Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, January 24, 2014

KULTURA: Viva Apo Lucia!: Ang Matandang Panata sa Visita ni Sta. Monica de Hagonoy

Ang pagsalubong ng mga deboto at debota ni Sta. Lucia sa Visita ni Sta. Monica de Hagonoy. Kinilala si Sta. Lucia bilang Apo Lucia na isang anyo pagkilala at paggalang para sa santa mula sa mga mananampalataya.
   Noong mga bata pa kami, syempre panahon pa iyon ng pananakop ng mga Hapon sa Pilipinas, nakagisnan na nga mga taga-Sta. Monica ang debosyon kay Sta. Lucia na tinatawag din naming “Apo” Lucia gaya ng pagtawag kay Sta. Ana na “Apo” Ana. Tuwing ika-13 ng Disyembre na kapistahan niya sa kalendaryo ng Simbahan ipinapipista si Apo Lucia. Dinarayo ng mga namimintuho mula sa iba't ibang nayon ng Hagonoy at mula na rin sa ibang mga bayan ang kapistahan na ito. Lumaon ay naging kabalitaan sa buong nayon ang mga pagiging mapaghimala raw ni Apo Lucia sa nagdedebosyon sa kanya. Ayon sa mga matatanda, marami sa kanila noong araw ang napapagaling, lalo na sa mga sakit sa mata. Maraming nakakaalam na si Apo Lucia ay sumikat dahil noong siya ay ipapapatay, dinukot ang kanyang mga magagandang mga mata, ngunit naging himala noong bago siya namatay ay muli itong nanumbalik sa kanyang katawan.


Ang imahen ni Apo Lucia ng Hagonoy na
inayusan at inilagay sa carroza para sa
kapistahan noong ika-13 ng Disyembre.
   Noong mga panahong sinabi ko na iyon, ang aking Inang na si Inang Sepa Bernardo Manlapig ang naging punong-abala sa mga gawain na may kinalaman kay Apo Lucia. Mula sa mga pamisa sa nobenaryo hanggang sa mismong kapistahan para sa santa ay inaasikaso niya ang mga gawain. Pinangasiwaan din niya ang prusisyon at pati ang mga munting salu-salo matapos ang mga gawain sa visita. Noong tumanda na ako, pagkatapos ng pagdiriwang, nakikita ko na si Inang Sepa ang nag-uulat sa mga katandaan ng Visita ni Sta. Monica tungkol sa mga halagang tinanggap at nagastos. Buhat noon, kapag ganitong kapistahan ni Sta. Monica, sa ilang taon na ako'y pari, naging kagawian ko na pumunta doon sa Hagonoy, saan man ako madestino, upang magmisa sa karangalan ni Apo Lucia. Tunay na isa siyang halimbawa na minahal ng aking Inang Sepa, pati na rin ng aking mga kababarrio sa Sta. Monica. Isa itong matandang panata ang debosyon kay Apo Lucia na naging mahalaga, lalo na sa mga matatanda at may karamdaman.

   Sa ngayon, isang biyaya ng pananampalataya ang patuloy na pinagtibay at pinasisiglang pagdedebosyon sa mga banal sa Visita ni Sta. Monica. Ngayon ay pinangangasiwaan ng Sub-Parish Pastoral Council ng visita ang naturang pagdiriwang. Sa pamamatnubay ni Rdo. Msgr. Luciano C. Balagtas, P.C., ang mabunying Kura Paroko at Rektor ng Pambansang Dambana ni Sta. Ana, lubos ang pagdiriwang para kay Apo Lucia. Makikita naman ito sa pangalan ng Kura, siya'y “Luciano” na ipinagalan buhat kay “Lucia” sapagkat kaarawan din niya ang ika-13 ng Disyembre na kapistahan ng santa. Kaya naman isang tunay na biyaya ang patuloy na pagdedebosyon at pagbibigay ng panahon sa pamimintuho sa santang ito.


Isang matandang larawan ni Apo Lucia sa pagpaparangal
ng taga-Sta. Monica para sa kanyang kapistahan.
Apo Lucia, Ipanalangin mo po kami!

Tungkol sa May-akda:

Si Rdo. Msgr. Vicente Amado Bernardo Manlapig, P.C. ay anak ng Sta. Monica, Hagonoy, Bulakan. Sa kanyang 51 taong bilang pari, siya ay naging Kura Paroko sa ilang mga pamayanan sa Diyosesis ng Malolos, ang huli ay sa Our Lady of the Holy Rosary Parish sa Maysan Rd., Gen T. de Leon, Valenzuela City kung saan tuluyan na siyang nagretiro noong 2013. Bilang pari ng Hagonoy, siya ay naging Pangalawang Pangulo ng Kapatiran ng Kapariang Taga-Hagonoy.

Photo Courtesy: June d.A. Navio
                              Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana
                              Sto. Niño (Pob.), Hagonoy, Bulakan


Page 2 of 6
Please press Older Posts for Page 3.

No comments:

Post a Comment