Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Sunday, August 03, 2014

PAGKILALA | TRIBUTE: BAYANG LEVITICO: Isang Pagkilala sa mga Paring Anak-Hagonoy (Whole Vol. 3/Vol. 1, Issue 2, July 2014)



Ano ba ang Bayang Levitico?

     Ang Bayang Levitico: Isang Pagkilala sa mga Paring Anak-Hagonoy ay isang natatanging bahagi ng pahayagang ito na naglalayon na magbigay ng panig para sa mga paring anak-Hagonoy. Gusto nitong bigyang-pansin ang natatanging pamanang kalinangan ng Simbahan na nagmula sa bokasyon ng mga paring anak-Hagonoy na naging dahilan kung bakit tinawag ang bayan sa katawagang Bayang Levitico.

     Bawat issue magbibigay ng tuon ang bawat bahagi ukol sa buhay ng piling bilang ng mga pari. Sila ay mga totoong Catholic Hagonoeño na nabuhay, tinawag at nahubog upang sundan ang mga yapak ni Kristo sa pagiging pari para sa Simbahan. Dito lubos nating tuklasin ang ganda at biyaya ng buhay-pari sa pagbabahagi ng ating mga kababayang inordenahan sa pagkapari ni Kristo. 

Mga Paring Anak-Hagonoy 
Vol. III, Issue 2, Hulyo 2014

Rdo. P. Domingo Agulto Cruz
Sta. Elena, Hagonoy

Rdo. P. Marlou Tarcisio Naval Cruz
Sagrada Familia, Hagonoy


Rdo. P. Aly Alfonso Barcinal
San Juan, Hagonoy


Rdo. P. Peter Julian Eymard Cabrera Balatbat
Sto. Niño, Hagonoy




Ano o anu-ano po ang nakaimpluwensya sa inyo upang maging pari?

   PANAHON: Ang ibig kong sabihin sa panahon ay yung pagkakataon na sa takbo ng buhay ko, doon ko natagpuan ang aking bokasyon. Habang nag-aaral ako noon seminaryo, hindi ko inaasahan na magpapari talaga ako. Basta ang mahalaga lang sa akin ay makapag-aral. Nag-aral ako sa seminaryo hanggang sa umabot ako ng ika-apat na taon sa teolohiya. Noong nandun na ako sa bahaging iyon ng aking paghubog sa seminaryo, noon ko pa lang TALAGA nagustuhang magpari. Kaya talagang masasabi ko na ang paglagi ko sa seminaryo sa mga panahong seminarista pa ako ang nakaimpluwensya sa akin upang maging pari. At noon ay hindi rin madali na magpari dahil ako'y hindi naman galing sa mayamang pamilya: buhay mahirap, kawalan sa buhay, walang pambayad sa pag-aaral. Sa madaling salita kinailangan ko talagang magtiyaga at doon pumaroon ang aking buhay hanggang sa ako nga'y naging pari na.

ST. BRIDGET CATHOLIC CHURCH - Ang parokyang kasalukuyang pinaglilingkuran ni P. Domingo Cruz. Makikita ito sa sa Diyosesis ng Houma-Thibodaux sa Louisiana sa Estados Unidos.
Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?

   Sa mga tradisyunal na debosyon, naging malaki impluwensya sa akin yung pagdarasal naming pamilya na magkakasama tuwing hapon. Kapag alas sais na ng gabi dinarasal namin ang orasyon at magkakasama kami sa lahat ng pananalangin.

Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa pagpapari?

   Malaki talaga ang naging impluwensya sa akin ng Simbahan. Laking Simbahan din kasi ako. Ako noon ay sakristan sa parokya kaya nakita at naranasan ko ang pamumuhay ng isang lingkod at ebidensya nga dito ang paglaki ko sa kumbento at simbahan. At habang nasa Simbahan ako, nakikita ko kung gaano katiyaga ng mga tao sa pag-aabuloy at sa pagsisimba na talagang nakapagbigay ng lakas sa aking bokasyon sa pagpasok ko sa seminaryo.

Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa pagpapari?

