Gawaing pangmatagalan,
mga debotong nagbabahay-bahay sa barrio upang manalangin, mamintuho kay Maria.
Tignan ang debosyon ng Block Rosary
na nagpapamalas ng pagmamahal ng mga laykong deboto sa Ina ng Laging Saklolo sa Sto. Rosario.
Kasaysayan
Ayon
sa tala, taong 1950, sa kapahintulutan ng Kura Paroko ng Parokya ni
Sta. Ana na si Rdo. P. Celestino Rodriguez, nagsimulang ipalaganap
ang debosyon sa Mahal na Ina ng Laging Saklolo. Limang katao na
kinilala sa mga pangalang Euporio, Teresita, Antonio, Macario at
Victor ang sinasabing nagdala ng mga imahen ng ating Mahal na Ina sa
noo’y inihahanda pa lamang na Parokya ng Nuestra Señora del
Santissimo Rosario. Sila rin ang nagturo ng mga panalangin at awit
para sa debosyon ni Maria.
Limang
barrio na sakop ng naturang parokya ang napagdalhan ng debosyon.
Tig-dadalawang imahen ang dinala sa San Pascual, Sto. Rosario at
Mercado, samantalang isa naman sa San Roque, Sta. Cruz at sa
tinatawag ngayong Villa Socorro. Upang maituro at mapalaganap ang
debosyon sa Mahal na Ina, pinangasiwaan ng mga pinagdalhan ng mga
imahen ang pagdadala nito sa bawat tahanan. Tatlong araw itong
mananatili sa isang bahay at dito ay darasalan ng santo rosaryo.
Matapos ang tatlong araw ay ililipat ito sa iba pang tahanan.
Lumipas
ang panahon na wari’y lumago ang naturang debosyon at dumami nang
dumami ang mga samahan na nagsasagawa nito. Dahil dito ay tinawag na
itong mga Rosaryong Pampurok o mas kilala sa tawag na Block Rosary.
At upang magkaroon ng pagkakakilanlan ay binigyan ang bawat isang
Block Rosary ng kaakibat na numero bilang pamagat.
KASAPIAN - Ang isa sa mga grupo ng Block Rosary Movement sa Parokya ng N.S. del Santissimo Rosario kasama ang Hermana Mayor ng pagdiriwang. |
Villa
Socorro
Marahil
ang maituturing na matagumpay na debosyon sa Mahal na Ina ay ang mga
taga-Alanganin Sta. Cruz-Sto. Rosario, sapagkat sa lahat ng
pinagdalhan ng imahen ay sila lamang ang nakapagpatayo ng munting
bisita para sa Mahal na Birhen. Sinasabing nagsimula ang lahat nang
tanggapin ng isang nagngangalang Apo Celina ang imahen ng Ina ng
Laging Saklolo. Sa katunayan ay binuksan pa ni Apo Celina ang kanyang
tahanan upang doon ganapin ang pagdarasal ng rosaryo, kasama ang mga
kabataan ng nayon.
Ayon
pa sa mga kwento, kasabay ng paglago ng pananampalataya ng mga
taga-Villa Socorro ay ang paggaan ng buhay at pagdami ng hanapbuhay
ng mga taga-roon. Dahil dito ay napagdesisyunan na ipagpagawa ng
maliit na bisitang pawid at istik ang Mahal na Ina. Ang ikalawang
taon nga ng pagdiriwang ng anibersaryo ng pagdating ng imahen ay sa
itinayong bisita ginanap.
Hanggang
sa kasalukuyan ay makikita pa ring nakatayo ang munting bisita na
ngayon ay bato na sa hangganan ng mga barangay ng Sta. Cruz at Sto.
Rosario. Patuloy pa rin ang pagpapalipat-lipat ng imahen ng Mahal na
Ina ng Laging Saklolo sa bawat tahanan na nasasakupan ng lugar.
AKTIBO - Kasama sa pag-unlad ng mga Block Rosary movement sa Parokya ng N.S. del Santissimo Rosario ang paglahok ng mga laykong lingkod lalo na ng mga kabataan. |
Kapistahan
Naging
tradisyon na ng mga samahan ng bawat Block Rosary na ipagdiwang ang
Kapistahan ng kanilang anibersaryo taun-taon. Bawat isa ay may
sari-sariling petsa ng kapistahan na isinasabay sa buwan at araw ng
pagdating sa kanilang grupo ng imahen ng Mahal na Ina ng Laging
Saklolo. Tunay na pinaghahandaan ng bawat samahan ang kanilang
kapistahan. Tulad ng ibang pista ay nagsisimula ang pagdiriwang sa
pamamagitan ng Banal na Misa na sinusundan ng prusisyon. Sa prusisyon
ay may tinatawag na abayan o ang pag-iimbita sa mga Block Rosary ng
mga karatig-nayon. Bago matapos ang prusisyon ay ginaganap rin ang
“aloante’ o alay. Dito ay umaawit o tumutula ang mga batang babae
habang sinasabayan ng pagsasaboy ng mga bulaklak na wari ay inaaliw
at hinaharana ang Mahal na Ina.
Bilang
tanda ng lalo pang paglago ng debosyon sa Mahal na Ina, noon lamang
isang taon ay pinasimulan ni Rdo. P. Quirico L. Cruz ng Parokya ng
Nuestra Señora Del Santissimo Rosario ang sama-samang pagdiriwang ng
Kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo na ginaganap tuwing ika-27 ng
Hunyo taun-taon. Dito ay pinagsasama-sama ang lahat ng Block Rosary
na nasasakupan ng parokya upang ipagdiwang ang Kapistahan ng Ina ng
Laging Saklolo. Mula sa siyam na samahan na binigyan ng imahen at
nagpalaganap ng debosyon sa Mahal na Ina ay labing-dalawa na ang mga
ito sa kasalukuyan. Ito ay ang Block Rosary Nos. 1, 2, 5, 6, 7, 8,
11, 12, 13, 15, 17 at 23. Bawat samahang ito ay lubos na nakikiisa sa
mga gawain ng parokya na may kinalaman sa pagpapalaganap pang lalo ng
debosyon sa Ina ng Laging Saklolo.
Tunay
na malayo na ang nararating ng debosyon para sa Mahal na Ina ng Laging
Saklolo sa Parokya ng Sto. Rosario. Lumipas man ang higit sa 60 taon
ay hindi pa din ito nalilimutan bagkus ay patuloy pang lumalago.
Nararapat lamang na bigyan natin ng karampatang pagkilala at
pintakasi ang Mahal na Ina, ang ating tulay tungo sa Panginoong
Hesus.
Photography Acknowledgement: Elena V. Macapagal
Parokya ng N.S. del Santissimo Rosario
Sto. Rosario, Hagonoy, Bulakan
No comments:
Post a Comment