Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Sunday, August 03, 2014

KULTURA | CULTURE: Panatang Debosyon kay San Pedro sa Barrio San Pedro, Hagonoy


Isang panata na pinagpasa-pasa, 
isang anak na sumunod sa paghehermano sa pista ng kanyang ama.
Tignan ang isang uri ng pagdedebosyon 
na nagpapakita ng pagpapahalaga sa pagtataguyod ng mga layko sa pagdiriwang ng pamayanan.

Sa Lugar na Tinatawag na “Hangga”

   Sa lugar na tinatawag na “Hangga” nagbabantay ang isang mangingisda, may kasama siyang puting manok na animo'y nagbabadya sa paggising ng sambahayan. Siya ang patron ng mga taga-Hangga dahil sa kanyang karunungan at kasipagan. Bilang parangal sa kanya ipinangalan sa kanya ang barriong ito kung saan siya nagbabantay. Mula sa arko ng bayan ng Hagonoy  hanggang sa arko ng barrio San Agustin, umiikot ang mga mananayaw at mga deboto na namimintuho sa kanya. Ang bantay nating ito ay si San Pedro, ang una sa mga apostol at pinuno ng mga disipulo ng Panginoong Jesukristo. Sadyang naging karunungan na sa kanya italaga ang unang barrio ng bayan ng Hagonoy, ang bungad at hangganan.

BISITA - Ang Bisita ni San Pedro Apostol sa San Pedro, Hagonoy o tinatawag na "Hangga" na kung saan makikita ito sa kasalukuyan nitong anyo at porma. 

   Nanatili itong bahagi ng Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana hanggang 1998 matapos ang paghahati-hati ng iba pang mga parokya sa bayan ng Hagonoy. Noon pa ma'y naging masagana ang pagdiriwang ng sambayanan sa Visita ni San Pedro Apostol na dati'y nasasakupan din ang sitio papuntang Sta. Elena na ngayo'y Barrio San Pablo na. Ang pagpipista pa noon ng mga deboto ay tuwing Mayo, kung kailan busilak ang araw sa panahong nagtitipon. Ngunit malaki ang naging pagbabago noong pagbuo ng parokya, ang Parokya ng Ina ng Laging Saklolo na itinatag din sa San Pedro. Doon inayos ang araw ng kapistahan upang maging akma sa pagdiriwang ng Simbahan sa buong mundo. Mula Mayo inilipat sa pista ng Hunyo.

VIVA SAN PEDRO! - Ang pagdiriwang ng kapistahan ni San Pedro na noo'y iisa tuwing buwan ng Mayo ay naitama at inilagay sa mga tama nitong panahon: ang kapistahan niya tuwing ika-29 ng Mayo na Pista Mayor at tuwing Kapistahan ng Luklukan ni San Pedro tuwing ika-22 ng Pebrero na Pista Minor.

   Nagmistulan na itong dalawang araw na kapistahan dahil sunod-sunod ang pagdiriwang: ang Mahal na Ina ng Laging Saklolo tuwing ika-27, at sina San Pedro at San Pablo tuwing ika-29. Ang kapistahan tuwing ika-29 ng Hunyo ang itinalagang Pista Mayor habang ang Kapistahan ng Luklukan ni San Pedro tuwing ika-22 ng Pebrero naman ang itinalagang Pista Minor.

Panatang Debosyon: 
Paghehermano ng Pamilya Crisostomo-Panganiban

    Panatang debosyon ang naisagawa ng mga tao, lalo na sa mga pamilyang nagtataguyod sa barrio. At naging isang karangalan para sa manunulat na itampok ang isang panatang naging gawain ng kanyang sariling pamilya. Nitong nakaraang pagdiriwang, naging Hermano Mayor si G. Godofredo Crisostomo Panganiban na dating Kapitan ng barrio. Sabi niya, “Sa aming pamilya, apat na ang naging Hermano Mayor dito sa ating bisita: si Federico Crisostomo na aking lolo, si Marcelo “Celing” Crisostomo na aking tiyuhin, si G. Arturo “Turing” Panganiban na aking ama at ang inyong lingkod.” Tunay nga na naipasa ang balyarta sa mga katauhang ito na sa nagdaang panahon ay tumulong sa pagtataguyod sa pamayanan ng bisita.

