Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, January 18, 2013

TESTIMONIALS: BROTHER PRIESTS AND SEMINARIANS



Rev. Fr. Danielito C. Santos
Parochial Vicar
Nuestra Señora dela Asuncion Parish
San Jose, Bulakan, Bulakan
(2003 – 2005)


    Si Fr. Teng ay isa sa mga mabubuting pari na nakilala ko at nakasama ko sa parokya. Natatandaan ko, pagdating sa parokya niya sa Bulakan, Bulakan, ay inayos niya ang lahat, pati ang aking kwarto, yung mga kailangan ko doon. At sabi niya, ang isa sa mga hindi niya iapaparanas yung mga hindi magagandang bagay na naranas niya noong siya ay batang pari pa mula sa kanyang mga Kura Paroko. Bukod diyan, si Fr. Teng din ay maasikaso sa kanyang katuwang. Sa schedule noon, kahit siya ay sakitin na, kahit siya ay matanda na, palagi pa ring hati ang mga schedule sa misa at mga gawain sa parokya. At higit sa lahat, marami kang matututunang karunungan mula kay Fr. Teng, marami ka talagang matututunan sa kanya. Isa siyang mahinahon, mabait at banal na pari.

Si Rev. Fr. Danielito C. Santos ang kasalukuyang Spiritual Director ng mga seminarista sa Immaculate Conception Major Seminary - Philosophy Department sa Tabe, Guiguinto, Bulacan.



Rev. Fr. Jose Adriand Emmanuel L. Layug
Parochial Vicar
Nuestra Señora dela Asuncion Parish
San Jose, Bulakan, Bulakan
(2001 – 2003)

    Para po kay Msgr. Teng Manlapig, isa po ang masasabi ko tungkol sa kanya. At iyon ay isa siyang pari na malapit sa mga dukha at kapus palad. Sa loob ng dalawang taon na nagkasama kami, nakita ko ang kanyang kalooban bilang isang pari. Siya po ay hindi matatawaran sa pagtulong sa mga dukha at kapus palad. Kaya naman po aking pinasasalamatan at binabati si Msgr. Teng Manlapig.

Si Rev. Fr. Jose Adriand Emmanuel L. Layug ang kasalukuyang Dekano ng Pag-aaral ng mga seminarista sa Immaculate Conception Major Seminary - Philosophy Department sa Tabe, Guiguinto, Bulacan.


Sem. Jiovanne Christian S. Bariquit
Parish of Our Lady of the Most Holy Rosary
Maysan, Valenzuela City

    Si Msgr. Teng ay nakilala ko lamang ng halos dalawang taon kasi kahit limang taon ko na siyang Kura Paroko. Nagsimula kaming naging magkakilala noong ako ay papapasok na ng seminaryo. Pero iyon ay isang bagay na ipinagpapasalamat ko sa Diyos, sapagkat sa mga panahong iyon, nakita ko kung paano siya nabuhay. Si Msgr. Teng ay isang simpleng pari, kaya naman masasabi ko na ginagawa niya ang ginagawa ng isang tunay na pari. Natutuwa ako kapag nakakarinig ako ng mga kuwento tungkol kay Msgr. Teng, siya daw ay namimigay ng pera sa mga bata tuwing Pasko. Mapapansin din natin, marami sa ating kaparian dito sa diyosesis ay may sasakyan, siya walang sasakyan. Doon makikita ang kasimplehan ng buhay ni Msgr. Teng. Sa pakikipagugnayan ko sa kanya bilang seminarista niya sa parokya, marami siyang itinuturo sa akin at ipinapayo sa akin. Noong pumasok ako sa seminaryo, tuwang-tuwa siya kasi may gustong magpari sa kanyang mga parokyano na diyosesano. Kaya naman masaya ako at nakilala ko si Msgr. Teng. Masaya ako at naging bahagi siya ng buhay ko. Masaya ako dahil siya ang naging inspirasyon ko sa pagpasok ko dito sa seminaryo. Ito ang dahilan kung bakit mas nagugustuhan ko pa na tahakin ang landas ng pagiging pari.

Si Sem. Jiovanne Christian S. Bariquit ay kasalukuyang nasa ikalawang antas ng pag-aaral sa Immaculate Conception Major Seminary - Philosophy Department sa Tabe, Guiguinto, Bulacan.



Sem. Rupert S.M. Roxas
Parish of Nuestra Señora dela Asuncion
San Jose, Bulakan, Bulakan

     Ilan lang sa mga naaalala ko noong Kura Paroko ko pa si Fr. Teng ay siya na iyong paring nakikita ko sa simbahan noong bata ako. Siya na kung baga yung nakagisnan kong Kura Paroko sa Bulakan, Bulakan. Yung mga bagay na natandaan ko sa kanya ay ang kanyang kasimplehan at pagkamakumbaba. Una, simple lang siya. Bakit? Kasi makikita mo na kapag magmimisa siya sa barrio, minsan masisira yung owner-type jeep na sinasakyan niya, kaya nag-tra-tricycle siya, nagmamasahe siya. Minsan nga mukha pa siyang mas komportable kapag nag-tra-tricycle siya. Kahit na alam niya na malayo yung barrio na kailangan niyang misahan, gagawin niya. Siya lang at saka yung sakristan niya ang magkasama, o kaya kung minsan naman makakasama din ako sa pag-seserve kapag may misa siya sa barrio.

     Pangalawa, maalalahanin din siya. Hanggang ngayon kasi, tuwing nagkikita kami sa loob man o sa labas ng diyosesis, binabati niya ako at kinakamusta ako, ang parokya at ang pamilya ko. Sinasabihan niya ako lagi na pagbutihan ko, ipagpatuloy lang ang buhay sa seminaryo at magpari ako. Iyon ang palaging mga binibilin niya sa akin. Nakakapanibago para sa akin kasi noon kura ko lang siya, pero ngayon siya na 
yung nagsisilbing inspirasyon para sa akin para magpari.

    Pangatlo, maririnig ko palagi na sa kanyang mga homiliya, palagi niyang sinasabi ang mga katagang “sa tulong at awa ng Diyos.” Hindi nawawala yung linya na iyon, at dahil doon iyon ang hindi ko makakalimutan sa kanya. Parang mga linya na iyon ang isinasabuhay niya kasi matindi ang pag-asa niya sa Divine Providence. Ito ang isang bagay na magandang makuha ng ibang mga tao sa kanya.

   Panghuli, isa siyang tao na puno ng karunungan. Kahit matanda na siya, iyong mga pagpayo niya at yung mga sinasabi niya, para sa mga bata ay hindi masyadong maganda sa pandinig sa panahon ngayon kasi sabi ng iba oldies (matanda) na siya. Pero yung mga sinasabi niya ay napakalalim. Marami kang matututunan talaga. Kaya napakaganda na isabuhay yung mga sinasabi niya kasi yung siguro ay mga naranasan at napagdaanan na din niya sa buhay niya.

    Kaya naman po binabati ko po si Fr. Teng sa kanyang anibersaryo, Happy 50th Sacerdotal Anniversary! Tiyak na sa 50 taon na iyon, marami siyang natulungan at isa na ako doon. Hinihingi ko lang po sa lahat na ipagdasal natin siya upang patuloy siyang magbigay inspirasyon sa maraming tao.

Si Sem. Rupert S.M. Roxas ay kasalukuyang nasa ikalawang antas ng pag-aaral sa Immaculate Conception Major Seminary - Philosophy Department sa Tabe, Guiguinto, Bulacan. 

No comments:

Post a Comment