Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, January 24, 2014

PAGTINGIN/OPINION: Mabuting Samaritano, Hagonoeno: Pagpalain ka nawa ngayong Pasko



"Kung hindi ako tutulong, sino? Kailan pa? Makapaghihintay pa kaya siya?"

   Hindi mo kailangang tumanaw sa malayo, o bumiyahe sa hindi mo kilalang lugar para makakilala ng taong may ginintuang puso na handang tumulong sa isang abang tao. Iyan ang napatunayan ng Komisyon ng Ugnayang Panlipunan (COSC - San Juan) at Catholic Hagonoeño Research Team ng Parokya ni San Juan Bautista sa paggawa ng limbag na ito.

   Nang simulan namin ang proyektong paghahanap sa isang “Mabuting Samaritano” na aming gagawing paksa para sa Catholic Hagonoeño Online Magazine, bilang pamaskong katha sa huling bahagi ng taon, kinailangan ng buong COSC - San Juan na magkaroon ng brain storming at maraming pagsasaliksik para maisakatuparan ang proyekto. Layunin ng pagkilos na ito na mapatunayan na marami pa rin at totoong may mga tao pa ring handang tumulong sa kapwa at magmalasakit.

   Naroong naghanap kami ng mga programa sa telebisyon at internet na nagpapakita ng katulad ng aming pakay, nagtanong-tanong sa mga social media sites kung paano ang dapat naming gawin at nagawa pa nga naming mag isip ng eksperimento na tutukoy sana sa aming hinahanap na perpektong ehemplo para sa nasabing proyekto. Ngunit masyado pa lang malayo ang aming tanaw, hindi namin napansin na nasa aming tabi lamang pala ang aming hinahanap.

   Matagal na naming kakilala si Gng. Joan Chico Atenta ng Brgy. San Miguel na nasasakupan ng aming parokya, at mas sanay kaming tawagin bilang si “Ate Joan.” Siya ay mabuting maybahay ni G. Wilfredo Atenta, ina ng tatlong kabataang na tulad niya ay lingkod rin ng parokya. Siya rin ay isang katekista at aktibong miyembro ng Catholic Women's League, Usherettes, Confradia ng N.S. De Lourdes, Legion of Mary, at ng Coro de San Juan Bautista na siyang Koro ng Parokya at ng Sub-Parish ng Brgy San Isidro Labrador na sakop rin ng parokya. Ilang taon ko na ring naging matalik na kaibigan si Ate Joan. May mga pagkakataon pa ngang nakakasama ko siya sa mga gawaing pansimbahan sa labas ng parokya. Masayahin at sadyang mababa ang loob niya, kaibigang tunay, ate at ina sa aming mga mas nakababata sa kaniya. Ito, sa aking pakiwari, ang mga masasabi ko sa kanya, tila walang kapaguran sa paglilingkod sa kapwa at sa Panginoon, ngunit lalo`t higit pa, siya na pala ang hinahanap naming Mabuting Samaritanong Hagonoeño.

   Salat man sa buhay at hindi man mayaman, siya naman ay may mabuting kalooban at hitik sa kaibigan. Lalo namin itong napatunayan nang sinundan namin ang kwento ng isa sa aming mga kaibigan tungkol kay Ate Joan. Nagsimula ito nang mapansin ng Pangulo ng isa sa mga kinaaanibang samahan ni Ate Joan ang dumadalas nitong pagliban sa mga takdang misang aawitan ng koro ng parokya. Hindi naman ito masyadong pinansin muna ng dalawa hanggang apat na beses pa lamang siyang nawawala sa mga aktibidad ng grupo. Ngunit nang halos linggu-linggo na siyang nawawala ng walang paalam ay minabuti na ng Pangulo na kausapin siya. Humingi naman siya ng paumanhin at sinabing may mga inaasikaso lamang siyang mahalagang bagay na nangangailangan ng agarang pagtugon at hindi niya direktang tinukoy. Dahil alam naman ng Pangulo ng koro na may pamilya ito at nag-aaral ang lahat ng kanyang mga anak, binigyan siya ng permisong gawin ang mga kailangan niyang tugunang suliranin.

   Subalit isang araw ng Linggo, takdang araw ng pag-awit ng koro sa Bisita ni San Isidro, nakita ng Pangulo ng samahan ang biglang pagliko ni Ate Joan sa kanang kanto sa pagbaba ng tulay ng San Isidro, hindi ito ang daan patungo sa bisita kaya`t nagtaka siya at sinundan ito hanggang marating nila ang isang payak na bahay matanda sa hindi kalayuan. Tahanan ito ni Gng. Azon Bernal na kilala ring “Nana Azon” sa mga taga-simbahang kaniyang nakakasalamuha, 77 taong gulang. Dati siyang masugid na tagapaglingkod ng Parokya ni San Juan Bautista, katekista, miyembro ng confradia at ng lehiyion, isang babaeng tapat na lingkod ng Diyos. Hindi katulad ng dati ang ala-ala ng kanyang pagkatao na iniwan sa aming mga mata bago siya nahiga sa banig ng karamdaman. Mahina na siya at payat at maliit na ginang. Nabulag na rin siya at naging makakalimutin, dahilan marahil sa kanyang katandaan. Wala itong katuwang sa buhay at tanging mga kapit-bahay lamang na nagmamalasakit ang tumutulong sa kanya sa mga pang araw-araw na pangangailangan. At hindi man niya kapit bahay, kadugo, o lubos na kakilala man lamang, si Joan, ang matiyagang umalalay sa kanya sa mga bagay na hindi na niya maayos na magawa, kagaya ng paliligo, paglilinis ng mga duming kumalat na sa kanyang damit at iba pang bahagi ng kanyang katawan pati na rin pagsasaayos ng kaniyang tinitirhan, wala ang mga nalalabing kamag-anak niya upang matulungan siyang maibsan kahit kaunti man lamang ang kaniyang karamdaman.

