Tuwing ika-19 ng Marso, ipinagdiriwang sa buong mundo ang Dakilang Kapistahan ni San Jose. Sa Hagonoy, naroon ang Visita ng barrio San Jose kung saan inaalala ng mga mananampalataya ang isang natatanging imahe ng amain ni Kristo. Tinatawag itong La Muerte de San Jose (Eng: The Death of St. Joseph, Fil: Ang Kamatayan ni San Jose), na kung saan nakikita si San Jose na kapiling ang kanyang asawang si Maria at anak na si Hesus. Isa ito sa mga pinahahalagahang patron ng mga taga-nayon kaya naman maraming kagawian ang ginagawa dito tulad ng mga pagbabantay, misa at prusisyon.
Inilalarawan sa mga mambabasa ng ating makata ang katangi-tanging pagdiriwang na ito sa araw ni San Jose, Esposo ni Maria. Maganda ang paggawa nito sa pormang patula sa dalawang kadahilanan: 1.) ipinapakita nito ang kulay ng pagdiriwang at ang kaugalian ng mga tao at 2.) ipinapakita din nito ang istilong patula ng mga taga-Hagonoy na isa ding natatanging bagay ukol sa mga mamamayan.
Ukol sa Pamagat:
Tinatawagan si San Jose sa bayan ng Hagonoy sa mga sumusunod na pangalan: Apo Hosep, Apo J/Hose o ang simpleng ngalan na San Jose.
Marso a- diez-y-nueve,
Maaga pa’y gising na kami ni ate.
Mahal naming ina, akay-akay kami.
“Tayo,” aniya, “ ay paroroon
Sa bisita ng ating nayon,
Upang gunitain ngayon
Pagpanaw ng mahal nating patron.”
Mura kong isipan,
Pagsapit namin doon
‘Di mawatasan,
Bakit balana’y nagkakagayon?
May edad na mga babae, sa kusina’y nahihilabo;
Mga batang anaki’y singgulang ko,
Sa patyo’y panay ang takbo.
‘Di kaginsa-ginsa,
Sumungaw, isang lola;
Sabay wika,
Sa malakas na salita:
“Mga bata, halikayo, parine -
Walang ganito, walang ganire.
Sa tindaha’y pumaroon
Bumili ka ng gayon.”
“Puntahan si ganito,
Sunduin si ganoon.”
“Nagsisimula na ‘kanyo,
Pagbabantay kay Hosep na ating patron.”
Mga paslit, lakad dito, sibad roon
Kandarapa, nag-uunahan
Bilang pagsunod
Sa atas na turan.
Pahabol pa ni impo –
“Hige, dalian at pagbalik ninyo,
Nakahain na, goto at puto.
Pagkakain, walang lalayas, walang lalayo.
Marami pang utos, marami pang trabaho.
Magpahinga rin muna, pinagpapawisan kayo.
Huwag mag-alala, mga apo –
Ako’ng bahala sa inyo.
Sinaing na ay sumusubo,
Kaya’t sandali lamang, manananghali na kayo.”
Sa bukana ng kapilya
Mga kalalakihang dumadalo,
Sila rin ay abala,
Hindi nagpapatalo.
Hawak, papel at pluma
Buong ingat na inililista
Abuloy ng mananampalataya.
"Para pondo", wika nila,
"Pampaayos ng altar
At ng bubong na may butas na."
Sa loob nama’y makikita,
Kababaihang nagdarasal
Latin o espanyol,
‘Di ko maintindihan.
Ito raw ay patungkol,
Papuri sa Panginoon
Dahil ang giliw na patron,
Sa langit, ngayon ay naroon.
(Sinimulan, mga ilang taon,
Pagbasa ng Mahal na Pasyon
Umaga hanggang dapit-hapon
Upang bigyang-tuon,
Pamimingaw sa patron).
Tanong ko kay Inang,
“Sino ang sa bisita’y nakatanghal,
Lalaking nakahiga, berde’t dilaw, nararamtan?
Siya raw si Hosep
Kay Hesus, nagmahal nang totoo,
At kay Birhen Maria ay ulirang esposo.
Kanyang katangian
Dapat pamarisan,
Ng lahat ng ama ng tahanan.
Sa gitna ng kaguluhan
May aral akong natutunan
Sa bawa’t isang aking namasdan.
Mga bata, aking napaghulo –
Sila pala’y binibigyang-turo
Maging anak na matulungin,
Sa magulang, mamalaging masunurin.
Mga inang nagpasuso,
Hindi gugutumin bunsong pintuho
Kahit tambak ang trabaho,
Kalusugan ng anak, laging nasa ulo
Walang paglimot sa pag-aasikaso.
Amang mapagmahal,
“Di babayaan ang tahanan
Haliging matatag
Sa ngalan ng asawa’t anak na liyag.
Isang magandang larawan,
Nakintal sa isipan
Mag-anak na nagmamahalan.
At sa kahulihan -
Magkakanayon, may bayanihan.
Paggunita, ‘di natatapos sa salu-salo.
Lundo nito,
Ganap na a-las-cinco.
Darating pa, Kura Paroko
Magdiriwang ng Misang Santo
Sisimbahan ng lahat ng tao.
Wari’y ‘di pa sapat,
Pagsisikap, at kina inang na hirap;
May prusisyon pang ganap,
Na susundan ng lahat.
Pag-alala, hindi man nais bigyang-wakas
Hatinggabi na at nauupos na ang lakas.
Gayon pa man, mga sumama sa pag-ilaw,
May hapunan pang tinatanaw.
Ganito ina-alaala
Pagyao ni Apo Hosep na sinisinta.
Kanyang iniwang pamana
Gintong nakaukit sa memorya
‘Di makakatkat, ‘di mabubura
Sa habang panahon na.
cttf
Mga Larawan ng Dakilang Kapistahan ni San Jose
(Photos by: Arvin Kim Lopez)
No comments:
Post a Comment