Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, January 24, 2014

PORTFOLIO/MGA LARAWAN: Maria, Anak ni Apo Ana, Ina ni Hesus: Isang Pagninilay


"Sa araw-araw na paglusong ko sa buhay, Ikaw lang ang saksi`t nag-iisang Tanglaw."
(Salamat Maria, La Naval de Manila Centennial Celebration 2007)
Paglalakbay - Sinimulan ko ang pagsusulat sa kathang ito ika-8 ng Setyembre sa taong kasalukuyan. Isang kathang aking ililimbag sa karangalan ni INA, habang ako ay nananalangin sa kanya, na bumabati sa kaarawan niya, na biglang pumasok sa aking hinagap. "Kung hihingi kaya siya ng regalo mula sa akin, ano ito at papaano ko maibibigay?”
   Paano nga kaya?, kung nasa kaniya na ang lahat ng magandang bagay na aking nalalaman, at ang materyal na bagay ay kailanman hindi magiging ayon upang siya ay parangalan, ang kaniyang pagka aba at payak ay hindi kasi matutularan, dito ko naisip ang MAGLAKBAY, alam ko na lagi siyang nasa aking piling, ako ang nakakalimot, ako ang humuhusgang wala siya, ako ang nag-iisip na hindi ko siya kasama. at saka ko naisip, "dadalawin ko po INA, ang ilan sa mga Lugar na inilaan para sa inyo naming mga Anak mo sa Lupa, at aalalahanin ka.."at nagsimula na ang pag hakbang ng malilikot kong mga paa.

   Bilang isang "batang Hagonoy" nagpapasalamat ako at lumaki akong alam ang Santo Rosaryo, at kilala si Maria, o si "INA" para sa karamihan ng mga deboto niya, lumaki akong kapatid ko si Hesus at alam ko na may Diyos Ama. Hindi matatawaran ang pagiging relihiyoso ng Bayan kong Sinilangan, kaya`t sinimulan ko ang aking paglalakbay rito. doon sa aming nayon sa maliit na Bisita ni San Miguel, aking muling nasilayan at pinagmasdan ang imahe ni INA kasama ang Niño Hesus at may hawak na rosaryo, payak sa naluluma na niyang gintong telang baro na nilikha para sa kanya ng isa sa aking mga kaibigan, ang imaheng sa pamamagitan ng isang taong may mabuting kalooban ay lumapit sa akin at humiling na siya sana ay aking matulungang maipaukit ang Birheng sadyang kay alam, at ngayon ang bunga nito ay magandang imaheng kay INA ay naglalarawan kasama ang munting korderong may matang kay lamlam, lumapit ako sa kanya at siya`y hinagkan, at saka ko binati ng maligayang kaaarawan, at lumipas pa nga ang mga araw ako naman ay muling naglakbay, 12 oras mula sa opisinang aking pinagtatrabahuhan ako at ang aking kapatid ay nagtungo sa hilaga ng Pilipinas, sa tuktok at pinaka dulo ng probinsya ng Ilocos Norte, isang tanyag na bayan, Pagudpud ang turan sa nasabing dulong lookan, dito ay muli kong hinanap ang isa pang imahen ni Mariang Aba, sa isang magandang batisan ko siya natagpuan, habang ang hampas ng alon sa aming mga dinaanan ay sing lakas ng sigaw ng isang leon sa ilang, ako`y nabighani at naluha pang tunay ng aming maluwalhating narating ang tinurang "Paraiso ni Manuel", ilang maliliit na hakbang sa gilid ng bundok kasabay ng lagaslas ng tubig na sing linaw ng salamin at malamig na hangin, ako at ang aking kapatid ay nagkaroon ng pagkakataong makapagpasalamat sa kanya at makapagpuri man lamang.

