Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)
Showing posts with label Sta. Elena Parish Youth Choir. Show all posts
Showing posts with label Sta. Elena Parish Youth Choir. Show all posts

Saturday, January 03, 2015

MINISTERYO: Sta. Elena Parish Youth Choir


Ang Panginoon ang aking pastol
Pinagiginhawa akong, lubos.

Handog niyang himlaya’y sariwang pastulan
Ang pahingaan ko’y payapang batisan
Hatid sa kalul’wa ay kaginhawahan
Sa tumpak na landas, Siya ang patnubay.

Madilim na lambak man ang tatahakin ko
Wala aking sindak, Siya’y kasama ko
Ang hawak niyang tungkod ang siyang gabay
Tangan niyang pamalo, sigla’t tanggulan ko.
…akong lubo-os.

   Isa ang salmon ito sa mga awitin pansimbahan na madalas na inaawit ng Sta. Elena Parish Youth Choir (SEPYC) na patuloy na nagpupuri at nagpapasalamat sa Poong maykapal. Nagsimula ang samahang ito noong 1980 sa pangunguna ni Concepcion Reyes. Ito ay may dalawangput-limang miyembrong kasapi noon una itong nagtipon. Ito ay kinabibilangan ng mga mag-aaral sa elementarya at sekundarya.

Mga kasapi ng Sta. Elena Parish Youth Choir (SEPYC) na kasama si Rdo. P. Efren G. Basco na dating Kura Paroko ng Parokya ni Sta. Elena Emperatriz.
   Ang samahan ito ay nangunguna sa pag-awit tuwing ikalawang misa sa araw ng Panginoon at sa iba’t ibang programa na may kinalaman sa Simbahan. Tulad ng pagtatanghal tuwing sasapit ang kapistahan ng aming mahal na patronang si Apo Elena. Kasalukuyan, patuloy pa rin itong itinataguyod ng mga kabataan ng parokya na gumagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapalakas ng debosyon sa pamamagitan ng pag-awit sa mga pagdiriwang at pagtulong sa mga gawain ng parokya.

Ang mga kasapi ng SEPYC sa isang outreach program para sa mga mahihirap sa parokya na ginanap sa pakikipagtulungan sa Komisyon ng Ugnayang Pagkilos.
   Mula kay Gng. Reys na pinuno ng nasabing samahan, nabuo ang sumusunod na panayam:

Q. Nagtagal na po ang samahang pansimbahan sa loob ng 34 taon. Ano po ang masasabi ninyo sikretong taglay sa patuloy na pag papa-iral ng inyong samahan ?

A. Ang Sta. Elena Parish Youth Choir choir ( SEPYC) ay mayroong magandang samahan, may pagmamahalan at may magandang pamumuno kung kaya ito ay nagkaroon ng limang pangkat simula nang nabuo itong samahan noong 1980 hanggang sa kasalukuyan.

Q. Paano po nagpapalakas ng mga hamon ang patuloy na pagtawag ng paglilingkod na buhat ng debosyon para sa inyong apostolado sa simbahan?

A. Hindi kami naririto dahil gusto lang namin. May mga talentong ibinigay sa bawat kasapi nito na kailangang maibahagi ito at maipakita hindi lamang sa pagkanta kundi matutong magbahagi sa kapwa gumawa ng mga mabubuting programa at higit sa lahat yung maipadama ang tunay na kahulugan ng mga awiting dapat isabuhay.

Q. Sa inyong palagay, patuloy nga po ba ang pagyabong o unti –unti pong nalalanta ang iba sa inyong kapisanan? Anu-ano po bang mga hakbang ang inyong pinagsusumikapang gawin sa pag tugon dito?

A. Oo, patuloy ang pagyabong ng aming samahanm, sapagkat kahit may mga miyembrong umaalis, napapalitan naman kaagad. May mga bagong kabataan na nais at patuloy na maglingkod sa Simbahan.

