Makikita sa larawan ang orihinal na imahen ng N.S. del Santissimo Rosario de Hagonoy na pinaganda at inayos para sa pagdiriwang. Kasama sa larawan sa itaas ang logo ng animnapung guning taon.
|
Ang akdang ito ay isang series o grupo ng mga artikulo ng mga manunulat mula sa Parokya ng N.S. del Santissimo Rosario para sa pagdiriwang ng kanilang ika-animnapung guning taon bilang isang parokya. Nahahati ang akdang ito sa tatlong artikulo ukol sa mga gawain at mga debosyon na naganap noong pagdiriwang.
UNANG BAHAGI:
Animnapung Guning Taon: Tapat na Debosyon, Dulot ay Kagalakan
“Tapat na Debosyon, Dulot ay Kagalakan”
Ito ang temang binigyang diin sa nakaraang isang buwang pagdiriwang ng pagkakatatag ng Parokya ng Nuestra Seňora del Santissimo Rosario. Animnapung taon na ang nakalilipas mula nang ang Parokya sa Kanlurnang Hagonoy ay naitatag wala pa ring kasing tingkad ang debosyon ng mga mananampalataya sa Mahal ng Birhen ng Sto.Rosario.
Ang masayang pagdiriwang ng Kapistahan ng Birhen ng Sto. Rosario na ginanap noong ika-7 ng Oktubre na siyang pandigdigang pagdiriwang para sa birhen. Ang mga kaganapan sa mga larawan ay ang mga sumusunod: 1.) ang gayak ng simbahang parokya noong araw ng kapistahan, 2. and 3.) Ang mga namuno sa Banal na Misa, si Lubhang Kgg. Deogracias S. I
ñiguez, Jr., D.D., Obispo ng Kalookan at si Rdo. P. Quirico L. Cruz, Kura Paroko; 4.) kasama rin nila si Rdo. P. Bartolome Saguinsin Bernabe, paring tubong Sto. Rosario, 5.) ang mga nagdiwang ng Banal na Misa kasama ang Parish Pastoral Council, ang Hermano Mayor, Kgg. Wilhelmino M. Sy-Alvarado at ang kanilang pamilya.
|
Sa misang pinangunahan ng Lub. Kgg. Deogracias Iñiguez, Obispo ng Diyosesis ng Cubao, isinaad niya sa kanyang homilya na tulad sa pagdili-dili natin ng Mahal na Sto. Rosario tayong mananampalataya ay pinapag-alab ng debosyong umaasa sa mga pangako ng ating Panginoon.
Sa pasimula ng paghahanda sa pagdiriwang ay naglunsad noong ika-28 ng Setyembre ng isang pagoda sa karangalan ng Mahal na Ina ng Sto. Rosario. Ayon kay Reb. P. Quirico L. Cruz, kura paroko ng Parokya, marapat lamang na buksan ang paghuhudyat ng pagsisimula ng isang buwang gampanin sa isang Pagoda sa kadahilanang ang imahe ng Mahal na Birhen ay natagpuan sa baybayin ng barangay kung saan ngayun nakatayo ang kasalukuyang dambana at idagdag pa na ang barangay ay naliligiran ng tubig kung saan ang pamayanan ay nabubuhay sa pangisdaan at akwa-kultura.
“Ang katubigan ang pinagsimulan ng kultura ng mga taga-Sto.Rosario at sa katubigan rin masasalarawan kung paano namuhay ang mga taga-Sto.Rosario,” dagdag pa niya.
Sa umaga ng ika-7 ng Oktubre, inanyayahan ang lahat sa pamamagitan ng pagbatingaw ng mga kampana at sagitsit ng mga kuwitis. Sa ganap na ika-10 ng umaga, pinasimulan ang maringal na pagdiriwang ng misa ng kapistahan sa pangunguna nina Reb. P. Quirico L. Cruz at Lub. Kgg. Deogracias S. Iñiguez, Jr. Ang lahat ay napuspos ng pagpapala sa nasabing pagtitipon na dinaluhan din naman ng mga pinuno ng bayan sa pangunguna ni Kgg. Wilhelmino M. Sy-Alvarado na tumayo bilang Hermano Mayor.