   Bagamat noong luma nang panahon, sina G. Federico at G. Marcelo Centeno Crisostomo na noo'y isang negosyante sa Hangga ang nagtaguyod para sa simbahan at sa pamayanan sa San Pedro. Noong panahon na nasasakop pa ng Parokya ni Sta. Ana ang barrio, sa kanyang mga kamay naipasa ang pananagutan na gampanan ang panatang debosyon. Sa pagtataguyod ng kapistahan kanyang naibigay ang mga kinakailangan para sa ikalalago ng panata. Sa kanilang panahon nabuo ang isang maliit na kapilya na kalahati ng kasalukuyang kapilya. Ayon kay G. Panganiban, noong mga 1956 nang naging Hermano Mayor si G. Federico Crisostomo at noong mga 1960 naman si G. Marcelo Crisostomo. Habang sila daw ang nagtaguyod ng kapistahan ni San Pedro, si Gng. Victoria Crisostomo-Panganiban na ina ni G. Panganiban ang nagtaguyod sa kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo. Ayon kay G. Panganiban, lubos pa sa kanyang ala-ala ang mga ito dahil noong nakapaglingkod siya sa Simbahan, naging kalihim siya ng Samahang High Blood na tawag sa lupon ng katandaan ng bisita. Mula sa pagsusumikap nila noon naitayo ang panibagong simbahan na doble ang laki sa dating istraktura.


PAMILYA - Kasama ng Hermano Mayor 1998 na si G. Arturo M. Panganiban sina G. Antonio C. Panganiban (kaliwa) na kanyang pangatlong anak na lalaki at si G. Raul C. Panganiban (kanan, ama ng may-akda) na kanya namang ikalawang anak.
AMA NG PAGDIRIWANG - Sa pagkakataong ito sa pagganap sa kapistahan, ang Amang Turing Panganiban ang nagdala sa kanyang pamilya at tumungo sa bisita para sa pasimula ng kasayahan.
PRUSISYON - Ang pagsapit ng mga tugtugin ng musiko ang nagdadala sa mga deboto sa lansangan upang maging mga mananayaw sa pagindak para kay San Pedro.

   Mula sa pagtataguyod ng mga magkakapatid sumunod naman ang pagtataguyod ng mag-ama. Si G. Arturo Magat Panganiban, asawa ni Gng. Victoria Centeno Crisostomo ang sumunod na Hermano Mayor ng kapistahan ni San Pedro noong 1998. Siya ang huling Hermano Mayor ng Pistang Mayo noong 1998 bago naitatag ang Parokya ng Ina ng Laging Saklolo. Ika-2 hanggang ika-3 ng Mayo noon ang pagdiriwang at naging isa ito sa pinakamalaking naitala dala ng pagdagsa ng napakaraming tao. Ayon kay G. Panganiban, naaalala niya na naging isang tradisyunal na gawain ang pag-aalay ng bulaklak kay San Pedro sa tahanan ng Hermano na siyang nagaganap noong kapistahan. Isa pang magandang ala-ala dito noon ang pagtataguyod ng magkakapatid na lalaki ni Lolo Turing: sina Godofredo, Raul (ama ng may-akda) at Antonio. Sa katagalan ng pagdiriwang, si G. Raul ang nanguna sa pag-iikot ng imahen ni San Pedro sa buong barrio sa umaga, si G. Antonio naman ang nanguna sa pag-iikot sa hapon at si G. Godofredo na panganay na anak ang nanguna sa gabi.

PRUSISYON NG MGA ANAK

Dala ng katandaan ng Amang Turing, hinati niya at ng kanyang mga anak na lalaki ang paghawak sa balyarta at pamumuno sa prusisyon sa buong araw ng kapistahan. Dito nakuha ng kanyang panganay na anak na si G. Godofredo ang inspirasyon para sa paghehermano.

Ang pagyao ng prusisyon sa umaga sa pangunguna ni G. Raul C. Panganiban, ikalawang anak na lalaki.
Ang pagsunod ng paghawak ng balyarta ni G. Antonio C. Panganiban, ikatlong anak na lalaki.
NOON AT NGAYON - Ang pangunguna sa prusisyon ng panganay na anak na si G. Godofredo noong 1998 (kaliwa) at ang kasalukuyang paghehermano niya sa kapistahan ni San Pedro ngayong 2014 (kanan, kasama ang kanyang maybahay na si Gng. Mercy Panganiban)

   Doon nangarap si G. Godofredo na sana'y makibahagi din sa hanay na ito ng mga nagtaguyod sa bisita ni San Pedro. Sa kanyang mga pagsusumikap, nagkaroon ng kaganapan ang pangarap na ito noong naipasa ang balyarta mula kay G. Rodolfo Sarmiento noong 2013 sa kanya. Sa pagtaguyod niya ng kapistahan nitong ika-29 ng Hunyo, 2014, napuno ang lahat ng kagalakan sa muling pagtulong ng kanyang pamilya bilang panatang debosyon. Pinamunuan ang pagdiriwang ni Rdo. P. Carlo S. Soro, Kura Paroko ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo. Ayon kay P. Soro, “ipinapakita ni San Pedro ang institusyunal na pamumuno sa ating Simbahan na nakatuon sa pangangalaga sa mga kasapi nito.”

