Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, January 11, 2013

KULTURA: Isang Panata kay Maria: Ang Debosyon sa Birhen ng Inmaculada Concepcion sa Pambansang Dambana ni Sta. Ana


































Unang Bahagi | Ang Dakilang Kapistahan ng Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria

Ang petsang ika-8 ng Disyembre, tulad nang ika-25 ng Disyembre at ang unang araw ng Enero, ay isang dakilang araw na ipinapangilin ng mga Katoliko sa iba’t ibang dako ng mundo. Buhat ito ng pagdiriwang ng Inang Simbahan sa paglilihi sa Mahal na Birheng Maria ng kanyang ina na ating patrona, si Sta. Ana. At hindi ito isang ordinaryong paglilihi sapagkat ito ay dahil sa biyaya ng Diyos kay Maria bilang sisidlan ng kanyang anak na dumating upang iligtas ang lahat. At ang bayan ng Hagonoy ay isa sa mga lugar na kung saan lubos na ipinagdiriwang ang Dakilang Kapistahan ng Paglilihi sa Ina ng Diyos, ang Birheng Maria. Bunga ito ng malalim na debosyon ng mga taga-Hagonoy sa Mahal na Birhen na makikita sa lubos na pagdaraos ng kanyang mga kapistahan kada taon.

Ang imahen ng Nuestra Señora del Inmaculada Concepcion na nasa pangangalaga ng Pamilya Bernardo ay isa sa mga matagal na iprinuprusisyong imahen ng Mahal na Birhen sa Pambansang Dambana ni Sta. Ana. Dahil ito sa pagsisikap ng Kapatiran ng Birhen ng Inmaculada Concepcion na kung saan naging miyembro si Gng. Francisca Pelagia Bernardo na simula noon at hanggang sa ngayon sa pamamagitan ng kanyang mga anak, ipinagpapatuloy ang isang panata sa Mahal na Ina.
Sinimulan ang pagdiriwang sa pagsapit ng ika-29 ng Nobyembre sa pangunguna ng mga kasapi ng Kapatiran ng Birhen ng Inmaculada Concepcion ng Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana. Sa pagdaraos ng pagdiriwang noong ika-8 ng Disyembre nagkaroon ng dalawang misa sa umaga sa karangalan ng Ina ng Sangkatauhan. Ang una ay noong ika-anim ng umaga at ang ikalawa naman noong ika-8 ng umaga. Ang una ay para sa lahat ng deboto ng Mahal na Birhen samantalang ang ikalawa naman ay para sa mga mag-aaral ng St. Mary’s Academy of Hagonoy sa pamumuno ng mga madre ng Religious of the Virgin Mary. Pareho silang sinundan ng prusisyon sa kabayanan ng Hagonoy.

Nagkaroon din ng sama-samang almusal lahat ng nakipagdiwang at sumunod sa unang prusisyon. Inakong lahat ng mag-anak ng yumaong kapatid na si Gng. Francisca Pelagia “Payang” Bernardo ang lahat ng nagastos sa pista maliban sa donasyon para sa paring nagmisa. Matagal nang pinangungunahan ng Pamilya Bernardo ng Sta. Monica ang pagpaparangal sa Birhen ng Inmaculada Concepcion. Sa kanila ang imahen na ginagamit ng Kaptiran na iprinuprusisyon sa paligid ng Simbahan. Nagbigay rin sila sa Komisyon ng Paglilingkod para sa mga nasalanta sa panahon ng kalamidad.


Ikalawang Bahagi | Ang Panata kay Maria, Ang Mahal na Ina

    Sa loob ng mahabang panahon, nagmistulang inspirasyon ang pagpapagal at pagtulong na ginagawa ng mga pamilya para sa kapakanan ng parokya. Tanda ito ng ipinapakitang kabanalan na ipinapasa mula magulang hanggang sa anak sa habang sila ay nabubuhay. Ito ay pagpapakita ng isang pangako para sa ikararangal ng Panginoon na nagmula sa pagmamahal ng mga deboto sa santo o santang kanilang binibigyang parangal.





Mga lumang larawan ng pagpruprusisyon sa Birhen ng Inmaculada Concepcion na ginagawa na noon pa ng Pamilya Bernardo. Makkita dito si Gng. Francisca Pelagia Bernardo (nakapula) na siyang pumupunta upang sumama sa prusisyon. Makikita ang kanyang mga anak na sina Felimon (nasa tabi ni Gng. Bernardo, pangatlong larawan) na siyang nagpapatuloy ng panata na ito sa kasalukuyan. 
   Matagal na ring naglilingkod para sa pamayanan ng Parokya ni Sta. Ana ang Pamilya Bernardo ng Sta. Monica. Sinimulan ito ng pinuno ng pamilya nitong si Francisca Pelagia Bernardo bilang pasasalamat sa Mahal na Ina sa kanyang paggabay sa kanya at sa kanyang pamilya sa lahat ng pagsubok. Isa ang Birhen ng Inmaculada Concepcion sa mga imahen na inaalagaan ng pamilyang ito kasama ng Birhen ng Santissimo Rosario na iprinuprusisyon tuwing Oktubre at ng imahen ng Poong Hesus Nazareno na iprinuprusisyon tuwing Enero. Ipinagawa ni Gng. Bernardo ang mga ito sa Pampanga at sa lahat ng mga ito, ang imahen ng Birhen ng Inmaculada Concepcion ang pinakatanyag. Bilang miyembro noon ng Kapatiran, minarapat ni Gng. Bernardo na parangalan ang Birheng Maria kung kaya’t nagsimula ang panata ng pamilya sa Birhen ng Inmaculada Concepcion na patuloy pa ring ginagawa hanggang sa kasalukuyan. Tuwing umaga ng pagdiriwang, pumupunta si Gng. Bernardo sa simbahan at sinasamahan ng kanyang pamilya ang mga miyembro ng kapatiran at ang iba pang mga deboto at debota sa pasasalamat sa Banal na Misa. Ayon kay Gng. Felimon Bernardo, anak ni Gng. Bernardo, isa ito sa mga natatanging gawain na inaako ng kanyang ina bilang pasasalamat sa mabuting kabuhayan, pamilyang nagkakaisa at sa biyaya ng Diyos sa harap ng iba’t ibang sakuna. Kaya naman sa pagpanaw ni Gng. Bernardo noong Agosto 2011, minarapat ng magkakapatid na Felimon, Expedito at Ma. Cirila na ipagpatuloy ang panatang sinimulan ng kanilang ina. Bukod dito, kanila ding sinimulan ang pagtulong sa Simbahan sa iba’t ibang proyekto dala ng paghubog sa kanila ng kanilang ina, na sa bawat pagkakataon mabuti ang paglilingkod sa Simbahan sa anumang kayang gawin.

   Isang magandang bagay ang pagpapatuloy ng isang pangakong ginampanan, isang pasasalamat sa Poong Maykapal na hindi na masyadong makita sa panahon ngayon. Isang biyaya ng Diyos ang patuloy na paglilingkod ng mga laykong Katoliko upang makatulong sa Simbahan at sa ating sambayanan.


Nanguna ang mga babaeng altar servers sa pagdiriwang ng prusisyon at pagsasama-sama bago ang paalmusal ng Pamilya Bernardo. 
Viva Nuestra Señora dela Inmaculada Concepcion de Hagonoy!
Kalinis-linisang Birhen, Ina ng Diyos, Ipanalangin mo Kami!

Photo Courtesy:
Arvin Kim M. Lopez (National Shrine and Parish of St. Anne) | Bernardo Family Archive

No comments:

Post a Comment