   Walang mapagsidlan ang aming katuwaan ng sa aming paglisan roon ay may isa pang imahen niya sa itaas ng bundok sa ibabaw ng isang ilog ang aming naaninagan na tila ba sa amin ay kumaway, at hindi na ako nagpaawat pa, at sa sumunod na araw ay nagtungo naman kami sa lungsod ng Baguio. Sa gitna nito naman ay ang Our Lady of Atonement ang aming tinungo at nakaluhod na nanambitan, ilang linggo pa ang nagdaan, pumasok naman ang buwan ng Santo Rosaryo, kaya tila na naman ako binulungan ni INA sa aking tainga sa kanan, "dalawin mo ako muli at ipagpatuloy mo ang iyong paglalakbay..". at sa magulo at maingay na siyudad ko naman siya naulinigan, sa isang simbahang Dominikano sa lungsod ng Quezon, tila hinhila ako ng aking mga paa, inaayang kahit na puyat at puno ng kapaguran, ni wala akong alam kung ako ba roon ay may madaratnan, at hindi nga ako binigo ni INA, sa mismong paglapat pa lamang ng aking talampakan ay biglang tumayo ang lahat at umawit ng kagalakan para sa noon pala ay sisimulang banal na Misa para sa Kanya, bahagi ng nobenaryo para sa nalalapit ng pista. 
   Kinilabutan akong tunay at nanggilalas na tunay ng makita ko ang Imahen ng Birhen ng La Naval, sa gitna ng altar, puno ng mga puti at magagandang bulaklak at nagnining-ning sa ilaw kasabay ng tila mga anghel na tinig ng koro ng simbahan, tumulo na lamang ang aking luha at matagal ko siyang tinitigan, ninamnam ko ang nilalaman ng misa na naalala ko nga ay talagang tumatak sa aking isipan, "kailan ang pinaka maligayang araw ng iyong Buhay?' tanong ng pari sa sambayanan sa kalagitnaan ng Homilya, napaisip ako at nagtanong, kailan nga po ba INA?, at sinabi ng Paring namumuno sa Misang banal, 'ito ay dapat sa araw na sasabihin o sinabi mo na, Lord, I want to be with you!, I am Accepting your will, and I surrender my Life to no one, but You.." at natapos ang Misa , at oras na para muling lumakad sa dagat ng buhay, at bago ko lisanin ang bahay dalanginan na siya ring Parokya ng Banal na si Sto. Dimingo, sumulyap ako sa napakagandang Birhen, at bumulong, "salamat po Ina, sa panalangin, paggabay at laging pag-unawa sa akin at sa aking pamilya..nawa po ay patuloy kitang maalala, at makasama,.."
   Kulang nga atang tunay ang mga pahina ng isang kwaderno upang isulat ko ang mga kwento ko tungkol sa Mahal na Birheng ating INA, at hindi rin naaayong tapusin ang kathang ito sa mga salita at letra lamang, kaya`t sa mga oras na ito patuloy akong naghahanda para sa mga susunod ko pang paglalakbay kaisa ng Birheng Maria, at isa na nga rito ay ang pakikiiisa kong muli sa pagdiriwang ng buhay na Sto. Rosaryo, sa aming Parokya ni San Juan Bautista, at pagdalaw kay Apo Ana ang Dakilang Ina ni Maria, sa Hagonoy kung saan ko sinimulan ang aking makulay na paglalakbay. at sa paglubog ng araw, tiyak na may mga katanungan sa isipan ng mga taong maaring mabasa at mapagnilayan ang aking likhang ukol kay INA, at ano nga ba ang nais kong iparating sa pagsasalaysay ng aking paglalakbay at debosyon sa Reyna ng Langit at Lupa, at ako ay muling binulungan, at ayon sa aking puso at isipan ay binasa ko ang payak nitong laman, na ito ay ang simple kong paraan ng pagpapahayag ng aking pananampalataya at pagsasabuhay ng mga aral ng Simbahan, at naala-ala ko ang isang luma ng kasabihan, "kung ikaw ay may karunungang nalalaman, ito ay dapat mong ipamahagi at isabuhay, kung hindi ay wala itong saysay anuman... "kaya`t mag-iiwan ako sa inyo ng katanungan, na tanging ikaw lamang ang may alam ng kasagutan.”

   Tinanggap mo na ba ang Panginoong Hesukristo, ang Diyos Ama, ang Mga Banal at si INA, ang Birheng Maria sa iyong buhay?at natagpuan mo na ba ang Tunay mong Kaligayahan sa mga taon, buwan, at araw na ikaw ay naglalakbay?

No comments:

Post a Comment