Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Sunday, August 03, 2014

PAGKILALA | TRIBUTE: PRIMA MISA SOLEMNE: Rdo. P. Raymund Victor Acuña - Parokya ni Sta. Elena Emperatriz



Noong ika-3 ng Mayo
isang anak ang bumalik sa kanyang pinagmulan,
upang magpasalamat sa biyayang natanggap,
ang pagkaparing nahubog sa lupang tinubuan.


   Magpapakilala lang po muli ako, ako po si Rdo. P. Raymund Victor Acuña. Ako po ay kababayan ninyo mula dito sa Hagonoy, Bulakan. Mula po ako sa pamilya ng Acuña at Martin ng Sta. Elena at ng Sagrada Famila at naging parokyano dito sa Parokya ni Sta. Elena Emperatriz. Ngunit hindi po ako dito naordenahan bilang pari, kundi sa Diyosesis ng Tarlac dahil may mga kamag-anak din ako sa lugar na iyon. Kaya naman ako ay isang binhi, “a seed”, na nagmula dito sa pinagpalang bayan na ito na nagbigay ng napakaraming nagpari sa Simbahan, na siya namang itinanim sa Tarlac; isang lugar na nangangailangan ng mga pari. Alam natin sa pagdaan ng panahon, maraming paring anak-Hagonoy ang nakapaglingkod at patuloy na naglilingkod di lamang dito sa Diyosesis ng Malolos, kundi pati na sa iba't ibang diyosesis at mga lugar ng misyon, di lamang sa Pilipinas kundi hanggang sa iba pang sulok ng daigdig. Mapalad ang inyong lingkod na mapabilang sa mga binhing mula sa bayang ito.



   Bukod dito, naririto ako para sa ikalawang bagay bukod sa aking pasasalamat sa pagbalik ko dito sa ating bayan, ang pagdiriwang ng kapistahan para sa minamahal nating patronang si Apo Elena. Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang ika-siyam na araw o ang bisperas para sa kapistahan ni Apo Elena. Tanong ko lang po, sinu-sino po dito ang mga kasama natin ngayon ang hindi taga-rito sa Sta. Elena? (Marami ang nagtaas ng kamay) Makikita po natin na sa dami ng mga naririto ngayon na hindi taga-barrio ng Sta. Elena, makikita natin na malakas ang debosyon ng mga mananampalataya kay Apo Elena.



   Ang debosyon natin kay Apo Elena ang nagpapanatili sa atin, dahil kailangan natin ng inspirasyon, kailangan natin ng saksi na magpapatotoo sa atin na sa harap ng napakaraming problema, haharapin at masosolusyunan natin ang mga ito. Naniniwala po ba kayo doon? Kahirapan sa buhay, kahirapan sa pagtratrabaho, lahat ng taliwas sa dapat – ito ang ating mga tinitingnan. Kanino tayo nanghihingi ng tulong? Saan tayo kumukuha ng inspirasyon? Pumupunta tayo dito sa dambanang ito at tinititigan natin ang Krus, ang Krus na Siyang pinagpakuan ng ating Panginoon. Ito ang ipinakita sa atin ni Apo Elena, na ang Krus ay huwag nating katakutan. Itinuro sa atin ni Apo Elena na dapat nating yakapin at kailangan din nating dalhin ang ating krus, ang Krus ni Kristo.

   Kung mapapansin ninyo, bakit kaya tayo patuloy na pumupunta dito – upang makinig, upang tingnan, upang maramdaman natin ang itinuro ni Apo Elena. Ipinakikita sa atin na ang buhay ay hindi weather-weather lang. Ang buhay ay isang gulong ng palad, minsan ay nasa itaas at minsan naman ay nasa ibaba, na ang buhay ay ang pagyakap natin sa Krus. Ang pagyakap sa krus hindi bilang paghihirap, kundi bilang pagpupugay sa kadakilaan na ginawa ng ating Panginoong Jesukristo. Sa pamamagitan ng Krus, isinalba Niya ang mundo. Sa pamamagitan ng Krus, natamasa natin ang kaligtasan. Sa loob ng napakaraming panahon, nawala ang krus, ngunit dahil sa pananampalataya ni Apo Elena, nakita at natagpuan ang Krus ni Kristo at binigyan ito ng nararapat na pagpupugay. Ito'y upang ipakita na sa gitna ng ating mga paghihirap, nariyan ang pananampalataya na nagpapakita sa atin na karamay, kahagkan, at kapiling natin ang Diyos sa ating buhay.

    Kaya matatagpuan natin sa ating Ebanghelyo na sinabi ni Jesus na, “ang nanalig sa akin ay makagagawa ng mga gawa Ko at higit pa rito dahil papunta na Ako sa Ama.” Sa lahat ng naniniwala sa Kanya, sino ang nagpakita nito at naghanap upang makita ang Krus – walang iba kundi si Apo Elena. Tayo, lumaki tayo na sinabi sa atin na, “Ninang ko po si Apo Elena.” Ang gampanin po ng isang ninang o ninong ay hindi lamang magbigay ng regalo tuwing Pasko. Ang gampanin ng isang ninang o ninong ay upang maging mga pangalawang magulang na maging halimbawa sa kanilang mga inaanak. Hindi lamang pangalawang magulang kundi tagapagtaguyod din ang mga ninang at ninong sa kanilang mga inaanak. Tayong mga inaanak ni Apo Elena, di man tayo binibigyan ng regalo tuwing Pasko, may ipinapakita naman siya sa atin na maging halimbawa na yakapin ang Krus at sumampalataya sa Krus. Dahil ang Krus rin na ito ang nagbibigay sa atin ng kalinga. Dahil ang Krus na ito, kung saan dumapo ang Kanyang katawan, kung saan dumaloy ang Kanyang dugo at nagpapa-alala sa atin sa pamamagitan nito, matatamasa natin ang kaligtasan.

   Si Apo Elena ang nagbigay sa atin ng halimbawang ito na taun-taon ay sinasariwa natin na sa pagiging deboto niya, ipinapasa natin sa mga kabataan ang pamimintuho. Sana ang kulturang ito ay maipasa natin at maipamana natin sa ating mga anak at apo, upang sa pagdami pa ng mga henerasyon ay patuloy nating isaganap ito bilang isang pagtitipon at pasasalamat. Kaya naman ngayon sa ika-siyam na araw ng pagnonobena para kay Apo Elena, ating pamimintuho sa kanyang pintakasi, bigyan nawa tayo, biyayaan nawa tayo ng kalakasan, ng buhay upang mapagpatuloy natin ang ating ginagawang ito. Amen.

Mga Larawan 
Prima Misa Solemne: Rdo. P. Raymund Victor Acuña
Ika-3 ng Mayo, 2014 - Ika-9 na Araw ng Nobenaryo
sa Karangalan ni Apo Elena de Hagonoy












Photography Acknowledgement: Sem. Kendrick Ivan B. Panganiban
                                              Publication Director

No comments:

Post a Comment