Gaano
katagal ang inyong paglagi sa Parokya ni Sta. Elena Emperatriz (Sta.
Elena, Hagonoy, Bulacan)?
Kami ay
namalagi sa Parokya ni Sta. Elena sa loob ng isang buwan. Namalagi
kami mula Abril 21 hanggang Mayo 21. At masasabi ko na sa loob ng
isang buwan na ito ay marami kaming natutunan sa parokyang ito, sa
pag-gabay na rin ng Kura Paroko, Rdo. P. Jaime B. Malanum.
Anu-ano
ang mga naging una ninyong pagtingin (first
impression/s)
sa magiging paglagi ninyo sa parokyang ito? Mayroon bang mga
pangambang kasama dito? Maaari ninyong hugutin ang inyong pagninilay
sa buhay ninyo sa bahay at sa buhay ng mga tao sa Sta. Elena?
Isa sa mga una naming naisip sa pamamalagi namin doon ay ang kultura, tradisyon at mga
nakagisnan ng mga taga-Sta. Elena. Kasama din nito ay ang aking
pangamba na paano namin ba mapapatunguhan ang mga tao dito lalong lalo
na sa pagbagay sa kanilang kultura. Iba syempre ang pakikitungo namin sa
mga tao sa amin sa pakikitungo namin sa mga taga-Sta. Elena. Ito ay
siguro dahil na rin sa mga pagkakaiba sa tradisyon, kultura at pati
na rin sa pang-araw araw na pamumuhay. Pero ang malinaw lang sa amin
ay ang aming pakikitungo ay naka-ugat dapat sa aking katauhan bilang
isang nagpapari.
PAGLILINGKOD - Kasama sa gawain ng dalawang seminarista ang paglilingkod, lalo na sa kabataan ng parokya. Nakikita sila dito habang kasama ang mga kabataan sa pagpaparangal sa Santissimo Sacramento. |
Sinu-sino
ang mga una ninyong nakapalagayan ng loob, mga nakasama nang
matagalan habang naglilingkod kayo sa parokya? Paano ninyo sila
nakilala at naka-isa sa inyong pamamalagi sa parokya?
Syempre, una
na sa mga nakapalagayan naming ng loob ay aming Kura Paroko na si P.
Jaime. Natural na iyon na agad kaming nagkaroon ng koneksyon sa
pamamagitan ng pagbabahaginan namin ng aming mga kanya-kanyang
karanasan sa loob ng seminaryo. Pangalawa, ay ang mga katuwang at
kasama namin sa kumbento. Marahil dahil na rin sa araw-araw kaming
magkakasama. Pero sa mas malalim na pagtingin, dahil na rin
pareho-pareho kaming naglilingkod sa Simbahan. Sila bilang mga layko
at kami naman bilang mga nagpapari.
Ano
ang naging tulong ng Kura Parokong si Rdo. P. Jaime B. Malanum sa
inyong paghubog habang kayo'y nasa parokya? Ano/anu-ano ang mga
naaalala ninyong itinuro niyang mga bagay sa inyo?
Malaki ang
naging tulong ni P. Jaime sa amin sa paglagi namin sa parokya. Isa sa
pinaka mahalagang bagay na aming natutunan sa kanya ay yung
pakikibagay sa iba’t ibang mga tao sa parokya, bilang kami’y mga
dayo lamang. Nararapat lang na kami ang makibagay sa mga kultura ng
mga tao at hindi sila ang makibagay sa amin. Napakahalaga nito sa
isang pari, ang pakikisama. Isa pang bagay na aming natutuhan ay ang
katotohanan na may mga bagay na tanging sa parokya mo lamang
matutuhan at hinding hindi mo matutuhan sa loob ng seminaryo. Dahil
ang mga ideyang natutuhan sa loob ng seminaryo ay hindi lang dapat
manatiling isang ideya, kundi maging isang realidad at ito’y
magagawa lamang sa paglagi naming sa parokya.
INATASAN - Kasama sa gawaing ipinagkatiwala sa dalawang seminarista and pamumuno sa mga Bible Service sa mga kapilya sa mga isla at ang pagtuturo sa mga koro ng parokya. |
Sa
pamamagitan ng mga gawaing iniatas sa inyo ng Kura Paroko, napunta
kayo sa iba't ibang sakop ng parokya at nakasama ang maraming mga
mananampalataya. Anu-ano ang inyong mga naging gawain habang nasa
parokya kayo at paano ito naging paraan para sa inyo para
maglingkod/matututo kayo sa mga naging karanasan ninyo?
