Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, January 24, 2014

KULTURA: Pag-alaala: Ang Paggunita sa mga Namayapa sa Parokya ni San Juan Bautista



   Nakagawian na nating mga Pilipino na alalahanin ang ating mga mahal sa buhay na yumao sa tuwing sasapit ang undas o Nobyembre 1 hanggang Nobyembre 2, at katulad ng sa ibat-ibang panig ng ating bansa, ganito rin ang nakaugalian na sa aming Parokya, kung saan matatagpuan ang dalawa sa mga sementeryo sa bayan ng Hagonoy, ang San Juan Catholic Cemetery na pinamamahalaan ng pamunuan ng Parokya ni San Juan Bautista, at ang Himlayan ni San Juan Memorial Cemetery na pagmamay-ari naman ng pamilya Cruz.

Ang labasan ng Himlayan ni San Juan Catholic Cemetery sa San Juan, Hagonoy, Bulakan kung saan tumutungo ang mga mananampalataya sa panahon ng Undas o Todos los Santos.
   Sa araw na ito ay ginanap ang pagbabasbas sa mga puntod sa dalawang sementeryo na ginampanan ng Kura Paroko na nakasasakop sa mga himlayan na si Rdo. P. Candido D. Pobre, Jr. sinimulan ito ng maaga sapagkat may mga misa ring gaganapin sa Simbahan nin San Juan at sa mismong sementeryo, ito ay pinangunahan rin ni P. Pobre kasama ng mga lingkod-simbahan kabilang ang Coro de San Juan Bautista, KOA, Lay Ministers, LECCOM at iba pang mga kaanib ng Simbahan. Katuwang ring nagtaguyod ng Banal na Pagdiriwang ay ang Pamilya Cruz sa pangunguna nina Atty. Angel Cruz Sr. at Engr. Angel Cruz Jr. at pamilya, ito ay eksaktong ginawa sa gitna ng Himlayan ni San Juan kung saan matatagpuan ang museleo ng nasabing pamilya kabilang na ang masugid at relihiyosong deboto ni Apo Juan na si Doña Lourdes Lontoc Cruz.


Ang Misa para sa mga kaluluwa ng mga namayapa sa pangunguna ni Rdo. P. Candido D. Pobre, Jr., Kura Paroko ng Parokya ni San Juan Bautista.
   Maraming tao ang lumahok sa Banal na Misa, lalo pa at hindi na nila kailangan pang lumayo upang makiisa sa pagdiriwang, nagkaroon ng 3 misa alay sa mga yumao sa buong araw, at ilan pang misa sa mismong araw naman ng mga kaluluwa, kaalinsabay nito ay inilunsad naman ni P. Pobre ang isang proyekto na naglalayon na maipagdasal ang mga minamahal na yumao ng bawat isang may nais. Sa isang Sobre na naglalaman ng listahang papel ay pinasulat ang mga parokyano ng mga pangalan ng kanilang mga minamahal na yumao, pinalakipan rin ito ng larawan ng mga ito, pagkatapos ay tinipon ni P. Pobre ang mga ito at ginawan ng isang Video Slide Show, at tinatayang mahigit sa isang libo ang mga tumugon sa proyekto. Ipinapalabas ito sa isang malaking LED Television sa kanang bahagi ng altar ng simbahan habang nagmimisa, at ayon kay P. Pobre ay mananatili ito roon sa loob ng isang buwan, kaya`t inanyayahan pa rin niya ang iba pang interesadong magpasa ng mga pangalan at larawan na hindi pa sarado ang pasahan ng mga ito at kakayanin pa rin itong maisama sa kasalukuyan ng mga pangalan at larawan.


Isang larawan ng natatanging pag-aalay at
paggugunitang mga Pilipino para sa kanilang mga
namayapa. Kuha mula sa Himlayan ni
San Juan Catholic Cemetery
sa San Juan, Hagonoy, Bulakan.
   Hindi naman magarbo ang naging paggunita ng aming parokya sa Undas ngayong taon, ngunit masasabi kong makahulugan ito at maayos. sa huli, hindi ang mga naggagandahang bulaklak o ang napakaraming kandilang inubos ang naging sukatan ng pagmamahal sa kanilang mga pumanaw, kung hindi mga panambitang tapat sa puso at mula sa kaibuturan ng damdamin, nakita ko rin na isinabuhay ng karamihan ang tunay na kahulugan nito. na ito ay hindi tungkol sa lupa o sa mga buhay, kung hindi sa mga nauna na at mga minamahal na yumaong patuloy na nangangailangan ng panalangin upang makamit na ang tunay na paraiso sa piling ng Diyos Ama sa langit.

Photo Courtesy: Gabrielle P. Sebastian
                              Parokya ni San Juan Bautista
                              San Juan, Hagonoy, Bulakan

No comments:

Post a Comment