Q. Sa inyo pong karanasan, ano po bang meron sa ispiritwalidad, apostolado at gawain ng samahang inyong kinabibilangan na nagpapalakas sa inyong pananampalataya at paglilingkod sa Simbahan?

A. Yung umawit ka ng buong puso at sa bawat awit na binibigkas mo ay alam mong tumimo sa puso at isip ng bawat mananampalataya.

Q. Ano pong mensahe ang inyong maibibigay para sa inyong kapwa kasapi sa inyong samahan pati na rin sa mga kabataan na nagnanais maging aktibo sa paglilingkod sa Simbahan?

A. Unang-una alam mong doon ka nilagay ng Diyos at alam mong ito ay responsibilidad mo sa Kanyang tahanan. Dito makikita ang isang lupon na nagpapalaganap ng kabutihan at pinagsusumikapang isabuhay ang Salita ng Diyos. Dapat walang mataas at walang mababa sa bawat miyembro ng samahan, lahat ay pantay pantay at dapat handa kang making sa opinion ng bawat isa. Dapat ituon ang gawain sa oras ng pagsamba. Mararamdaman mong walang kwenta ang pagkanta kung ito ay hindi bukal sa iyong kalooban at dapat ito ay bukal sa iyong puso at isipan. Maglingkod at patuloy na magpuri sa Diyos at huwag gawing pakitang tao lamang.

   Sa aking pagsasaliksik nararamdaman ko ang tunay na debosyon ni Concepcion Reyes na namumuno sa SEPYC. Pinilit niyang maging matatag ang samahang kanyang pinamumunuan. Tunay ngang ang pagmamahal sa gawin ang siyang magiging pundasyon upang manatili itong buhay at kapakipakinabang sa Simbahan. Ang paglilingkod na may kasamang pagdarasal na siyang sandata para sa para sa mga tao na gustong magpabagsak sa isang samahan.

Photo Courtesy: Marvin M. Magbitang (Parokya ni Sta. Elena Emperatriz)

Saturday, September 29, 2012

KULTURA: Araw Para sa Mahal na Ina: Ang Pagdiriwang ng Kapistahan ng Kapanganakan ni Maria sa Parokya ni Sta. Elena

     Isang pagbibigay daan sa ating Mahal na Birheng Maria. Isang paghahanda para sa kanyang kaarawan. Nagkaroon ng Banal na Triduo simula noong ika-5 ng Setyembre hanggang ika-8, talaga namang binigyan ng pansin ang Mahal na Ina sa pamamagitan ng pag-aalay. At sa bawat araw, patuloy ang mga deboto at debota ng Mahal na Ina. Ang mga sumusunod ang mga tagapagtangkilik ng Simbahan na nagputong ng korona sa imahen ng Mahal na Birhen noong nagdaang Banal 
na Triduo:

Unang Araw (Setyembre 5) – Gng. Aring Gutierrez at Gng. Nora Martin

Ikalawang Araw (Setyembre 6) – Gng. Carolina Carino at Gng. Priscilla Jose

Ikatlong Araw (Setyembre 7) – Gng. Rufina Martin at Gng. Severina Magbitang

Ang pag-aalay ng bulaklak sa Mahal na Ina na sinundan ng pagpuputong sa imahen ng korona tulad ng makikita sa larawan sa itaas.
    Sinundan ang pagputong sa korona sa Birheng Maria noong ikatlong araw ng isang Banal na Misa sa ilang sandali ay dumating na ang araw na pinakahihintay. Ganap na alas dose noong madaling araw ng kapistahan sinalubong ang mahal na birhen ng mga mang-aawit. Ginanap sa bisita ng Sagrada Familia, isang tradisyon sa lugar na ito na awitan siya bago pa man sumikat ang haring araw. Alas singko ng madaling araw isinagawa ang banal na prusisyon - isang tahimik na pagpaparangal na kung saan talagang madadama ang kapayapaan sa kapaligiran - nagbukas ng mga kandila ang mga deboto at kasabay ng paghakbang ng kanilang mga paa ang pagdarasal ng banal na rosaryo sa pangunguna ni Gng. Norma Martin. Nag-agaw ang liwanag at dilim ng makabalik sa simbahan ang banal na prusisyon. Inilagay ang karo sa gitna ng patio ng simbahan at inikutan ng mga kababaihan at matapos kinanta ang Salve Regina kasabay ang pagpaparangal ng Kura Paroko, Rdo. P. Efren G. Basco. Matapos ang pagpaparangal, inawit ang maligayang bati na nagdulot ng kasiyahan sa bawat isa.