Isa sa
pangunahing iniatas sa amin ng Kura Paroko ay ang muling pagbuo ng
lupon ng kabataan ng parokya. Parte nito ay ang pagbuo ng mga
kabataang magiging mga lider sa parokyang ito. Dahil ang gusto ni Padre ay hindi kami mismo ang bumuo kundi ang mga lider na kabataan
ang magkaroon ng kusa na buuing muli ang lupon ng mga kabataan ng
parokya. Kaya ang aming naging pangunahing tuon sa aming mga seminar
ay ang pagiging isang lider at paano nga ba maging isang mabuting
lider, lahat sa konteksto ng isang kabataan. At syempre ang
pingahugutan namin nito ay ang aming sariling karansan ng pagiging
isang lider na hinubog sa amin ng seminaryo.
PAGDIRIWANG - Kasama sa naging pagdiriwang ng mga seminarista sa parokya ang Kapistahan ng Mahal na Patronang Sta. Elena na kung saan sila'y nakigalak sa kaligayahan ng mga seminarista. |
Natapat
na kayo'y nanatili sa parokya sa panahon ng kapistahan ni Apo Elena
de Hagonoy. Ano ang naging pagtingin ninyo sa debosyon at
pananampalataya ng mga parokyano dito? Nagkaroon ba kayo ng
inspirasyon buhat ng mga kaganapang ito?
Isa lang ang
aking masasabi, napaka lakas at napaka maalab ng debosyong ng mga
taga-Hagonoy sa kanilang mga pinipintakasing mga Santo at Santa.
Konkretong halimbawa na dito ay ang aming nasaksihang dami ng deboto
ni Apo Elena noong ipinagdiwang ang kanyang kapistahan. Napansin ko
rin noong aking tignan sa libro ng mga nabinyagan sa parokyang ito,
ang dami ng inaanak ni Sta Elena sa binyag. Isang halimbawa lamang ng
pagtitiwala ng mga tao na si Apo Elena ay ilalapit sila sa Diyos.
PAGSASAMA - Hindi maikakaila ang pagpupuspos ng Panginoon sa pagdamay ng mga seminarista sa paghubog sa mga kabataan na kanilang naging gampanin at misyon sa parokya. |
Sa
inyong mga huling araw sa apostolado, anu-ano ang mga naramdaman
ninyo sa pag-alala ninyo sa mga nagdaang karanasan sa inyong
paglilingkod sa parokya?
Magkahalong
lungkot at ligaya ang aming nadarama. Lungkot dahil sa loob ng isang
buwan ay napamahal na sa amin ang mga tao dito, lalong lalo na yung
mga taong aming laging nakakahalubilo. Siguradong mamimiss namin ang
aming naging mga karanasan kasama sila. Ligaya naman dahil alam namin
na sa aming munting paraan ay nakatulong kami at sila’y may
natutuhan sa amin. At gayundin naman na madami kaming natutuhan sa
kanila. At baon baon naming ang pag-asa na kung anuman ang natutunan
nila sa amin ay kanilang pahahalagahan at maibabahagi sa iba.
Ano/anu-ano
ang mga babalik-balikan ninyong pagkakataon na nagbibigay-daan sa
inyo sa muling pagbalik sa parokya?
Ano nga ba?
Siguro yung pagkakita namin sa Diyos sa bawat isang taong aming
nakasalamuha at ang pagkakita namin sa Kanya sa bawat karanasan namin
dito. Yun pa lang ay sapat na sapat ng dahilan para ika’y bumalik.
Anong
turo ng ating Panginoong Hesukristo ang pumapantig sa inyong mga
puso sa pagdaan ng naganap ninyong apostolado sa parokya?
Pag-ibig. Ang
pagkakita sa Diyos sa pamamagitan ng pag-ibig sa Kanya, sa ating
Pananampalataya, at higit sa lahat sa BAWAT ISANG TAO SA ATING
PALIGID. At ito’y makikita lamang natin kung sa ating bawat
karansan ay hahanapin natin ang PAG-IBIG. Dahil, ang DIYOS ay
PAG-IBIG.
Photography Acknowledgement: Jelli del Rosaro at John Esrom Cruz
Parokya ni Sta. Elena Emperatriz
Page 3 of 5
Please press Older Posts for Page 4.
No comments:
Post a Comment