Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Friday, August 26, 2016

PAGNINILAY|REFLECTION: POPE FRANCIS, WE LOVE YOU!!! - Cecille G. Cabigao


   POPE FRANCIS, WE LOVE YOU!!!, POPE FRANCIS, WE LOVE YOU!!!,  ito ang napakasigla at buhay na buhay na isinisigaw ng mga kapwa ko mananampalatayang Katoliko na mapalad na nakasaksi sa ginawang Pastoral Visit ni Pope Francis sa ating bansa noong Enero 15-19 ng taong kasalukuyan. Isa ako sa mga nasa Football Field ng Pontifical University of Santo Tomas noong ika-18 ng Enero sa naganap na Pope’s Encounter with the Youth. Nang dumaan ang Santo Papa sa aming harapan, nakadama ako ng nag-uumapaw na pagmamahal ng Diyos sa akin. Ang isang pangarap na makita nang malapitan si Pope Francis  ay naging isang maliwanag na katuparan at napakalaking biyaya.


Ang kuha ng manunulat sa Santo Papa habang papasok siya ng Pamantasan ng Sto. Tomas, Maynila.
Ang manunulat kasama ang mga Dominican Sisters of St. Joseph (OP-DSSJ) na nangangasiwa sa St. Martin de Porres School System sa Diyosesis ng Malolos sa Pamantasan ng Sto. Tomas noong Papal Encounter with the Youth. 
   Ang tema ng Papal Visit na “Mercy and Compassion” sa aking pagninilay ay isang hamon sa ating mga Pilipino lalo’t higit sa ating mg Katoliko na isabuhay ang tunay na diwa nito. Ibahagi natin sa ating kapwa ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng simpleng pag-alaala at pagtulong sa kanila, ang pagbibigay habag at pansin sa mga taong kung minsan ay nababalewala ng lipunan, ang pagbibigay ng panahon, inspirasyon, kaalaman at pakikisalamuha sa mga aba at dukha. Napakagandang halimbawa rin ng malasakit ang ipinakita ni Pope Francis na sa kabila ng masamang panahon ay hindi siya napigilan na dalawin ang ating mga kababayan na survivor ng bagyong Yolanda. Dito ay aking napagtanto na tunay na walang anumang makahahadlang kung may matibay kang pananalig sa Diyos.



   Nakatawag din sa aking pansin ang masiglang pagngiti ni Pope Francis sa kabila ng pagod. Tunay na ang mga ngiting iyon ay nakapagbibigay ng inspirasyon sa mga taong nahihirapan. Ang kanyang ngiti ay tila ba pagngiti ni Kristo sa atin sa kabila ng mga suliranin at kung minsan ay kawalan ng pag-asa. Para bang nag-aanyaya ito na higit pang mapalapit ang mga Pilipino sa Simbahan, na magkaroon ng mabuting ugnayan ang bawat isa. Ang pagdalaw na ito ng Santo Papa sa ating bansa ay tunay na nagdulot ng malaking biyaya at pag-asa sa atin. Isa ito sa mga naging daan upang higit na mapalalim at mapayabong ang bokasyon ng mga Katoliko. Sa pamamagitan ng kanyang presensya ay naramdaman ng mga Pilipino ang wagas na pag-ibig at kalinga ng Diyos. Nawa ang mga ipinakita ng halimbawa ng Santo Papa, kasama na ang pagiging simple at mababang loob, ay huwag mabura sa ating puso at damadamin sa halip ang mga ito ang maging gabay natin upang ang bawat isa sa atin ay maging tapat at mabuting mananampalataya ng Diyos.

Photo Courtesy: Cecille G. Cabigao | Parokya ng Santiago Apostol, Paombong, Bulacan

No comments:

Post a Comment