Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, January 24, 2014

PAOMBONG CULTURAL SECTION: Tularan si Maria sa Pananampalataya sa Diyos: Ang Grand Marian Exhibit and Procession sa Parokya ni Santiago Apostol



   Noong ika-1 hanggang ika-7 ng Setyembre, 2013 muling namalas sa ikalawang pagkakataon sa Parokya ni Santiago Apostol sa Paombong, Bulakan ang Grand Marian Exhibit and Procession na may temang “Inang Sakdal Linis: Huwaran ng Pananampalataya sa Diyos.” Upang masilayan, makita at mapagmasdan ang ganda ng pakikibahagi ng Mahal na Birheng Maria sa buhay ni Hesus at sa mga naniniwala’t sumasampalataya sa kanyang Minamahal na Anak. Kaugnay din nito ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Nuestra Señora Consolacion y Correa na siyang ikalawang patrona ng bayan ng Paombong.


Mga kabataan mula sa iba't ibang paaralan sa bayan ng Paombong na dumalo sa Grand Marian Exhibit sa taong 2013.
   Bawat isa ay malaki ang naging bahagi upang maging maayos at matagumpay ang nasabing pagdiriwang. Inilahad din ni Bro. Francis C. Bartolome na siyang namumuno sa komiteng nangangasiwa sa exhibit ang mga kakaibang karanasan na naganap sa loob ng ilang araw na iyon, karanasan na naging daan ng pagkakatuto at ganap na pagkaunawa sa tunay na hanangarin ng paglilingkod at pananampalataya na kagaya ng Mahal na Ina. Mula sa pagpaplano at pagsasakatuparan ng exhibit ay parang misteryo ng Sto. Rosario, mayroong Tuwa, Hapis, Liwanag at Luwalhati. Tuwang walang paglagyan sa pagnanais na ito ay maganap ng maganda at kaaya-aya. Sa kanyang pag-iisa sa isang bahagi ng simbahan isang araw bago ang pagbubukas ng exhibit biglang napaluha ang kanyang mga mata sa kadahilanang nakita niyang tila kulang pa at hindi pa matatapos ang mga gayak, dekorasyon at maging ang lugar na gagawing Altar Mayor, takot na takot siya at kabang kaba dahil ilang oras na lang ang natitira kaya napatingin siya sa mahal na Birhen. Umusal ng tulong ng oras na iyon tila may bumulong sa kanya na isang tinig ang wika “Bakit ka natatakot? Buuin mo ang iyong pananalig at ito ay magaganap.” Pinahiran niya ang kanyang luha at sa kanyang pagtayo dumating ang mga kailangan nilang tulong. Mayroong parang kagigising lang at tila naalimpungatan lang ang dumating. May mga nagdala ng pagkain at inumin at ilang gamit na kailangan nila hanggang matapos ito.


Ang pagsalida ng mga imahen ng Mahal na Birheng Maria sa Grand Marian Procession 2013.
   Kinabukasan nagsimula ang araw na itinakda para sa kapistahan ng Nuestra Señora Consolacion y Correa. Sinimulan ang kapistahan sa pagpapasalamat sa Diyos sa Banal na Misa at pagkatapos nito, isinunod ang pagbubukas ng exhibit. Naging bukas sa lahat ang exhibit na kung saan ang bawat imahen ng Mahal na Birhen na inilagak sa exhibit ay mula sa iba't ibang lugar: sa Hagonoy, Calumpit, Nueva Ecija, Malolos, Paombong at mga pag-aari ng bawat pamilya, angkan at samahan. Ang mga bumisita sa nasabing exhibit ay nakaramdam na isang ganap at payak na katahimikan sa kanilang pagkatao dahil naramdaman nila ang kahalagahan ni Maria bilang Inang Tagapamagitan natin kay Hesus. Ang bawat bumisita ay binibigyan ng kaunting kaalaman patungkol sa mga imahen ni Maria na nasa exhibit. Isang maikling katesismo tungkol sa buhay, mga himala at pagpapakita ng Mahal na Birheng Maria ang inilahad para sa mga pumunta.

Ang Hermano Mayor at ang kanyang pamilya kasama ni Rdo. P. Carlo S. Soro na noo'y Kura Paroko ng Parokyang Pangmisyon ng Sta. Cruz sa Paombong at Katuwang na Pari sa Parokya ni Santiago Apostol.
   At sa huling araw ay nagkaroon muli ng Banal na Misa bilang pasasalamat na pinangunahan ni Rdo. P. Carlo S. Soro, Kura Paroko ng Parokyang Pangmisyon ng Sta. Cruz sa Sta. Cruz, Paombong. Dinaluhan and pagdiriwang ng mga deboto at nagpipintakasi sa Mahal na Birhen. Pagkatapos ng misa ay isinagawa ang pagkokorona sa Nuestra Señora Consolacion y Correa na ginampanan nina Kgg. Marissa Jumaquio-Ramos, Ikalawang Punong Bayan at ng Hermano ng Grand Marian Exhibit and Procession 2013 na si G. Noel Flores. Matapos makoronahan ang Mahal na Birhen, itinalaga na rin ang susunod na Hermanos at na sina G. at Gng. Jonathan Sy-Alvarado. Sinundan ito ng prusisyon na nilahukan ng iba’t ibang may-ari ng imahen ng Mahal na Birhen, mga samahan, mga mananampalataya at mga may deboto kay Maria. Bawat isa ay naghintay at nakipagprusisyon at hindi lang mga matatanda ang nakiisa, pati ang mga bata, ipinakita nila ang kanilang debosyon sa Mahal na Birhen. Isang pagapatunay na malaki ang dulot na itutulong ng Birhen Maria sa ating lahat sa buhay at pagkatao dahil si MARIA ay huwaran ng tunay na pananampalataya sa Diyos.

Photo Courtesy: Francis C. Bartolome
                 Parokya ni Santiago Apostol
                 Poblacion, Paombong, Bulakan 

No comments:

Post a Comment