Sa kanyang mensahe, inihayag ng Kgg. Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang naidulot na pagpapala sa kanya at sa kanyang pamilya ng Mahal na Patrona ng Sto. Rosario kung kaya’t kanyang hinikayat ang lahat na mas palalimin pa ang pagdedebosyon sa Mahal na Birhen. Ang naging pagdiriwang ay kinatampukan ng mga sumusunod na gawain kaalinsabay ng isang buwang pagpapasalamat ng buong Parokya ng Stmo. Rosario:
Ika-14 ng Oktubre- Mga Luma at Bagong Awit ng Kagalakan Alay kay Maria. Isang konsiyertong alay sa Mahal na Birhen ng Sto. Rosario ng Stmo. Rosario Parish Grand Choir. Ang gabi ay pinakulay ng iba’t ibang himig ng papuri at pasasalamat sa Mahal na Ina, kinatampukan ang konsiyerto ng mga nauna at baguhang miyembro ng Grand Choir.
Ika-21 ng Oktubre- Kasalang Bayan. Animnapung pares na magkatipan na higit sa limang taon ng nagsasama ang nabigyan ng pagkakataon na makatanggap ng sakramento ng kasal sa pamamagitan na rin ng Komisyon ng Pamilya at Buhay na siyang nanguna sa pagpili ng mga mapapalad na nagsasama upang mapabilang sa listahan ng maikasal.
Ika-28 ng Oktubre- Si Maria at ang mga Banal ng Sto. Rosario. Sa huling linggo ng Oktubre bilang pagtatapos ng mga gawain sa buong buwan ay kinatampukan ng pagpuprusisyon ng mga imahe ng mga Banal ng Sto. Rosario. Kaalinsabay ng nasabing gawain ang paghahatid ng katesismo tungkol sa mga nasabing Banal upang lubos na maiparating ang pagpapalang hatid ng Banal na Sto. Rosario.
IKALAWANG BAHAGI:
Ala-ala ng Aninampung Guning Taon: Kasalan sa Parokya
Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang loob, hindi mainggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang ugali, hindi makasarili,hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Ang pag ibig ay mapgpatawad, mapagtiwala, puno ng pag asa at mapagtiis hanggang wakas.
1 Cor: 4-7.
Ang kasal ay buhat ng ipinagbuklod na pag-ibig ng dalawang nagmamahalang lalaki at babae. Ang pag-ibig din ang dahilan kung bakit sa pagdiriwang ng ika-60 taon ng pagkakatatag ng parokya ng Sto. Rosario, 34 na partes ng mga nais gumanap sa sakramentong ito ang nagpasyang gawin ito ng sabay-sabay bilang pag-alala sa natatanging pagdiriwang ng parokya. Sa ganap na ika 2:00 ng hapon noong ika-21 ng Oktubre ginanap ang maramihang kasalan sa Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario. Ang mga ikinasal ang naging sentro ng pagdiriwang at siyang nagtumpok sa pagsasaya ng mga parokyano. Sa pagsisiskap ng Lupon ng Pamilya at Buhay ay maluwalhating naisagawa ang okasyon at naisagawa ang lahat ng naaayon sa kanilang plano
Ayon kay P. Quirico L. Cruz, ang lingkod pari ng parokya ng Stmo. Rosario sa kaniyang homilya.
