Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, March 24, 2012

KULTURA: Sa Karangalan ng Mahal na Señor: Ang Kapistahan ng Sto. Niño sa Hagonoy


Isang kaugalian na ng mga tao dito sa ating bansa ang pagkakaroon ng imahen ng Sto. Niño. Sa mga tahanan ng mga Katoliko madalas makikita na mayroon silang imaheng ito sa kanilang mga mumunting altar. Bakit nga ba nahiligan ng mga tao ang Sto. Niño? Ang Sto. Niño kasi ang imahen ng Panginoon na bata, at noong araw ay mahilig sa mga bata ang mga matatanda. Kaya naman sa kanilang pagka-relihiyoso hindi nila pinalampas ito. Dahil dito ginusto din ng katandaan na magkaroon ng imahen ng Niño Jesus. Tunay nga na dahil ang “kabataan ang pag-asa ng bayan” ani Rizal, naniniwala din ang mga tao na ang Niño Jesus ang kanilang pag-asa: pag-asa na matubos sa kasalanan, pag-asa na maligtas sa kasamaan at pag-asa na mapalapit sa Diyos Ama. Kaya naman ang batang ito ang kanilang liwanag at pag-asa.

Sa Hagonoy mayroong isang visita o kapilya na patron ang Sto. Niño. Pinagpipista ang Sto. Niño tuwing ika-apat na Linggo ng buwan ng Pebrero, ngunit sa ibang pagkakataon nalilipat ito ayon sa pagkakasundo ng mga namamahala sa visita. Tuwing panahon ng kapistahan, dinarayo ito ng napakaraming tao. Dayuhan man o ating mga kababayan, pumupunta rito upang masilayan ang hindi pinalalampas na okasyong ito.

 Sa karangalan ng Mahal na Señor, tumatagal ang kapistahan ng halos isang linggo. Dito isinasagawa ang Kumpilang Bayan sa pangunguna ng Obispo ng Diyosesis ng Malolos, Lubhang Kgg. Jose F. Oliveros, D.D. Sa mga pagkakataong ito, kitang-kita ang pagdami ng tao, pati na din ng mga nagtitinda. Kaya naman tuwing kapistahan, napapasara ang mga daanan sa barrio at ang lahat ay nasa kalsada upang makipiyesta.

Bago sumapit ang pista, mayroon munang siyam na araw ng paghahanda o novenario upang mamintuho sa Señor Sto. Niño. Sa unang araw, sinisimulan ang paghahanda sa pamamagitan ng misa novenario at sinundan ng prusisyon – hudyat ng papalapit na pagdiriwang. Ginaganap sa Puso Mini-Mall sa kabayanan ang taunang Sto. Niño Fiesta Exhibit at sa Vesperas Mayores naman ginaganap ang “pagdadapit” ng Niño Festejado (imahen ng Sto. Niño na prinuprusisyon). Habang ginaganap ang prusisyon, kasama ang lahat ng mga deboto, pati ang hermana o hermano ng kapistahan.

Sa kapistahan sa taong ito, pinasimulan ang novenario sa unang misa na ipinagdiwang ni Rdo. P. Gino Carlo B. Herrera, katuwang na pari ng Pambansang Dambana at Parokya ni Sta. Ana. Matapos ang misa ni P. Herrera, inumpisahan ang prusisyon kung saan inilibot ang Señor Sto. Niño sa lahat ng purok ng barrio. Sa mismong araw naman ng kapistahan maraming pari ang nagmisa upang pangunahan ang mga mananampalataya sa mga pagdiriwang. Noong misa ng ika-siyam ng umaga, pinangunahan muli ang sambayanan ni P. Jesus G. Cruz. Matapos nito, nagmisa naman ang mga paring nakadestino sa parokya na sinundan naman ng prusisyon. Bawat misa noong araw na iyon ay sinundan ng prusisyon, tanda ng matinding debosyon ng mga tao.

Noong hapon, dumating naman ang mga paring anak-Hagonoy upang magmisa. Noong misa ng ika-5 ng hapon, pinangunahan ang mga tao ni Rdo. P. Vicente B. Lina, Jr., Kura Paroko at Rektor ng Pandiyosesis na Dambana ng Mahal na Puso ni Hesus sa San Rafael, Bulakan na tubo sa barrio ng Sto. Niño. Sinundan naman ito ng misa ng isa pang paring anak-Hagonoy, si Rdo. Msgr. Emmanuel V. Suñga noong alas sais medya ng gabi.

Tunay ngang ipinapakita ang taimtim na pagpaparangal sa Niño Jesus sa pamamagitan ng palagiang pagpunta ng mga paring ito. Tunay nga na sa Hagonoy, iba’t iba at marami ang ginagawa para sa karangalan ng Mahal na Señor.

Mga Makukulay na Imahen ng Sto. Niño (Sto. Niño Exhibit)
(Mga Larawan mula kay: Arvin Kim M. Lopez)

Ilan sa mga napakamaamong mukha ng mga Niño na makikita sa pagdaraos ng pagdiriwang ng kapistahan. (Itaas) ang ilan sa mga imahen ng batang Hesus na makikita sa exhibit na ginanap sa Puso Mini-Mall. (Ibaba) Ilan sa mga imaheng isinama sa prusisyon noong araw ng kapistahan. 
Ang Sto. Niño sa loob ng visita ang siyang tanda ng lakas at lalim ng Kristyanismo sa bansa. Ang mga stained glass sa paligid ay hango sa pagsasalarawan ng pagbibigay ng imahen sa mga pinuno ng isla ng Cebu ng conquistador na si Ferdinand Magellan.
Ang Vesperas Mayores at and unang misa ng pagdiriwang ay naganap sa pangunguna ni Rdo. P. Jesus G. Cruz (nakatalikod) na siyang Paring Tagatulong ng Parokya at Pambansang Dambana ni Sta. Ana na nakasasakop sa visita.

 
Habang palapit ng palapit ang pagdiriwang (itaas) hanggang sa pagsapit nito (ibaba), napupuno ang visita ng Sto. Niño ng mga mananampalataya na dumarayo mula sa iba't ibang lugar sa Hagonoy at mula pa sa iba't ibang bayan.



Page 1 of 3
Please press Older Posts for the 2nd and 3rd Pages

No comments:

Post a Comment