Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, March 24, 2012

FEATURE ARTICLE: Ang Mananampalatayang Hagonoeño sa Pagdiriwang ng Dakilang Jubileo


Jubileo – nangangahulugang “sumigaw” o “sumigaw sa galak” ayon sa pagkakahango sa salitang Griyego na “iobelaios” at sa salitang Latin na “jubilo.” Ito ang katawagang madalas nating marinig sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng ating diyosesis. Nadidikit ito sa napakaraming bagay o pangyayari na may kaugnayan sa pagdiriwang: Jubilee Year, Jubilee Door, Jubilee Retablo, Jubilee Primer, Jubilee Day, Jubilee Homes, atbp. Ngunit ano ba talaga ang Jubileo? Ano ba ang halaga sa atin ng Jubileo bilang mga mananampalataya ng bayan at bikarya ng Hagonoy? Tingnan natin ang mga bagay na ito upang mas maunawaan natin ang saysay ng pagdiriwang at kung ano ang mga inaasahang mangyari dito na may kinalaman sa bayan at bikarya ng Hagonoy. Itinatangkilik na ilang impormasyon sa akdang ito ay mula sa katesismo ng Jubilee Primer ng ating diyosesis.

Ang Ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Diyosesis ng Malolos

Si Papa Beato Juan XXIII (1958 - 1963) ang unang
nagudyok para sa mga reporma sa pamamagitan
ng pagbukas ng Ikalawang Konsilyo Batikano na
sinimulan mula 1962 hanggang 1965. Sa kanyang
kapanahunan, maraming diyosesis ang nabuo at
nahati mula sa kanilang mga arkidiyosesis.
      Itinatag ang Diyosesis ng Malolos noong ika-11 ng Marso, 1962, 50 taon na ang nakalilipas ni Papa Juan XXIII (1958–1963) sa kautusang pinamagatang Christi Fidelum (Pananampalataya ni Kristo). Hiniwalay ang lalawigan ng Bulakan at ang lungsod ng Valenzuela mula sa Arkidiyosesis ng Maynila upang makabuo ng panibagong Diyosesis. Nagdaan na ang Diyosesis na ito sa napakahabang panahon at noong 1987 ipinagdiwang sa kapanahunan ni Lubhang Kgg. Cirilo R. Almario, Jr., D.D. (1977 – 1995) ang ika-25 anibersaryo ng Diyosesis. Ginanap noon ang Unang Sinodo ng Diyosesis kung saan nagkaisa ang sambayanan ng Diyos – mga pari, relihiyoso at relihiyosa at mga layko – upang makabuo ng mga batas para sa lokal na Simbahan. Gayundin naman, matapos ang dalawampu’t limang taon, magkakaroon muli ng panibagong sinodo upang mabalik-tanawan ang nakaraan para sa ikagaganda ng kinabukasan ng Diyosesis.

Ang Kinalaman ng Hagonoy sa Dakilang Jubileo

     Bilang nasasakupan ng Diyosesis ng Malolos, bahagi ang sambayanan ng Diyos sa Hagonoy sa pagdiriwang bilang nagkakaiisang Simbahan. Malaki ang naging bahagi ng bayan at bikarya ng Hagonoy simula pa lamang noong paghahanda para sa Jubileo. Ito at iba pang mga pangyayari sa mga nasabing lugar ang ating iisa-isahin sa artikulong ito.

Ang Limang Taong Paghahanda: Mga Itinampok na Lugar at Pook ng Peregrinasyon

Alam ng marami na simula pa lamang noong taong 2007, ihinanda na ang Diyosesis para sa pagdiriwang ng Dakilang Jubileo. Sinimulan ito sa pagkakaroon ng mga tema sa bawat taon. Ayon sa katesismo ng Jubilee Primer: “Kaalinsabay rin nito ang pagtakda ng mga Simbahan para sa peregrinasyon ng sambayanan sa diyosesis upang mapaigting ang paghahandang espiritwal ng mga mananampalataya.” Bawat taon ng paghahanda, mayroong mga simbahan o dambanang pinili upang maging pook ng peregrinasyon ng mga mananampalataya.