May dalawang dahilan kung bakit may ilang ayaw tumanggap ng sakramento ng kasal. Una mahal daw ang magkasal sa simbahan dahil mahal daw ang gagastusin sa pagkain, venue, at damit ng ikakasal, ang tanong ay sa simbahan ba gagamitin ang mga iyon?. (Ito'y) dahil sa nakasanayan na ng mga Pilipino ang maghanda sa mga mahalagang okasyon. Pangalawa ang mga mag-asawa ay takot nang pumasok sa pang-habang buhay na kasunduan. Dahil ang kasal sa Simbahan ay pang-habangbuhay at walang batas na maaring makapagwalang- bisa nito. Kaya (naman) takot pumasok (ang mag-asawa) sa isang responsibilidad ng pagpapamilya
Naging makahulugan ang kasalan na ito lalo na sa mga ikinasal sa pagbubukas ng panibagong yugto ng kanilang buhay na may basbas ng Diyos. Naging mas higit pa ang pagtatangi ng pagdiriwang sapagkat naganap ito sa loob ng buwan ng pagdiriwang ng ika-60 taong anibersaryo. Ang iba sa mga ikinasala na ito ay mahigit nang ilang taong naghihintay na magkaroon ng kasalan sa parokya ng Sto. Rosario. Ito ang dahilan kung bakit pinagsumikapang ayusin ng Komisyon ng Pamilya at Buhay ang gawaing ito upang alayan sila ng isang libreng kasalan na naging mahalagang bahagi ng kanilang mga buhay.
Kahit naging mainit ang panahon ay mainit din naman at buong galak silang sinuportahan ng kanilang mga pamilya upang masaksihan ang isang maligayang sandali ng kanilang buhay, ang buhay kung saan kasama nila ang isa't isa at may pagbabasbas ng Panginoong Diyos.
IKATLONG BAHAGI:
Si Maria at ang mga Banal ng Santo Rosario: Kasaysayan at Pag-alala sa Debosyon sa Santo Rosario sa Hagonoy
Ang buong buwan ng Oktubre ay itinuturing bilang Buwan ng Rosario ng Mahal na Birheng Maria. Kaya naman sa Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario, isinasaayos din ang pagdiriwangn ng kapistahan bilang isang isang buwang pagsasaya. Bagamat ang Parokya ay nagdiriwang talaga ng kapistahan tuwing unang linggo ng Oktubre ay may nakalaang pagdiriwang bilang parangal sa Ina ng Sto. Rosario na patrona ng parokya. Ngayong taon ang parokya ay nagdiriwang rin ng ika-60 guning taon ng pagkakatatag. Ang huling linggo ng Oktubre ay dalawang taon nang inilalaan para sa karangalan ng Mahal na Birhen ng Rosario kasama ang mga Banal na may pamimintuho at nagpapalaganap ng debosyon sa kanyang rosaryo, lalo na ang mga Santo ng Order of Preachers (Dominikano). Ito'y dahil sila ang mga tunay na nagpasimula ng pagpapalaganap sa pagdarasal ng Santo Rosario sa Inang Simbahan. Nagbuhat ang ideya na ito sa Prusisyon ng Mahal na Birhen ng Santo Rosario ng La Naval de Manila sa Simbahan ng Santo Domingo sa lungsod ng Quezon, kaya`t kung ituring ng iba ay La Naval sa Hagonoy ang ginaganap na ito sa parokya.
Ang Pagdiriwang ay natapat sa ika-28 ng Oktubre, ika-3 pa lamang ng hapon ay dumudupikal na ang kampana ng simbahan at sa ganap na ika-4 ng hapon ay sinimulan ang Banal na Misa sa pangunguna ng Kura Paroko, P. Quirico L. Cruz at naroon ang iba`t ibang samahan sa loob ng parokya. Mapapansin rin ang pagpunta ng mga taga-ibang lugar. Pagkatapos ng Banal na Misa ay agad na inilabas ang Maringal na Prusisyon sa pamamagitan ng pagpapakilala sa bawat santo at santa, at ang lahat ay nakikinig at nakatuon sa pagdaan ng imahen sa kanilang harapan. Ang kampana ay sabay-sabay na dumupikal, ang palakpakan ay hindi magkamayaw, inawit ang Salamat Maria ni Basil Valdez na inawit sa karangalan ng Birhen ng Sto. Rosario. Ang lahat ay nagbigay ng parangal habang lumalabas ang Imahen ng Virgen Festejada, ang Mahal na Birhen ng Santo Rosario ng Hagonoy. Ang Prusisyon ay umikot sa buong nasasakupan ng Parokya at ang lahat ay sama-samang nagdarasal ng Rosario.
