RDO. P. ISRAEL ENERO DELA CRUZ CAMARA
Ordinasyon sa Pagkapari
Ika-20 ng Oktubre, 2014
Parokya ni San Miguel Arkanghel
Poblacion South, Sta. Cruz, Zambales
Mga Larawan:
Ika-20 ng Oktubre, 2014
Parokya ni San Miguel Arkanghel
Poblacion South, Sta. Cruz, Zambales
Mga Larawan:
IMBITASYON - Ang opisyal na imbitasyon sa ordinasyon sa pagkapari ni P. Camara. |
PAGPASOK - Ang pagpasok ng mga seminarista at tagapaglingkod sa altar tungo sa sanktuwaryo para sa Banal na Pagdiriwang. |
PAMILYA - Si P. Camara kasama ang kanyang ama at ina. Si Gng. Sebastiana Saguinsin Camara (kaliwa) ang taga-San Sebastian, Hagonoy. |
HOMILYA - Ang naghomilya sa pagdiriwang, ang nagordinang obispo: Lubhang Kgg. Florentino G. Lavaias, D.D. |
PAGTAWAG - Ang pagtayo ni P. Camara sa harap ng obispo para siya ay hirangin bilang ganap na pari ng Simbahan. |
PAGPAPAHID NG LANGIS - Ang paglalagay ng Banal na Langis ng Arsobispo Lavarias sa mga kamay ni P. Camara. |
Pagdiriwang ng Banal na Misa Pasasalamat:
Homilya:
Primera
Misa Solemne: Rdo. P. Israel Enero dela Cruz Camara (San Sebastian)
Ika-29
ng Oktubre, 2014
Pambansang
Dambana at Parokya ni Sta. Ana
Rdo.
Msgr. Enrico Saguinsin Santos, H.P.
Kamag-anak ni P. Camara
Mga minamahal na mga
kapatid na pari, mga kamag-anak, mga kababayan, mga kaibigan, isa
itong napakaligayang araw dahil sa biyayang galing sa Diyos!
Palakpakan natin ang Panginoon!
Ito pong batang pari na
kasama ko ngayon ay anak na pari ng Hagonoy. Muli, nagkaroon tayo ng
anak na pari. At sa aming pamilya, isang napakalaking karangalan na
muli, sa ating lahi, nagkaroon ulit ng bago. Sa pamilya natin ang
huling naging pari ay si Msgr. Angelito Santiago. Marami pa bago siya
kaya isa itong kagalakan. Nakakatuwa nga dahil sa pamilya natin
mayroon tayong mga paring Katoliko. Meron din tayo na pastor na
Protestante! Mukhang makukumpleto pa kung mayroon tayong kamag-anak
na imam sa mga Muslim! Mayroon din tayong mga kamag-anak na madre,
mayroon tayo galing sa RVM (Religious of the Virgin Mary). Kaya naman
ito'y napakalaking biyaya. Sa lahat ng ating mga kamag-anak na pari,
pinagmumulan natin ng inspirasyon ang ating nunong pari, si Rdo. P.
Mariano Saguinsin (San Sebastian). Sa lahat ng mga ito, malaking
bagay na ipinapakita sa atin na napakaraming biyayang ibinigay sa
atin! Palakpakan natin ang Panginoon!
Mga kababayan nakikita
natin na noo'y itong batang ito hindi natin malaman kung may pag-asa
ba na magiging pari! Ang naalala ko noon ay ang Inang (lola) niya ang
nagsabi sa kanya na magpari siya. Kaya nga po tignan ninyo, ang
salita ng nanay ay napakabisa po. Kaya nga po totoo na maraming
nagpapari sa Hagonoy, kasi may mga nanay sasabihin ay: magdoktor ka,
mag-engineer ka, mag-titser ka, mag-pulis ka. Pero dito sa Hagonoy
ang bukang-bibig ng mga nanay kahit saan man ako pumunta dito ay:
pumasok ka seminaryo, magpari ka! Mabuhay po ang mga nanay ng mga
pari! Mabuhay po ang ating mga kapatid na pari!
Kaya nga po marami tayong
pari! Sa pagkakataong ito ako din ay nag-aalala dahil ako'y 40 years,
40 taon na po ako sa ministeryo ng pagkapari! E, matagal din akong
nabuhay pero alam kong pagkatapos ng ilang taon ako'y mamatay na!
