Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, January 24, 2014

KULTURA: Mamamalakaya ng mga Tao: Katulong ang “Sagwan” sa Pagsuong sa Agos ng Buhay


 Ang pamamahayag o peryodismo ay isang estilo ng pagsusulat ng tuwirang pag-uulat ng mga kaganapan. At mayroong tungkulin ang Simbahan na magbigay ng kabatiran o balita sa isang malaking bilang ng mga tao sa isang maayos na paraan, magpaunawa at maging gabay ng mga tao ukol sa kung ano ang naganap o nagaganap. Sa loob ng animnapung (60) taong pag-iral ng Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario sa bayan ng Hagonoy, ang Komisyon ng Pakikipag-ugnayan at Pamamahayag ay hindi nagkaroon ng puwang o nabigyan ng daan upang ito ay umiral. Nagdaan ang mga taon, nagpapalit-palit ang mga kura parokong nadestino sa Parokya, gayundin ang pagdaragdag ng mga iba’t-ibang Komisyon sa Sangguniang Pastoral, maliban lamang sa Komisyon ng Pakikipag-ugnayan at Pamamahayag.


Enero 28 at 29, ng taong ito, 2013, nang mabuo at itatag ang Komisyong ito, sa isinagawang Taunang Pagpaplano ng Pamparokyang Sangguniang Pastoral, na ginanap sa Iba, Zambales. Isinilang ang SAGWAN sa pamamagitan ng pagganyak ng aming  Kura Paroko na si Rdo. P. Quirico L. Cruz, na simula nang dumating sa parokya, mahigit na tatlong taon na ang nakalilipas, ay walang hinangad kundi mapabuti, mapa-unlad at higit sa lahat, mapagpanibago ang pamamalakad tungo sa pagbabalik-sigla ng mga mananampalataya at mapalalim pang lalo ang paglilingkod ng mga tao sa Simbahan at sa bayan ng Diyos.



SAGWAN - napiling pamagat o pangalan ng Opisyal na Lathalain ng Parokya, na sa pamamagitan ng mga boto ng nakararami sa mga dumalo ng isinagawang pagpaplano, dahil sinasagisag ng salitang ito ang isang kagamitan ng isang mangingisda, na siyang pangkaraniwang hanapbuhay ng mga taong nasasakupan ng Parokya na halos ay nasa tabi ng kailugan. Sagwan ang gamit ng isang mangingisda noong sinaunang panahon, kung saan ito ang nagbibigay “giya” o siyang tungkulin ng gumagamit nito kung saang direksyon ang nais niyang tahakin. SAGWAN, sa modernong panahon ngayon, ang magiging daan na susubaybay at magbibigay ng paggabay sa mga taong mambabasa nito tungo sa pagpapalago ng kanilang pananampalataya, sa pamamagitan ng pagbabalita ng mga kaganapan at mga impormasyong may kinalaman sa mga nagaganap sa loob at labas ng parokya.



    Noong ika-10 ng Pebrero, 2013, inilunsad ang maiden issue ng SAGWAN, sa unang misa ng alas 6:00 ng umaga sa Parokya. Ang SAGWAN ay ilalabas on weekly basis. Sa unang tingin, nahaharap kami, lalo na ang inyong abang lingkod bilang Editor-in Chief o Head ng Komisyon, sa isang napakalaking responsibilidad. ‘Yun tanyag na 3T’s ay kaakibat sa paglilingkod na ito: time, talent and treasure - mga pangunahing sangkap upang maisakatuparan ang layunin at adhikain ng SAGWAN. Subalit, tunay na mabait at mapagpala ang Diyos na pinagmumulan ng lahat. Mula sa Unang Isyu ng SAGWAN noong Pebrero 10, ngayon po ay nakamit at naatim namin ang tuloy-tuloy na suportang pinansiyal ng mga mambabasa ng lathalain. Nasa ika-41st Issue na kami ngayong pagtatapos ng kalendaryo ng Simbahan. May kalayaan din ang mga parishioners na mag-ambag ng mga artikulo, bukod pa sa mga staff ng SAGWAN.