Narito ang mga Santo at Santa ng Banal na Rosario sa Hagonoy:
San Lorenzo Ruiz de Manila (1600 - 1637), ang Unang Santong Pilipino na isang kasapi ng Cofradia ng Santisimo Rosario sa Simbahan ng Binondo.
Beata Margarita de Castello (1287 – 1320), Laykong Dominikana ng Stmo. Rosario.
San Fransisco de Capillas (1607 – 1648), Misyonerong Dominikano na isinama ni Papa Beato Juan Pablo II sa 120 Martir ng Tsina na iprinokalamang santo noong taong 2000.
San Juan Macias (1585 – 1645), Laykong Dominikanong Kastila na nangaral sa Peru.
Santa Rosa de Lima (1586 - 1617), Laykong Dominikana na tubong-Peru, Pangalawang Patrona ng Pilipinas at Patrona ng mga Laykong Dominikano at Dominikana.
Santa Catalina de Ricci (1522 – 1590), isang sikat na madreng Dominikana dahil sa kanyang mga natanggap na biyaya mula sa Diyos tulad ng stigmata.
San Juan Colonia (1550 - 1572), paring Dominkano ng Alemanya na naglingkod bilang tagapagtanggol ng Eukaristiya laban sa mga kaaway na naging dulot ng pagpatay sa kanya.
San Pio Quinto (1504 – 1572), siya ang Papang Dominikano na nanalangin sa Birhen ng Sto. Rosario sa paglaban ng mga Katolikong sundalo laban sa mga Turko sa Lepanto. Ipinangaral niya ang pananalangin ng Banal na Rosario.
San Vicente Ferrer (1350 – 1419), prayleng Dominikano mula sa Valencia sa Espanya na naging sikat dahil sa kanyang pangangaral at pagtulong sa mga bata sa mga ampunan.
Santa Ines de Montepulciano (1268 – 1317), kilalang madreng Dominkana dahil sa mga biyayang binigay sa kanya tulad ng biyaya ng pagpapadami sa mga tinapay para sa mga nangangailangan.
Santa Margarita de Ungaria (1242 – 1271), anak siya ng isang hari ng Ungaria ngunit nagpasyang maging madreng Dominikana upang mabuhay ng banal.
San Jacinto de Polonia (1185 – 1257), kilala bilang Apostol ng Hilaga dahil sa kanyang mga pangangaral sa mga mananampalataya at pati na sa mga hindi sumasampalataya sa Polonia (Poland).
San Pedro Martir de Verona (1205 – 1252), isang prayleng Dominikano mula sa Verona, Italya na kilala bilang protomartir ng mga Dominkano. Kilala siya bilang isang paring tinamaan sa ulo ng isang tabak.
Santa Catalina de Siena (1347 – 1380), isang madreng Dominikana na sikat sa kanyang pagkakaroon ng stigmata at ang kanyang debosyon sa Mahal na Birhen; pangalawang patrona ng parokya.
Santo Domingo de Guzman (1170 – 1221), patron ng mga astronomo, nagtatag ng Banal na Orden ng mga Dominikano o Order of Preachers at nagpakilala sa debosyon sa Sto. Rosario; pangalawang patrona ng parokya.
Senyor San Jose, Esposo de Maria
Ang Matandang Imahen ng Virgen Festejada
Mahal na Birhen ng Santo Rosario ng Hagonoy
Sa iyo napapakupkop Mahal na Ina ng Diyos, itanglaw mo sa amin ang yong anak na si Jesus.
Mabuhay ang Parokya sa kanyang ika-60 guning taon!
Mabuhay ang Mahal na Birhen ng Rosario ng Hagonoy!
VIVA LA VIRGEN!
Page 1 of 4
Please press Older Posts for Page 2.
No comments:
Post a Comment