Mayroon din tayong mga kamag-anak, kunwari si P. Vicente Vasquez,
maaga ding namatay dahil sa sakit. Kaya naman noong nararamdaman ko
na na nagkakasakit ako, ako'y nag-retire kaagad. At kaya naman
nakakatuwa na itong nakababatang kapatid namin na ito'y naging pari,
may papalit na sa akin! At ang balita ko nga'y napakagaling na pari
nito! Nandito po ang magpapatunay, si P. Noel, siya po ang nag-aalaga
dito kay P. Rael sa kanyang paglilingkod sa Diyosesis ng Iba! Mabuti
at nakarating dito ang mga pari mula sa Zambales! Mabuhay po kayo mga
pari ng Diyosesis ng Iba kung saan kabahagi ninyo si P. Rael! At
maganda ang sinasabi nila sa anak ninyo! Mahilig daw kumain! Hindi,
hindi, ang sabi nila napakamasunurin at napakabuti ni P. Rael!
Maganda iyan at sa pagsisimula mo'y mayroon kang pinanghahawakan,
mayroon kang prinsipyo.
Ang isang magandang malaman
ay bakit nga ba Israel? Bakit siya pinangalanang Israel sa lahat ng
mga pangalan? Baka kasi matulad kay Israel (sa Bibliya, si Jacob) na
nagkaroon ng 12 anak! Hindi, hindi, napagakanda ng pangalang Israel
dahil siya ay isa sa mga Patriarka. Siya ang naging ama ng 12 tribo
ng bayang pinili ng Diyos. Makikita sa Bibiliya na si Israel ang
nakipagbuno, nakipagtunggali noon sa Diyos sa pamamagitan ng anghel.
At iyon ang nakita ko sa buhay mo P. Rael. Tignan ninyo, mukha lang
siyang 24 o 25 anyos, pero si P. Rael ay 37 taong gulang na. Bakit?
Dahil napakarami niyang naging mga pagsubok sa kanyang daan tungo sa
pagkapari. Pero, sa kabila ng lahat, nakita natin na ang nanaig ay
ang biyaya ng Diyos. Malaki ang pasasalamat niya sa Diyos! Palakpakan
natin ang Panginoon! Kay nga noon naaalala ko lubos kaming nagdadasal
na magtagumpay itong si P. Rael para maging isang ganap na pari. Alam
nating napakarami pang mga pagsubok ang darating. Pero kung ikaw ay
may tiwala sa Diyos parang si Jacob (Israel), magtatagumpay ka! Kaya
P. Rael, huwag kang bibitaw sa ating Panginoon!
Kaya samakatuwid, kaya
natin ito ginagawa hindi lang para magdiwang, hindi lang para
magsaya, kundi para ipagdasal natin si P. Rael! Kahit sa mga
nag-aasawa ganyan din, kinakailangan na ipagdasal dahil kahit
ikinasal ka na, mayroon pa ring mga pagsubok at problemang
dumarating. Gayundin naman sa pagpapari, marami ding pagsubok. Pero
mahirap talaga ang buhay may asawa dahil magpapalaki ka pa ng mga
anak, pag-aaralin mo pa sila. Kaya huwag po ninyong iisiping espesyal
ang pari, hindi po. Kaya nga po kapag may nakikita akong mga
mag-asawa, ako ang yumuyuko, bilang paggalang sa inyong mga
paghihirap. Mahirap po talaga ang sakripisyo ng mga magulang sa
pagpapalaki sa mga anak. Kaya naman po sa loob ng pamilya, magdasal
kayo! Magdasal kayo dahil dito lalakas ang mga mag-asawa. Kaya huwag
ninyong sasabihin na espesyal ang pari. Ngunit, kailangan din namin,
kailangan ni P. Rael ng maraming dasal!
Punta naman tayo sa Enero!
Ano ba ang ibig sabihin ng Enero? Ito ang unang buwan ng taon.