   Malungkot na nagkuwento sa amin si Ate Joan, "Kung hindi ako tutulong, sino? Kailan pa? At makapaghihintay pa kaya siya?." Sino nga kaya?” Mayroon pa nga bang iba na handang ilahad ang kanilang mga palad at iabot ito sa mga nangangailangan gayong sila rin ay may mga sariling suliraning pinagdaraanan? Kailan pa nga kaya? Kung kailan huli na ang lahat at wala ng magagawa pa ang sinuman para sa kanyang kapwa tao? At ang mas nagpalungkot pa sa mga pangyayari ay ang mga katagang nasambit ng matandang nagdarahop sa gitna ng karamdaman, "Bakit ako? Naglingkod po ako ng tapat sa mahabang panahon para sa Iyo..." Nakakalungkot itong marinig mula sa isang dating masayang Katolikong lingkod, ngunit ito naman ang aming naging tugon, na siya ring naging kataga ni Joan patungkol sa naging pahayag ni Nana Azon. Hindi iyon isang parusa, kung hindi pagsubok lamang, at hindi siya magkakaroon ng ganoong kalaking pagsubok kung walang sinlaki nitong solusyon. At sa akin ngang pakiwari, si kaibigang Joan Atenta ang ibinigay sa kanya ng Panginoon upang kahit na papaano ay makadama pa rin siya ng kagaanan sa gitna ng mabigat niyang pinagdadaanan. Nakalulungkot mang isipin ngunit hindi nag-iisa si Nana Azon sa na dumaranas ng ganitong pagsubok, at marami sa kanila ay maaring hindi pa nahahanap ang mabuting samaritanong sa kanila'y tutulong at makapagbibigay ng kahit kaunting liwanag sa madilim nilang paglalakbay.

   Sa kabila ng mabigat na kwentong aming napakinggan ay may ngiting sumilay kay Ate Joan. Sinabi niya:

"Hindi ako laging naroroon para sa kaniya, at hindi rin habang panahon, pero iba ang naidudulot na kasiyahan sa akin na tinulungan ko siya. Kahit na may mga taong sa halip na tulungan siya ay mga nasasabi pang hindi maganda sa akin, ayos lang basta si Nana Azon ang mahalaga, yung hindi siya mawalan ng pag-asa, at tiwala sa Diyos..."

Mga kahanga-hangang kataga mula sa isang taong hindi naghihintay ng anumang kapalit sa kaniyang mabubuting gawa.

   Sa ngayon ay nanatili pa rin si Nana Azon sa kaniyang tahanan at patuloy na lumalaban sa kaniyang karamdaman, naghihintay ng iba pang Ate Joan, habang si Ate Joan naman ay ginagawa ang lahat upang maisingit ang pagdalaw sa matanda hangga't maaari. Sa pamamagitan ng kwentong ito, ay naipakita ng ating mabuting samaritano ang tunay na kahulugan ng Pasko, ang pagbibigayan, pag-alaala sa kapwa at pagpapakumbaba, kawangis ng Haring nakahimlay sa payak na sabsaban, wala ni ano mang materyal na yaman, nawa katulad ng mga pastol na nagpatuloy sa Banal na Pamilya, sana ay patuluyin din natin sa ating puso ang ating mga kapwang nangangailangan at nagdarahop. Ang panahon ng kapaskuhan ay nagpapaalala lamang na tayong lahat ay maaring maging huwaran at inspirasyon sa bawat isa hindi ito tungkol sa mgarang pagdiriwang o mga mamahaling bagay.

   Kaya't para sa iyo Ate Joan at Nana Azon, wala mang queso de bola, tinapay at hamon sa inyong mga mesa, pailaw o magagarang dekorasyon sa inyong mga tahanan, maraming salapi sa inyong bulsa at magagarang damit sa inyong katawan. Kayo naman po ang tunay naming ipinagdarasal at Ate Joan, ikaw ang aming tunay na hinahangaan!!

Maligayang Pasko po at Manigong Bagong Taon!!! Pagpalain tayo ng Panginoong Maykapal!!!

Pabatid:
Maaari rin kayong maging Mabuting Samaritano para kay Nana Azon ngayong Pasko. Para po sa mga nais magpaabot ng tulong para sa kanya, mangyari po lamang na makipagugnayan sa may-akda o sa Publication Director ng aming pahayagan sa mga numerong (044) 794-5536 o mag e-mail sa catholichagonoeno@gmail.com. Maraming Salamat po.

Photo Courtesy: Gabriel. P. Sebastian
                          Parokya ni San Juan Bautista
                          San Juan, Hagonoy, Bulakan

1 comment:

  1. Ito ay isang pangkalahatang pahayag sa publiko mula sa Mayo Clinic at interesado kaming bumili ng mga bato, kung interesado kang magbenta ng isang bato, mabait makipag-ugnay sa amin nang direkta sa aming email sa ibaba sa
    mayocareclinic@gmail.com
    Tandaan: Ito ay isang ligtas na transaksyon at garantisado ang iyong kaligtasan.
    Mabait na magpadala sa amin ng isang email message para sa karagdagang impormasyon.

    ReplyDelete