Ang imahen ng Birhen ng Fatima na nagsilbing imahen na iprinusisyon noong naganap na Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birhen. Ginanap ang dawn procession sa pamamagitan ng kantahan mula sa bisita ng Sagrada Familia patungo sa simbahang parokya.
    Inumpisahan ang Banal na Misa sa pangunguna ni P. Basco at muling naghandog ng mga bulaklak ang mga prasedia ng Lehiyon ni Maria: an Praesidium Tala sa Umaga at Praesidium Stella Maris kasama rin ng Samahan ng Ina ng Laging Saklolo, at mga junior legionaries at lahat ng mga deboto ni Maria na dumalo sa pagdiriwang. Muling kinoronahan ang imahen ng Mahal na Birhen na ginampanan nina Gng. Lydia Ablaza at Gng. Edna Felipe.

Mga ilaw mula sa mga kandilang inihanda para sa ginanap na living rosary noong gabi ng pagdiriwang ng kapistahan. Makikita dito ang pagbuo ng isang rosaryo sa pamamagitan ng mga taong mamumuno sa pagdarasal na nakatapat sa bawat inilawang kandila.
     Noong gabi naman isinagawa ang living rosary na ginanap sa loob ng Simbahan. Dinaluhan ang pagdiriwang ng iba't ibang samahang pansimbahan ng parokya. Sa Unang Misteryo sa Tuwa gumanap ang mga taong may katungkulan at mga nag- aanunsyo kasama ng mga Sangguniang Barangay ng Sagrada Familia at Sta. Elena at ng mga Eco Aid. Sa Ikalawang Misteryo sa Tuwa naman nanguna ang mga propesyunal, mga guro at mga kumadrona sa aming nayon. Sa Ikatlong Misteryo naman ang mga ina ng tahanan at sa sinundan sa Ika-apat na Misteryo nang mga kabataan na minsan ng nalulong sa bisyo at sumuway sa kanilang mga magulang. Samantalang sa Ikalimang Misteryo nanguna ang mga katandaan. Sa bawat misteryo mayroong mga awitin na ihinanda ang Sta. Elena Parish Youth Choir (SEPYC) at sa paghahanda ng Parish Commission on Youth (PCY). Sa saliw ng kanta ng Salve Regina ay muling pinutungan ng korona ang imahen ng Mahal na Birhen, kasabay din nito ang pagbubukas ng ilaw sa buong simbahan. Magkaroon din ng munting salu-salo sa patio na inihanda ng mga parokyanong may ga mabuting kalooban. Ikinasaya ito ng mga nakiisa at ng mga bata na tuwang tuwa sa mga munting regalo. Isa itong araw na tumatak sa bawat isa – isang araw para sa Mahal na Ina – na kung kailang walang iniinda na kapaguran bagkus nadama ng bawat isa ang tunay na kasiyahan. Dahil dito, mas lalong lumaganap ang debosyon sa Mahal na Birhen sa aming parokya ni Sta. Elena Emperatris.

Viva la Virgen!!!


Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo. Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala naman ng Iyong anak na si Hesus.

Santa Maria, Ina ng Diyos, ipanalangin mo kaming makasalanan ngayon at kung kami'y mamamatay. Amen.

Photo Courtesy: Marvin M. Magbitang (Parish of St. Helena the Empress)