Nagmula ito sa pangalang Janus, isang diyos ng mga Griyego na may
dalawang mukha. Para siyang pintuan na may paloob at mayroong
palabas. Kaya P. Rael, kung tutuusin, ikaw dapat ay maging mababa ang
loob. Ito'y dahil para kang si Janus, ikaw ang tagapag-ingat ng
pintuan. Janus, isang portero. Kaya samakatuwid, ikaw ang magsasabi
kung ang mga tao'y makakapasok o hindi sa Kaharian ng Diyos. Kaya
naman kapag ikaw ay tagapangalaga ng pintuan, naglilinis sa gusali
ano ang tawag sa iyo? Janitor. Totoo po iyon, ang janitor po ay
galing po sa salitang Janus, na tagapangalaga ng pinto. Kaya P. Rael,
ipinagdarasal kita, ipinagdarasal ka naming lahat.
Una,
alalahaning po natin ang gampanin naming mga pari. Hindi po kami
yinuyukuan na parang Diyos. Hindi po. Mas maihahambing pa po ninyo
dapat kami sa mga asno, mga hayop na sumsunod. Yung asno po iyon po
ang ginamit ni Hesus papasok sa Herusalem. Ipinagbubunyi Siya ng mga
tao! Hindi sa asno, kundi kay Hesus! Hindi ang pari ang ipinagbubunyi
ng mga tao, kundi si Kristo! Huwag ninyong kinakalimutan. Si Kristo!
Si Kristo ang magiging panata mo! Kung magpapabaya ka, masisira ang
kaban ni Kristo! Totoo po iyan, spoiled
tayong
mga pari. Hindi ba ganyan po ang ginagawa ng marami sa inyo sa aming
mga pari? Kailangan po nating alalahanin ang halaga ng pari: janitor,
lingkod lamang. P. Rael, huwag po papasok sa ulo mo ang pagpapahalaga
mo sa sarili mo dahil pari ka. Alalahanin mo P. Rael, dapat hindi
ikaw ang makita ng mga tao, dapat si Hesus ang makita sa iyo.
Pangalawa P. Rael, huwag na
huwag kang masisilaw (sa pera)! Isang mahirap na bagay sa buhay ng
pari na mapintasan tayo sa tukso ng pera. Sabi ang pari daw ay
mukhang pera. Naalala ko noong ako'y seminarista pa lamang, ang
laging ulam sa aming ay itlog, isdang galunggong, at iyong kanin ay
linalamas ng matanda. Ok lang din naman na maranasan iyon dahil ganun
din ang nangyari kay Hesus. Si Hesus ay naging mahirap din. Si Hesus
simple lang ang buhay. Kaya naman P. Rael, ikaw medyo may kamahalan
din iyang suot mong kasulya. Makikita ng mga tao at masasabi ninyo
na, “ang ganda naman ng suot ni Padre.” Pero dapat ang makita si
Kristo, kasi kadalasan ang nakikita na lang ay ang suot at hindi si
Kristo. Kaya nga po sabi ng Panginoon, huwag gagawing palengke ang
tahanan ng aking Ama. P. Rael, para lamang sa Panginoon ang serbisyo.
Kahit ano pa yan; patay man, binyag o kasal, tanggapin mo. Ok lang
kahit si Padre ay walang pera, basta nakapaglingkod. Una mong piliin
ang mga mahihirap.
Sunod naman po, huwag na
huwag mong pipilitin na masayahan lang ang mga tao. Huwag na huwag
mong ikokompromiso ang laman ng Salita ng Diyos. May mga paring
nakokontento na lamang na sinasabihan na magling silang magsermon.
Mas gugustuhin nilang iwasan ang mga mahahalagang mga usapin, dahil
kontrobersiyal, may isyung mahirap talakayin, atbp. Tukso sa ating
mga pari iyan, ang kagustuhang pasayahin na lamang ang mga tao at
hindi ituro sa kanila ang Salita ng Diyos. Huwag, si Hesus tinalakay
ang mga iyan, hindi Siya natakot na magsalita. Kapag nakita niya ang
kawalan ng katarungan, ipinapahayag Niya ang kalooban ng Diyos.
Alalahanin mo P. Rael, tayo'y asin, tayo'y lebadura. Ikaw ay
kasangkapan ng Diyos! Kasangkapan ka upang mabago ang daigdig. Ikaw
ay martir, ikaw ay saksi ni Kristo. Sana makita tayo ni Kristo at
makita si Kristo sa atin. Kahit ano pa ang sinabi ng mga Pariseo, nga
mga Saduceo at ang mga tao, nanindigan si Hesus. Kaya noong pinalapit
sa kanya ang babaeng nakikiapid, tinanong siya kung babatuhin Niya
dahil sa kasalanan ng babae, binato ba Niya ito? Hindi po. Tulad ng
sinabi ni Papa Francisco, “Sino ako para manghusga?” Lahat tayo
ay mahal ng Diyos! Ito ang Mabuting Balita ng awa at pagmamahal ng
Diyos!