   Ang magandang pagnilayan natin ay kung tayo ay tao, dapat ipakita natin ang ugaling-tao sa ating kapwa-tao. Iyong mga tanda ng paggalang, katapatan, pagmamahal ang magpapakita sa atin na mahal natin ang isa't isa at mahal natin ang Diyos na nagpaparamdam na mayroon tayong bokasyon upang magmahal, pari man o hindi.


Ano o anu-ano po ang nakaimpluwensya sa inyo upang maging pari?

   Nakapagimpluwensya sa akin ang halimbawa ng aking yumaong ama na noon ay Sacristan Mayor at escribante sa aming parokya. Gayundin, malaki din ang impluwensya sa akin ng isa naming yumaong Kura Paroko dito sa Nueva Ecija na si Rdo. P. Pedro O. Balagtas.

   Malaki din ang ginampanan ng mga Paring Redemptorista (CssR – Congregation of the Most Holy Redeemer) na laging nagmimisyon noon sa aming parokya noong kami'y mga bata pa.

   At isa ring naging impluwensya sa akin na nag-enganyo sa akin na maging pari ay ang aking yumaong lola na walang sawang nangaral sa amin noong mga bata pa kami.

Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?

   Naaalala ko na ang mga gawaing nakatulong sa aking pagiging relihiyoso at sa pag-unlad ng aking bokasyon ay ang mga sumusunod: ang aking palagiang pagdarasal ng rosaryo, ang pagdarasal ng oracion o ang Angelus tuwing ika-6 ng gabi at ang pagsisimba linggo-linggo.


PAROKYA NG BIRHEN NG FATIMA - Ang parokya sa Gen. M. Natividad sa Nueva Ecija sa loob ng Diyosesis ng Cabanatuan kung saan naglilingkod bilang Kura Paroko si P. Marlou Tarcisio Cruz.

Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa pagpapari?

   Pagdating sa aking kaugnayan sa bayan ng Hagonoy sa Bulakan, naaalala ko ang mga paring nakilala ko at nabanggit sa akin ng aking mga kamag-anak mula doon. Sila ang nagmistulang ugnayan ko sa bayang ito na maraming paring anak. Sa mga paring ito lolo ko si Rdo. Msgr. Pascual Lopez Cruz, D.P. na naglingkod din sa Diyosesis ng Cabanatuan. Tiyuhin ko naman si Rdo. P. Tranquilino Castro Cruz na naging Chief Chaplain ng Hukbong Katihan ng Pilipinas. Kaklase ko naman si Rdo. P. Fernando Villanueva Fernando noong nag-aaral ako sa Pamantasan ng Sto. Tomas sa Maynila.

Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa pagpapari?

   Nawa kayong mga tumatangkilik sa pahayagang ito ay maging mga buhay na halimbawa ng mga pangaral ng ating Panginoong Jesukristo, maging mabuti at gumawa ng mabuti sa lahat ng pagkakataon, saan man naroroon.


Ano o anu-ano po ang nakaimpluwensya sa inyo upang maging pari?

   Isang malaking nakapagimpluwensya sa akin ang pagiging sakristan ko noong ako'y Grade 2 at tumuloy hanggang ako'y umabot sa ika-apat na antas sa sekundarya sa Roosevelt College – Lamuan. Sa paglilingkod ko noon sa pagiging sakristan, halos lagi na akong nakapirme sa parokya, sumasama pa ako sa mga house blessing, car blessing at mga misa para sa patay.

   Noon ay lagi akong sumasama sa pari na naging kaibigan ko at dumadalaw kasama niya sa iba't ibang simbahan. Naging malapit ako sa kaibigang ito na si Rdo. P. Roberto Ignacio na dati'y naglilingkod sa Diyosesis ng Malolos sa Bulakan at noon nagkasama kami'y lumipat sa Diyosesis ng Antipolo.

   Noong bata ako'y nalaman ko rin na may kamag-anak akong obispo, ang Lubhang Kgg. Severino Miguel Pelayo na taga-San Juan din sa Hagonoy. Noon pa man ay naging relihiyoso na ang pamilya namin, lalo na sa panig ng aking ina. Sa kanya ko natutunang gawin ang aking mga obligasyon na magsimba, lalo na bago pumasok sa eskuwela.

Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?

