Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, January 11, 2013

KULTURA: Inang Patrona ng Diyosesis at Pilipinas: Ang Dakilang Kapistahan ng Paglilihi kay Maria - Pagdiriwang sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo



    Isang tradisyon na sa mga mananampalataya at deboto ng Birheng Maria sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Hagonoy na bigyang parangal ang Kalinis-linasang Paglilihi kay Maria bilang Virgen ng Inmaculada Concepcion na siyang pintakasi ng Bansang Pilipinas at ng Diyosesis ng Malolos. Ang nasabing pagdiriwang ng kapistahan ay bahagi sa taunang programa ng parokya na ipagdiwang ang mga kapistahan ng Birheng Maria bawat buwan sa kadahilanang si Maria ang patrona ng parokya sa titulo ng Ina ng Laging Saklolo.

     Sinimulan ang parangal sa Mahal na Ina sa pamamagitan ng araw- araw na pagnonobena noong ika-29 na araw ng buwan ng Nobyembre taong 2012 sa ganap na ika-6 ng umaga na sinundan ng pagdiriwang ng Eukaristiya. Tinalakay ni Rdo. P. Norberto F. Ventura, Kura Paroko, ang kadakilaan ng Diyos sa paghirang kay Maria bilang instrumento ng paghahanda ng panukala ng Diyos sa ikaliligtas ng sangkatauhan. Ayon sa kanya, sa paglilihi sa kanya ni Sta. Ana, ang Ina ng Birheng Maria at Pintakasi ng Bayan ng Hagonoy, pinuspos na si Maria ng pagpapala ng Maykapal sa pagbubukod sa kanya sa pagmamana ng kasalanang orihinal mula sa ating mga magulang na sina Adan at Eba.

    Isa sa mga araw ng nobenaryo ay natapat sa unang Miyerkules ng Buwan kung saan ang mga deboto ni Maria at dumagsa sa parokya mula di lamang sa mga baranggay sakop ng parokya, lalo’t higit ang pakikiisa ng mga mananampalataya mula sa mga karatig parokya at bayan na animoy Misa pang-Linggo ang kapal na taong nakibahagi sa pamimintuho sa Mahal na Ina.Isang patunay ito na si Maria ay bahagi ng daloy ng buhay ng mga deboto.

    Disyembre 8, 2012, araw ng Kapistahan ng Virgen Inmaculada Conception, maaga pa lamang ay dumagsa na ang mga deboto sa pangunguna ng Kapatiran ng Ina ng Laging Saklolo ay inilabas sa parokya ang prusisyong parangal sa Mahal na Birhen ng Inmaculada Concepcion. Matapos ang prusisyon, idinaos ang Nobena sa karangalan ng Mahal na Ina. Ang pinakatampok ng pagdiriwang sa araw na iyon ay ang pagdiriwang ng Banal na Misa kung saan pinarangalan si Maria sa pagdakila sa Diyos sapamamagitan ng makalangit ng pag-awit ng koro ng Gloria . Masasabing espesyal ang naging pagdiriwang ng Misa sa kadahilanang ang mga pagbasa, salmo at ebanghelyo sa misa ay sadyang patungkol sa kapistahan ng Inmaculada Concepcion alinsunod sa ipinalabas na tagubilin ng Diyosesis ng Malolos na gawing espesyal ang pagdiriwang sa Katedral ng Malolos bilang sentro ng diyosesis na siyang simbahang nagdiriwang at sa mga sako[p nitong simbahan na isang ginawa sa parokya ng Ina ng Laging Saklolo bilang sakop nitong simbahan.

    Sinasabing nagsimula ang pagdiriwang ng Kapistahan sa Kalinis-Linisang Paglilihi kay Maria noong idineklara ni Papa Pius IX ang doktrina ng Immaculada Concepcion noong December 8, 1854.  Pero bago pa nito, matagal nang kinikilala at tinatanggap ng Simbahang Katolika ang mahalagang papel na ginampanan ng Mahal na Birheng Maria sa pagkakatawang-tao ni Jesus. Sinasabing ang pamimintuho ng mga Pilipino sa Virgen ng Inmaculada Conception ay matanda pa sa mismong deklarasyon ng doktrina nito. Matatandaan sa kasaysayan ng pagdating ng Kristyanismo sa Pilipinas, isa sa limang barkong nakarating sa Pilipinas ay ang Concepcion, ang pangalan ng Barko bilang parangal sa banal na paglilihi sa Birheng Maria. Ito ay sumasalamin sa matindi at malaganap na pamimintuho sa Mahal na Birhen ng Inmaculada Conception dahilan sa di mabilang ang mga kapilya, parokya, diyosesis , arkediyosesis ang ipinangalan sa titulo ng Inmaculada Concepcion bilang Patrona . Isa na mga dito ang ating diyosesis, ang Diyosesis ng Malolos na nagtagalay ng ganitong titulo.

   Ang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Paglilihi kay Maria ng walang bahid ng kasalanang orihinal ay sumasalamin ay pagnanais ng bawat mananampalaya na matularan ang kanyang mga halimbawa at pagnanais na maiwaksi ang kasalanan patungo sa wagas na kabanalan.


Mahal na Birhen ng Inmaculada Concepion, 
Ipamagitan mo po kami. Amen.

Photo Courtesy: Jun R. Acuña (Parokya ng Ina ng Laging Saklolo) 

No comments:

Post a Comment