Basta
alalahanin mo P. Rael, patuloy ka naming ipinagdarasal na nawa'y ikaw
ay maging tunay na pari ng Diyos, na makita sa iyong mukha ang mukha
ni Kristo. Ibigay mo sa amin ang biyayang ito ng awa at pagmamahal ng
Diyos! Kaya P. Rael, isang hiling mula sa akin, bigyan mo kami ng
pagpapawalang-sala (absolution).
Alalahanin natin na ang Diyos ay Diyos ng Awa at sinasabi ni Papa
Francisco, hinahawakan niya ang mga maysakit at mga naghihirap. Kaya
naman P. Rael isang biyaya para sa amin na matanggap mula sa iyo ang
general
absolution.
(Ibinigay
ni P. Israel ang General Absolution)
Napakabuti ng Diyos!
Palakpakan natin ang Panginoon!
Pasasalamat:
Rdo.P. Israel Enero dela Cruz Camara
Ika-29
ng Oktubre, 2014
Pambansang
Dambana at Parokya ni Sta. Ana
Magandang umaga po sa
inyong lahat!
Alam niyo po, noong
nagbibigay ng mga paalala ang ating butihing predikador na si Msgr.
Rico, ang sabi niya ay huwag kong kakalimutan. Pero parang bagsak na
ako dahil nakalimutan ko kaagad! Kaya bago ko po gawin ito, nais ko
po sanang magpasalamat kay Msgr. Ranilo Trilana, kay P. Anacleto
Ignacio, maraming salamat po. Sila po ang namumuno sa KAKATHA
(Kapatiran ng Kapariang Taga-Hagonoy, Inc.). Isa po itong
napakagandang gawain, kasama po ng lahat ng mga kabayan ko pong pari
sa KAKATHA, maraming maraming salamat po sa inyong pagpunta dito sa
aking Canta Misa.
Sa mga kapatid ko pong
paring taga-Hagonoy, mga paring naging guro ko, mga pari kong
kaibigan, sa mga kapatid kong pari mula sa Diyosesis ng Iba, maraming
maraming salamat po sa inyong pagtanggap. Kasama po kayo lagi sa
aking mga panalangin. Sa amin po sa aming angkan: si P. Mariano
Saguinsin, si P. Vicente Vasquez, si Msgr. Enrico Santos, si Msgr.
Angelito Santiago, si Msgr. Andres Valera at si P. Edgar Saguinsin,
salamat po. Mayroon din po kaming kamadrehan, nandyan po sila.
Salamat po!
Ilang araw po ang
nakalilipas noong bumalik po ako dito sa Hagonoy. Ako po'y
na-overwhelm sa mga ala-alang naranasan ko: sa pagkabata ko,
sa paglaki ko dito sa pinakamamahal nating bayan. Yung amoy pa lang
ng hangin, pagpasok dito sa Hagonoy, iba na. Ibang iba din kapag
pinagmasdan mo ang araw dito sa Hagonoy, kapag hapon tapos tatama ang
liwanag ng araw dito sa bubong ng simbahan, napakagandang pagmasdan.
Kapag sa umaga naman, napakaganda ng kalangitan, kulay asul. Kapag
nandito sa may patio, mararamdaman mo ang katahimikan, yung presensya
ng ating Panginoon.
Noong ako'y bata pa,
madalas akong dumadaan dito. Si Msgr. Aguinaldo pa po ang ating Kura
Paroko. At ako po'y nakaupo diyan dahil galing po akong Hagonoy
Central School. Yung mga naging guro ko po nandyan pa, gaya po ni
Ma'am Baby Espinosa, ayan po siya. Nandyan din po sina Ma'am Rosie Dy
Tioco, si Ma'am Mimi Fajardo, sila po ang mga kumalinga sa amin.
Naalala ko nga po si Ma'am Rosie Dy Tioco dahil siya po ang unang
nagdala sa akin sa seminaryo. Doon po ako nabigyan ng inspirasyon
para magpari.