   Sa Marikina kami nakatira noong bata pa ako kaya doon ko naranasan ang pagtawag sa pagpapari bilang isang lingkod sa Parokya ng Inmaculada Concepcion. Ngunit mula sa kaugalian ng aking mga magulang ko nakuha ang mga ugali na gawin ang gabi-gabing pagrorosaryo kasama ang pamiya, taunang pagtaguyod ng Bisita Iglesia at peregrinasyon sa Antipolo at sa Manaoag. Tuwing Miyerkules naman ay lagi kaming nagdarasal ng nobena sa Ina ng Laging Saklolo. Ang mga gawaing ito na may kinalaman sa Mahal na Ina ang naging dahilan kung bakit lumakas ang aking pamimintuho sa kanya. Dito ko ninais na maging aktibong miyembro ng Lehiyon ni Maria na naging panata ko noong ako'y bata pa.



PANDIYOSESIS NA DAMBANA NI STA. TERESITA NG SANGGOL NA SI HESUS - Ang magandang parokyang ito sa Lungsod ng Antipolo sa Rizal naglilingkod si Rdo. P. Aly Barcinal bilang Kura Paroko at Rektor. (Photography Acknowledgement: St. Therese of the Child Jesus Diocesan Shrine and Parish)
Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa pagpapari?

   Sa pag-uwi namin sa Hagonoy noong ako'y bata pa, palagian pa rin ang aming pagsisimba. Sa mga naging kasama kong pari doon, nakipagkaibigan ako sa kanila, lalo na sa mga tinuturing ko na spiritual director. Sa mga naging kasama ko sa Hagonoy noon ako nakikipagsangguni sa mga bagay na may kaugnayan sa bokasyon sa pagpapari. Dito lumawak ang aking interes sa mga bagay tungkol sa Simbahan, sa paglilingkod at buhay paglilingkod bilang pari.

Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa pagpapari?

   Ang bokasyon sa pagpapari ay dapat ariin natin bilang atin at hindi galing sa ating mga magulang. Ang mga magulang ang nagsisilbing nanghihikayat ngunit ito'y pasya mo pa rin. Hindi produkto ng impluwensya na kagagawan ng ibang tao, bagkus ito'y pagtugon mo sa tawag ng Diyos na maglingkod sa Kanya, sa Simbahan at sa Kanyang sambayanan.


Ano o anu-ano po ang nakaimpluwensya sa inyo upang maging pari?

Malaki ang naging bahagi ng pagsama ko noong bata pa ako sa Catholic Charismatic Movement. Sa pagsama ko sa ganitong mga gawain ko nakuha ang bokasyon ko. Malaki din ang naging impluwensya sa akin ng isa lolo kong pair na is Msgr. Estanislao Tamayo Cabrera.

Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?

Naging kasanayan na ng aming mga kamag-anak na kapag alas-6 na ng gabi, sama sama kaming nagdarasal ng Angelus at ng Rosaryo. Isa itong kaugalian na galing sa Hagonoy na talagang ginawa namin bilang isang pamilya.

Malaki din ang naging bahagi ng aking debosyon tuwing ika-3 Biyernes na nakalaan sa Banal na Mukha ni Hesus. Naaalala ko na pumupunta pa kami doon sa Simbahan ng Quiapo sa Maynila tuwing ika-3 Biyenes upang magbihilya.

At siyempre yung sama-samang pagsisimba tuwing araw ng Linggo na bumubuo sa iisang pamilya.


PAROKYA NI SAN PABLO DELA CRUZ - Ang parokya na ito sa Lungsod ng Marikina na sakop ng Diyosesis ng Antipolo ang siyang pamayanan na pinaglilingkuran ni Rdo. P. Peter Julian Eymard Balatbat bilang Kura Paroko. (Photography Ackowledgement: Andrea Santos at Bebot Recabar)


Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa pagpapari?

Malaki ang naitulong ng parokyang pinagmulan ko sapagkat naging kasapi ako ng Knights of the Altar, naging miyembro ng Lehiyon ni Maria at ng Charismatic Movement- Morning Star Prayer Group.

Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa pagpapari?

Sa mga tumatangkilik ng pahayagang ito nawa ay mapalalim ang bokasyong ating tinatahak sa buhay at maging tapat sa tawag ng Diyos at paglingkuran Siya ng buong puso at ng may kababaang-loob.

No comments:

Post a Comment