Enero 01, 2012 - Ipinagdiwang ng mga taga-Malayak (sinaunang tawag sa barrio ng Sagrada Familia, Hagonoy) ang isang banal na araw para sa kanilang pinipintakasing mga patron, ang Banal na Mag-anak o mas kilala bilang Sagrada Familia. Isang espesyal na araw ito para sa kanila kung kaya't nag-alay sila ng pasasalamat, pagpupugay at mga panalangin. Ang lahat ay abala, nagahahanda at nilalagyan ng palamuting banderitas ang siguradong daraanan ng karosa ng Banal na Mag-anak.
Ang mga kabataan ay abala sa paghahanda para sa isang munting palatuntunang kakalahukan ng mga manganganta, mananayaw at mga natatanging magagandang dilag ng barangay. Matapos ang pagbukang- liwayway noong araw na iyon, sinisimulan ng mga taga-Malayak ang kanilang umaga sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Matapos ang unang misa, maghihintay ang iba para sa ikalawa. Magdaratingan ang mga taong-baryo upang magpasalamat sa mga biyayang ipinagkakaloob at sa patuloy na paggabay sa kanila ng Banal na Mag-anak. Sinundan ito ng banal na prusisyon na katatampukan ng mga deboto, mga abay, kapitan at kapitana, ang hermano, banda ng mosiko at ang karo ng Banal na Mag-anak.
Masaya ang mag-hapon na puno ng pagpapala mula sa langit. Ang pagdating ng mga tao sa bisita ay walang humpay. Ang lahat ay abala sa pagtanggap ng kani-kaniyang mga bisita sa kanilang mga tahanan. Bago matapos ang maghapon o mag agaw ang liwanag sa dilim, ilalabas muli sa bisita ang karosa para sa isa muling prusisyon. Magsasayawan ang lahat sa patio at sisindihan ang makukulay na pailaw. Matapos ang prusisyon isasagawa ang ilang araw , mga gabing pinag-puyatan at pinag-paguran na palatuntunan ng mga kabataan ng barangay. Isang araw ang natapos na puno ng pag-papala, hihintayin ng mga taga malayak ang buwan ng Abril upang isagawa muli ang ganitong pagdiriwang.
Ang kapistahan naman tuwing Abril ng Banal na Mag-anak sa Sagrada, Hagonoy ay ipinagdiriwang tuwing ikalawang taon.
No comments:
Post a Comment