Pero babalik po tayo, bakit
ko nga po ba sinasabi ang mga bagay na ito? Kung baga'y ang mga bagay
na ito ay panlabas, na kusang nangyayari. Pero ito ay mga ala-ala na
nagbibigay sa akin ng pag-alala sa aking mga pinagmulan. Ito ang
pananampalatayang aking namana mula sa aking mga ninuno. Ito siguro
ang masasabi nating biyaya na natanggap ng ating matandang bayan. Ang
bayan nating ito ay isang taniman ng bokasyon. Madaming pamilya po
dito ang makakapagsabi na malaking biyaya ang magkapari sa kanilang
pamilya. Siguro po'y dahil ang ating patrona ay ang Butihing Sta.
Ana. Siya din ay taga-hubog ng pinaka-modelo ng pagiging disipulo,
ang minamahal nating Ina, si Santa Maria.
Kaya nga po totoo po ang
sinabi ni Msgr. Rico kanina, malakas po ang kapangyarihang nagmumula
sa ina. At ito po ang pinagmamalaki namin sa aming angkan, na ang
pananampalataya ay ipinapasa mula sa mga magulang tungo sa anak. Kaya
nga po sa aming mga ninuno, sa aming mga lolo't lola, sa aming mga
magulang, sa aming magkakapatid, makikita po namin ito. Noon nga po,
iniikot kami sa lahat ng aming mga kamag-anak, di lamang dito sa
Hagonoy, ngunit pati sa Malolos at sa Guiguinto. Nandyan po ang isa
naming tiyahin, si Tita Norma. Sa lahat pa ng aming mga tiyahin, mga
pamangkin mga apo, salamat po sa inyong pagpunta.
Ito po ang dapat ipagmalaki
ng bayan ng Hagonoy, isang pananampalatayang matatag, isang
pananampalatayang ipinapahayag. Kaya nga po kahit sa hinaharap, may
patuloy na pag-iral ng pananampalatayang ito sa atin bayan sa
pamamagitan ng mga mag-asawa na humaharap sa hamon ng buhay, tulad ng
sinabi ng aking tiyuhin. Kaya sa inyo pong lahat, maraming maraming
salamat po! Pati po ang mga ninang at ninong ko po sa binyag ay
nandyan, maraming salamat po! Salamat po ng pagiging bahagi ng aking
buhay para ako po ay makapaglingkod sa Panginoon! Lagi po kayong
umasa na ang puso ko'y hindi makakalimot at isasama ko po kayo sa
aking mga panalangin.
At syempre po isasama ko po
dahil talagang malayo pa po ang kanilang mga pinanggalingan, ang mga
pinaglilingkuran ko po sa Parokya ni San Miguel Arkanghel sa Sta.
Cruz, Zambales. Sa mga taga-Diyosesis ng Iba, maraming maraming
salamat po!
Sa huli po ay gusto ko pong
pasalamatan ang aking Kura Paroko dito, si Msgr. Luciano Balagras,
kina P. Menald Leonardo at P. Juvenson Alarcon na mga katuwang na
pari dito, sa mga paring naging kaklase at mga naabutan ko pang
seminarista galing sa ICMAS: sina P. Renato Brion, Jr. at P.
Danielito Santos. Sa mga tagahubog ko po noong high school sa
Immaculate Conception School for Boys, si Msgr. Pablo S. Legaspi, Jr.
at sa seminaryo, si P. Jose Emmanuel Adriand Layug. Kay P. Vicente
Lina, salamat po sa pagbibigay ninyo ng pagkakataon dahil alam po
namin na ika-25 anibersaryo ninyo po ngayon bilang pari, salamat po.
At sa buong Sambayanan ng
Diyos dito sa Hagonoy, sa mga tumulong at gumanap para sa pagdiriwang
ngayon. Sa lahat po ng lingkod ng Panginoon, sana patuloy po ninyo
kaming tulungan para kami ring mga pari ay matutong maglingkod nang
may kabanalan at katapatan sa Panginoong ating Diyos. Maraming
salamat po!
Photography and Videography Acknowledgement:
Photo Shoppe Image and Photography | Evangeline Alcantara | Derick L. Fabian
Page 2 of 2
Please press Older Posts for Previous Issues.
No comments:
Post a Comment