahan ng La
Naval de Manila at
iyon
ang unang pagkakataong nakita ko siya ng personal, at nagdulot ito sa
akin ng lubos na kasiyahan.
Nagkaroon ng pagsasadula ng mga naganap noong paglilihi ng Mahal na Birheng Maria na ginanap ng mga kabataan ng parokya. |
At
nito ngang ika-31 ng Oktubre, taong kasalukuyan, ginanap rin sa aming
parokya, ang Parokya ni San Juan Bautista ang pagtatapos ng Buwan ng
Rosaryo at ito ay sinimulan pa noong unang araw ng buwan ng Oktubre
kung kailan itinaguyod ito ng mga deboto ni Ina sa pangunguna ng mga
samahang Daughters
of Mary Immaculate at
Catholic
Womens' League,
isang buwan ng taimtim na pagdarasal, araw-araw na misa sa umaga,
pag-aalay ng korona, bulaklak at rosaryo sa imahen ng Mahal na
Birhen, at iba pang gawain katulad ng Living
Rosary
na ginanap naman ng huling linggo ng Oktubre ang inilunsad ng
parokya, Sinimulan ito sa ganap na alas sais ng umaga, dinaluhan ito
ng ibat-ibang samahang pang Simbahan pati na rin mga batang nagmula
sa paaralang nasasakupan ng parokya, ang mga bata ay binigyan ng
pagkakataong mamuno at makilahok sa nasabing gawain, upang makita sa
kanila ang dapat na debosyong kanilang dapat na gawin upang lumawak
pa ang kanilang pananampalataya at mas mapalapit pa sa Mahal na Ina,
tunay itong naging makabuluhan. Tinapos ang pagdiriwang sa isang
prusisyon na sinundan naman ng isang banal na misa na pinangunahan ng
aming Kura Paroko, Rdo. P. Candido D. Pobre, Jr. at sa pagtatapos ng
paggugunita ng araw na iyon, sadyang pinukaw nito ang damdamin ng mga
mananampalataya at nag-iwan ng mensahe. At ang mensaheng ito ay dapat
hindi lamang tuwing Oktubre, ang buwan o panahon ng pagdarasal ng
Banal na Rosaryo dinarasal ang nasabing panalangin, kundi dapat
araw-araw, dahil araw-araw din nating kasama at katuwang ng kanyang
Anak na si Hesus, ang Mahal na Birhen, ang Inang may pag-ibig na
hindi kalian man ay hindi kumukupas.
Ang pagdiriwang ng banal na Misa sa karangalan ng Birheng Maria na pinamunuan ng Kura Paroko, Rdo. P. Candido D. Pobre, Jr.
Photo Courtesy: Gabriel S. Sebastian (Parish of St. John the Baptist)
|
No comments:
Post a Comment