Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, January 24, 2014

PAOMBONG CULTURAL SECTION: Ang Debosyon sa Nuestra Señora de Consolacion y Correa sa Parokya ni Santiago Apostol



    Sa maraming mga taguri sa Birheng Ina ng Diyos, mayroong isang hindi gaanong tanyag, ngunit totoong maganda at sinauna. Ito ay ang kanyang taguri bilang Nuestra Señora de Consolacion y Correa.

Ang Correa

   Ang correa ay isang uri ng katad na pamigkis o sintas na isinusuot noon ng mga kababaihang Hebreo, Griyego at Latino di lamang bilang isang bahagi ng kanilang kasuotan ayon sa kanilang kaugalian, kundi bilang isang sagisag din ng malinis nilang kapurihan at iba pang tinataglay na kagandahang-asal. Ang mga kalalakihan, lalo na ang mga saserdote, mga propeta at mga hari ang nagsisipagsuot din nito bilang tanda ng kanilang pagkahirang, pamumuno at karangalan. At maging ang mga anghel ng Panginoon ay nangakabigkis din ng correa kapag pinagdadala ng mensahe ng Panginoon ng langit sa mga taong hirang. At sang-ayon nga sa Banal na Tradisyon, ang Mahal na Birheng Maria, bilang pagsunod at pagtatangi sa mahal na kaugaliang ito ng kanilang lahi, ay nagsuot rin ng correa sa buo niyang buhay. Ang correa ng Mahal na Birhen ay nagsisilbing malinaw na salamin ng malinis at busilak niyang dangal at kapurihan.

Larawan ng pagpapakita ng Nuestra Señora
dela Consolacion y Correa kina Sta. Monica
at San Agustin. Mula kay: Ranz Joseph Villamil.
Ang Correa at sina Sta. Monica at San Agustin

   At bilang pagpapakita ng kanyang pagtatangi at pagpapahalaga sa mahal na correa, ibinigay niya ito kay Sta. Monica, ang ina ni San Agustin bilang sagisag ng pangako niyang kaaliwan noong mga sandaling si Sta. Monica ay nasa malalim na kahapisan ng dahil sa pagkaliga ng landas sa pananampalataya ng kanyang anak at ng kamatayan ng asawa niyang si Patricio. Ito ay naganap noong hingin ni Sta. Monica sa Mahala na Birhen na siya ay tulungan sa kanyan pangangailangan at aliwin na kanyang kahapisan. Hiningi rin niya sa Mahal na Birhen na ipaalam na kaya kung anong uri ng bihisan ang dapat niyang isuot sa kanyang pagkabalo.

   At ayon muli sa tradisyon, ang Mahal na Birhen ay nagpakita kay Sta. Monica sa isang makalangit na aparisyon, na nabibihisan ng damit panluksa at nabibigkisan sa kanyang sinapupunan ng isang isang katad ng correa o sintas, kumikislap sa makalangit na sinag at nalilibutan ng mga anghel sa kalangitan. At buong katamisang sinabi ng Mahal na Birhen kay Sta. Monica:

Anak ko, bayaan mo na ang sintas na ito na pinagpaging banal sa pagkakabigkis nito sa aking sinapupunan na kung saan ang Verbo ay naging tao, ay mapasaiyo bilang makabuluhang pangako ng aking pag-ibig. Ibigkis mo ito sa iyong sinapupunan at huwag mong iwawaksi; magkakaroon ka ng maalab na paghahangad na mapalaganap ang debosyong ito sa kagalang-galang na correa sa karangalan ko; at ipinapangako ko na ituturing ko bilang mga minamahal na anak ang sinumang makita ko na nabibigkisan nitong mahal na sagisag, na magiging kahanga-hanga sa buong mundo sa hinaharap. Pagkasabi nito agad na naglaho ang Mahal na Birhen.

   Taglay ang labis na kaligayahan, isinuot ni Sta. Monica ang damit panluksa at ibinigkis ang mahal na correa sa tagubilin ng Mahal na Birhen. Agad siyang nagtungo kay San Ambrosio, Arsobispo ng Milan sa Italya, na noon naman ay nangangaral at humihimok kay San Agustin na magbalik sa Sta. Iglesia. Nagtungo din siya kay San Simpliciano, isang matalik na kaibigan ni San Agustin. Isinaysay sa kanila ni Sta. Monica ang mahimalang pagpapakita sa kanya ng Mahal na Birhen. Dahil naman sa paggalang at paniniwala ng dalawa kay Sta. Monica, agad din nagbigkis ang dalawa ng mahal na correa. Ang anak na babae ni Sta. Monica na si Perpetua, pati na rin ng mga apo niyang sina Felicitas at Basilica ay nagsuot din ng correa. Dito nakamit ni Sta. Monica ang pinakadakilang kaaliwan ng makita niya ang anak niyang si San Agustin na di lamang nagbalik-loob kundi nagpabinyag pa siya at piniling tahakin ang landas ng pagpapakabanal.

