Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, June 29, 2012

KULTURA: Ang Krus na Nagtayo ng Isang Barrio: Ang Kasaysayan ng Barrio at Kapistahan ng Sta. Cruz, Hagonoy


     Noong taong 1920 maraming bata dito sa nayon ng Sta. Cruz na dati ay sakop ng nayon ng Sto. Rosario. Naging laro nila noon ang paggawa ng krus na kahoy at nagpruprusisyon sa daan na kunwari ay mayroon silang kapitan at kapitana. Naglalagay din sila ng Reyna Elena at Constantino sa kanilang paglalakad at tinutugtugan sila ng mga bata ng lukan at lata bilang tugtog para sa prusisyon. Sa ganito nilang gawain, napag-ukulan sila ng pansin ng mga katandaan at isa na rito ay si G. Alberto Raymundo. Ipinagkaloob niya ang isang bakanteng lote niya upang pagtayuan ng isang bisitang pawid. Sa pagdaan ng mga taon at sa bukas na pagtulong ng mga mamamayan ng nayon, ang dating pawid na kapilya ay naging bato. Naiayos ito at napaganda, at dito naitirik ang krus na dati ay pinaglalaruan lamang ng mga bata.

Ang krus na dating pinaglalaruan lang ng mga bata
ay makikita sa kasalukuyan na pinalilibutan ng pilak
sa bisita ng Sta. Cruz. (Kanan) Katabi ng Krus si
Sta. Elena na nagdiskubre dito noong panahon ng
kanyang anak na si Constantino. (Kaliwa) Kasama
rin naman si San Francisco ng Assisi na pinag-
kalooban ng mga sugat ni Kristo.
        Ang purok na dati ay tinatawag nilang Kaingin na bahagi ng nayon ng Sto. Rosario ay naging isang maunlad na nayon na ngayon ay ang nayon ng Sta. Cruz. Kaya tuwing darating ang ika-14 ng Setyembre ay ipinagdiriwang dito ang araw ng pagkakatagpo sa Banal na Krus ng ating Panginoong Hesus. Ito ang naging dahilan ng pagkakatatag ng nayon ng Sta. Cruz.

        Nang maipatayo ang bisita, mas lumalim ang pananampalataya ng mga taga baryo. Kaya naman hindi lamang tuwing Setyembre 14 nagdiriwang ang mga taga- baryo ng pista. Nagdiriwang din sila tuwing ika-1 ng Mayo kasabay ng kapistahan ng pagkakatalaga kay San Jose bilang patron ng mga manggagawa. Nagdiriwang din ang taga-Sta. Cruz ng Santa Cruzan tuwing katapusan ng buwan ng Mayo.

        Sa pangunguna ni Rdo. P. Rodrigo Samson, inumpisahan ang banal na triduo na ipinagpatuloy naman ni Rdo. P. Roberto Lunod, dating Kura Paroko ng Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario hanggang sa araw mg kapistahan. Dumating din noong araw ng kapistahan si Rdo. P. Vicente B. Lina, Jr., isa ding dating Kura Paroko kaya naman pinagtuwangan nila ni P. Lunod ang Misa Mayor.

Ang Sta. Cruz Festejada na prinuprusisyon tuwing
kapistahan. Tulad ng mga ginagamit sa bisita, gawa
din sa pilak ang krus na ito na ginagamit sa mga
pagdiriwang ng Sta. Cruz.
 
     Ang kapistahan ng Sta. Cruz ayon sa mga mamamayan ng barrio ay isang di mataong pista dahil hindi kasing dami ang mga dumarayo upang makipamista. Mas binibigyan ng pagpapahalaga ang tunay na diwa ng kapistahan: ang pagpapasalamat ng buong baryo para sa patuloy na pagpapatnubay at biyayang kaloob ng Diyos. Noon ang pista ng Sta. Cruz ay ipinagdiriwang tuwing ika-apat na taon. Ngunit naibaba na ito sa dalawang taong pagitan. Ang petsa ng kapistahan ng Block Rosary ay itinataon din sa araw ng petsa ng pista ng pasasalamat.

   Naging makulay ang pista dahil laging puno ng mga nagsisimba ang bisita. Ang mismong araw ng kapistahan ay puno rin ng nagsisimba, maging ang patio ng bisita ay puno din. Naging maayos ang prusisyon. Ang pila nilang dala-dalawa na nagpakita ng naaayong hanay ng prusisyon. May paligsahan din ng mga mananayaw at sa sobrang saya, hindi na nila pansin ang init ng araw. Nagkaroon din ng palabas noong gabi ng kapistahan. At pinagliwanag ng mga paputok sa kalangitan, iyon ang naging hudyat ng pagtatapos sa huling bahagi ng pagdiriwang.

        Maliit na barrio ang Sta. Cruz, ang mga taga-rito ay puspos ng pagpapahalaga para sa kanilang relihiyon na pinag-uugatan ng malalim na pananalig at pananampalataya.

Mga Larawan ng Pagdiriwang (Mula kay El Gideon G. Raymundo)

Ika-30 ng Abril: Vesperas Mayores ng Sta. Cruz de Mayo
Ang Sta. Cruz Festejada sa pagpasok nito sa arko ng barrio ng Sta. Cruz sa huling gabi ng paghihintay sa pagdiriwang ng kapistahan ng Sta. Cruz.
Ang Krus na pilak na ipinusisyon sa gabi bago ang pagdiriwang ng kapistahan.
Ika-1 ng Mayo: Kapistahan ng Sta. Cruz de Mayo, Sta. Cruz, Hagonoy, Bulacan

Ang sanktuwaryo ng Bisita ng Sta. Cruz noong araw ng kapistahan. Kapansin-pansin
ang lumang tabernakulo na nasa disenyo na para sa sinaunang Tridentine Rite mass
na yari sa pilak. Isa ito sa mga natatanging kayamanan ng bisitang ito.

Ang Sta. Cruz Festejada na iprinusisyon sa araw ng kapistahan ng barrio ng Sta. Cruz.

(Itaas) Si San Francisco ng Assisi, isang sa mga deboto sa mahal na Krus ng Panginoon.
(Ibaba) Ang Sta. Elena ng Sta. Cruz ay ipinararangalan sa kapistahan bilang
pag-alala sa ginawang pagdidiskubre ng santa sa Krus ng Panginoong J
esus.
Ang Sta. Elena na may dalang krus sa prusisyon ng kapistahan ng Sta. Cruz.

Ang sayawan ng mga mananampalataya ng Sta. Cruz sa kapistahan ng kanilang patron, ang Sta. Cruz de Mayo.

No comments:

Post a Comment