Pagtatangkilik kay San Pedro sa Hagonoy


PAMUMUNO - Sa kanyang homiliya, binanggit ni Rdo. P. Carlo S. Soro, Kura Paroko ng Parokya ng Ina ng Laging Saklolo ang kahalagahan ng pamumuno, lalo na sa imahe ni San Pedro na isang pinuno ng Simbahan.
PASASALAMAT - Paghayag ng pasasalamat ni G. Godofredo Panganiban sa pageenganyo ng pamayanan ng San Pedro para sa nagdaang kapistahan.

   Sa lugar ng Hangga nahahati ang lupaing bungad sa San Pedro na nasa silangan mula tulay ng Labangan Channel hanggang sa tulay patungong San Agustin. Kakambal nito ang lupaing nasa kanluran, ang San Pablo na kilala noon bilang isang sitio ng San Pedro. Noon pa man sa kasaysayan ng Simbahan sa Hagonoy, nasasabay ang pagdiriwang ng mga santong ito, sa tuwing Mayo man na dating kapistahan o Hunyo na kasalukuyang pagdiriwang. Ngunit ang hating pagdiriwang na ito ay ipinagbubuklod ng sama-samang pakikiisa sa mga kaganapan sa bawat lugar.

INDAK-KALYE - Naging masayang bahagi ng prusisyon ngayong taon ang mga mananayaw ng Bisita ng Mahal na Birhen ng Lourdes sa barrio Abulalas na nakiisa sa pagdiriwang.
   Si San Pedro na siyang tagapagbantay ng bukasan ng bayan ng Hagonoy ay itinatangkilik dahil sa dalawang bagay. Una, siya ay mangingisda tulad ng mga mamamayan ng Hagonoy na nasa tabing-ilog at tabing-dagat. Ikalawa, siya ay batong luklukan ng Simbahan kaya naman isa itong naging magandang katangian sa pagtatatag dito ng simbahang parokya ng Ina ng Laging Saklolo. Sa mga bagay na ito, nakikita na ang imahe at inspirasyon ni San Pedro ay may bunga sa pagdaan ng mga panahon na siya'y itinatangkilik at pinararangalan ng mga mananampalataya sa barriong nakapangalan sa kanya.

PAGSUNOD - Makikita sa aktibong pagtataguyod ng mga lingkod ng parokya ang pagpasa ng debosyong panata sa mga kabataan. Sa pamamagitan ng ganitong kaukulang pagtuturo at pagbibigay-impormasyon, natututo ang mga kabataan na maging tagapagtaguyod din ng nasabing panata.
   Sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo taun-taon makikita kung gaano kalakas ang pagpapanatili sa mga debosyon sa mga patron. Sa San Pedro makikita ang paggugol sa kapistahan sa Mahal na Birheng Maria, Ina ng Laging Saklolo at sa punong disipulo na si San Pedro. Sa San Pablo naman makikita ang paggugol sa kapistahan ni San Pablong kaibigang matalik at kaakibat ni San Pedro sa pagpapangaral ng Mabuting Balita. Sa lahat ng ito, samo't dalangin na manatiling matapat at malakas sa pananampalataya ang mga anak ni San Pedro Apostol!

Viva Apostol San Pedro ng Hagonoy!



Photography Acknowledgement: Sem. Kendrick Ivan B. Panganiban
                                                    Publication Director
                                                    Crisostomo-Panganiban Family Archive
                                                    (For May 1998 Fiesta Pictures)
   
                                                     Jasper P. dela Cruz
                                                     Parokya ng Ina ng Laging Saklolo
                                                     San Pedro, Hagonoy, Bulacan


                                                    Chelsie Andrei P. Domingo
                                                    Parokya ng Ina ng Laging Saklolo
                                                    San Pedro, Hagonoy, Bulacan

No comments:

Post a Comment