Ang logo ng Sagwan: Opisyal na Lathalain
ng Parokya ng N.S. del Santissimo
Rosario.

Sa pasimula’y walang LOGO ang lathalain, kung kaya’t noong pangalawang labas ng isyu ng SAGWAN, ipinahayag at inilimbag ang paglulunsad ng LOGO-MAKING CONTEST para sa mga Grades 5 & 6, gayundin sa High School students. Pasko ng Muling Pagkabuhay, Marso 31, 2013, nang may unanimous na mapiling logo na gawa ng isang mag-aaral na nagngangalang John Paul Alfonso ng Brgy. Sta. Elena, at siya’y nabigyan ng gantimpalang P1,000 cash. Ang Logo na may disenyo ng isang bangka na naglalayag sa dagat, kasama ng taong nagsasagwan ang imahe ng Mahal na Birheng Maria ng Santo Rosario, na siyang pintakasi ng Parokya. Ang SAGWAN ay naglalaman ng Editoryal, Katesismo ng Simbahan, Talambuhay ng mga Santo at Santa, gayundin ang kani-kanilang Kapistahan, pati na ang iba’t-ibang kaganapan sa loob at labas ng Parokya. Minsa’y nilalahukan din mga puzzles bilang pampalibang, sacred jokes upang magbigay ng konting kasiyahan. Lahat ng mga bagay na maaaring magbigay at makatulong upang maging kawili-wili ang pagbabasa ng SAGWAN, kasama na dito ang pagsisingit o paglalagay ng mga litrato upang ma-visualize ng reader, na higit na makakatulong upang maunawaan at maipa-abot ang nais iparating ng mga nakatala sa lathalain.

Sa kasalukuyan, ang lathalaing SAGWAN ay nililimbag, inilalabas at ikinakalat sa lahat ng mga bisita na nasasakupan ng parokya. Kung noong nagsisimula pa lamang ang pamimigay nito ay inialok sa mga taong dumadalo ng pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya tuwing Linggo. Lubhang mapalad at kaaya-aya ang naging reaksyon at pagtugon ng mga tao sa SAGWAN sa ngayon. May kusang-loob na nagbibigay tulong-pinansiyal, bukod pa sa mga taong nilalapitan, na bawat isa sa kanila ay hindi nagdalawang-salita upang suportahan ito. Mga tagapangtakilik na mambabasa na linggu-linggo ay hindi lumiliban na humingi upang gawing collection ang bawat issue ng SAGWAN. Mga papuri at magagandang pananalita na nagpapataba ng puso, na nagsisilbing inspirasyon upang ipagpatuloy, mahalin at isa-puso ang iniatang na paglilingkod sa pamamagitan ng Pamamahayag.

Ang komisyong nasa likod ng lathalaing SAGWAN ay may mga miyembro na halos binubuo ng mga kabataan, na nakalaang maglingkod una sa ating Panginoong Diyos, sa pamamagitan ng Simbahan at sa mananampalataya nito.

Sa lahat ng ito, ibinabalik ang papuri’t pasasalamat sa ating Diyos na Maykapal.


SAGWAN Staff:


Erwin Cantona, Erwin Capati, Ma. Jeremeh Gaddi, 
Maximo Crisostomo, Ronald Aron Perez, 
John Darren Dangan, Ronnel Perez, Arra dela Cruz
Ma. Theresa Perona, Rodolfo dela Cruz, Matilde Toribio, Daniel Esguerra



Editor-in-Chief: Ma. Elena V. Macapagal


Parish Priest: Rev. Fr. Quirico L. Cruz

Photo Courtesy: Ma. Elena V. Macapagal
                             Parish of Nuestra Señora del Santissimo Rosario
                             Sto. Rosario, Hagonoy, Bulakan

No comments:

Post a Comment