Ang imahen ni Nuestra Señora dela Consolacion y Correa, Virgen Coronada na nasa
Simbahan ng San Agustin, Pambansang Dambana ni Nuestra 
Señora dela Consolacion y Correasa Intramuros, Maynila. Ito ang pangunahing sentro ng debosyon ng Ina sa tag-uring ito sa bansa. 
   Si San Agustin ang naging pinakamasigasig na tagapagpalaganap ng debosyong ito sa Mahal na Birhen bilang Nuestra Señora dela Consolacion y Correa na kanyang ipinakilala at ipinayabong sa pamamagitan ng Orden ni San Agustin (O.S.A.) o ang mga prayleng Agustino. Sa pamamagitan ng debosyong ito, natupad ang wika ng Mahal na Birheng Ina ng Diyos - “...at mula ngayon ako'y tatawaging mapalag ng salit-saling lahi.” (Lc. 1:48)

Ang Debosyon sa Birhen sa Parokya ni Santiago Apostol

Ang mga kasapi ng Cofradia kasama ang pangulo ng Sangguniang Pastoral ng Parokya ni Santiago Apostol.
    Ang debosyon sa Nuestra Señora dela Consolacion y Correa ay dinala dito sa bayan ng Paombong sa Bulakan ng mga prayleng Agustino may halos 400 taon na rin ang nakararaan. Noong taong 1988, iprinoklama na ang taguring ito ng Mahal na Birheng Maria bilang patronang pandangal o ikalawang patrona ng parokya. Bilang patronang pandangal, kasunod siya ng patronang titular nito na si Santiago Apostol na patron na simula pa noong matatag ang simbahan ng Paombong noong 1619.

   Sa pagprorpoklama sa taguring ito ng Mahal na Birhen, lalong umaalab ang pagdedebosyon ng mga mananampalataya ng Paombong. Unang itinayo sa Simbahan ng San Agustin sa Intramuros, Maynila ang Cofradia dela Nuestra Señora dela Consolacion y Correa sa Pilipinas. Sa pahintulot ng Lubhang Kgg. Franciso dela Cuesta, D.D., Arsobispo ng Maynila, umusbong ang iba't ibang mga chapters ng Cofradia sa arkidiyosesis. Sa Bulakan, na noon ay sakop ng arkidiyosesis, yumabong ang Cofradia sa mga bayan ng Paombong, Balagtas, Barasoain at Malolos simula noong 1974.

   Para sa isang kasapi ng Confradia, pangkaraniwang gawain ang pagdarasal ng Sto. Rosario at ng Coronilla ng Nuestra Señora dela Consolacion y Correa araw-araw. Nong 1971, pinamunuan ang Cofradia ng mga sumusunod:

Gng. Agripina G. Reyes
Priora

Gng. Maria Judith R. Sera Josef
Sub-Priora

Gng. Victoria Villanueva
Secretaria

Gng. Purificacion E. Gonzales
Tesorera

   Sa paglipad ng mga taon, tila nanlamig ang Cofradia gawa ng nagsiyao na ang ilang kasapi. Subalit sa pangunguna nina Gng. Lucila Concepcion at Gng. Visitacion Reyes, patuloy ang pagdalaw ng Nuestra Señora dela Consolacion y Correa sa bahay-bahay ng mga kasapi. Patuloy din ang pagpipista sa Mahal na Ina tuwing unang Linggo ng Setyembre.

   Noong Agosto 2009, muling sumigla ang Cofradia sa pamamatnubay ni Rdo. P. Regino Asuncion (+), na noon ay Kura Paroko ng Parokya ni Santiago Apostol. Ang mga sumusunod ang mga nahirang na mamuno:

Gng. Aida delos Reyes
Priora

Gng. Visitacion E. Reyes
Sub-Priora

Gng. Teresita B. Calayag
Kalihim

Gng. Eugenia C. Pascual
Councilor – Social Work

Gng. Cresencia C. Lindayag
Councilor – Liturgy

Gng. Nida V. Basaysay
Councilor – Formation

   Noon naman taong 2013, ang mga sumusunod ang hinirang na mamuno sa Cofradia sa pamamatnubay ni Rdo. P. Prospero V. Tenorio na noon ay Kura Paroko ng Parokya ni Santiago Apostol:

Gng. Aida delos Reyes
Priora

Gng. Visitacion E. Reyes
Sub-Priora

Gng. Teresita B. Calayag
Kalihim

Gng. Eugenia C. Pascual
Councilor – Social Work

Gng. Cresencia C. Lindayag
Councilor – Formation

Gng. Nida V. Basaysay
Councilor – Liturgy


 Dumadalo ang Cofradia dela Nuestra Señora dela Consolacion y Correa ng Parokya ni Santiago Apostol sa Diocesan Chapte at nakikiisa sa mga gawain ng Vicariate of the Orient ng Orden ni San Agustin (O.S.A.) sa Simbahan ni San Agustin, Intramuros sa Maynila. Sa kasalukuyan, patuloy ang masiglang paghihimok at pag-aakit ng Cofradia sa mga mananampalataya na pag-alabin ang pamimintuho sa kanya.

Nuestra Señora dela Consolacion y Correa, ipanalangin mo po kami.

Sta. Monica at San Agustin, ipanalangin ninyo po kami.

Photo Courtesy: Cofradia dela Nuestra Señora dela Consolacion y Correa
                            Parokya ni Santiago Apostol
                            Poblacion, Paombong, Bulacan

                             Ranz Joseph Villamil
                           Parokya ni San Miguel Arkanghel
                           Poblacion, San Miguel, Bulacan

No comments:

Post a Comment