    Unang Taon ng Paghahanda: Dambanang Pangkasaysayan ng Meyto at Bisita ng Birheng Presentacion, Panducot, Calumpit


Ang Calumpit Historial Shrine sa Meyto, Calumpit ay tanda ng bantayog na itinatag ng mga prayleng Agustino sa Bulakan na naging tahanan ng maraming mananampalatayang Katoliko. (Source: kervin.multiply.com)
          Ipinagdiwang ang unang taon ng paghahanda noong 2007 na may temang Salita ng Diyos, Salita ng Buhay, Taon ng Bibiliya. Dito pinarangalan ang mga simulain ng Diyosesis bilang sambayanan ng Diyos. Dito binigyang-pansin ang kasaysayan ng Kristiyanismo sa lalawigan ng Bulakan lalo na noong panahon ng mga Kastila. Dito itinampok ang dalawang lugar na bagamat mahahanap sa Calumpit ay sakop ng Bikarya ni Sta. Ana ng Hagunoy: ang dambanang pangkasaysayan ng Meyto at ang bisita ng Birheng Presentacion sa Panducot. Sa Meyto unang tumungo ang mga prayleng Agustino noong 1572 upang ipalaganap ang Kristyanismo sa Bulakan. Doon nila itinayo sa tabing-ilog ang krus na tanda ng pagdating ng kaligtasang buhat kay Kristo sa lugar. Ang kasalukuyang dambana sa nasabing lugar ang tanda ng pananampalatayang Katoliko sa ating lalawigan – isang monumento ng di-nagmamaliw na pananalig sa Diyos. Sa Panducot naman unang nagkaroon ng misa at simbahan sa kasaysayan ng Kristyanismo sa Bulakan. Ayon sa pananaliksik ni Rdo. P. Rafael D. Balite, Jr., pintakasi ng kapilyang ito ang Birheng Presentacion na itinuturing na unang patrona sa lalawigan ng Bulakan noong dumating ang mga Kastila. Parehas na sakop ng Parokya ni San Jose Manggagawa sa San Jose, Calumpit ang mga pook na ito.

    Ikalawang Taon ng Paghahanda: Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario, Sto. Rosario, Hagonoy, Bulakan.


Makikita sa kalendaryo ng Diyosesis ng Malolos para sa taong 2010 ang simbahan ng Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario sa Sto. Rosario, Hagonoy. Bagong gawa ang nasabing simbahan na ikinonsagra noong taong 2009 dahil sa pagpapabagong ginawa sa simbahan.
          Noong taong 2008 naman ipinagdiwang ang ikalawang taon ng paghahanda na may temang Si Maria, ang huwaran ng isang masiglang sambayanan na pinapatnubayan ng Espiritu Santo, Taon ni Maria. Naging tampok sa taong ito ang mga simbahang pumaparangal sa Mahal na Birhen bilang paggunita sa taong nakalaan para sa kanya. Kaya naman sa kapanahunan ni Rdo. P. Vicente B. Lina, Jr. bilang Kura Paroko, naging pook ng peregrinasyon ang Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario sa  Sto. Rosario, Hagonoy, Bulakan. Itinatag noong 1952 ang parokyang ito na unang parokyang nakatalaga sa pamamatnubay ng Mahal na Birhen sa bayan ng Hagonoy. Bukod dito, luklukan din ito ng matandang imahen ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario na madalas iprusisyon at isakay sa pagoda tuwing nobenaryo at kapistahan. Tuwing ikalawang Linggo ng Oktubre ipinagdiriwang ang kapistahan ng parokya kung kailan pinaparangalan ang Mahal na Birhen kasama ng mga santong Dominiko.

    Ika-apat na Taong ng Paghahanda: Parokya ni San Antonio de Padua, Iba, Hagonoy, Bulakan


Ang Parokya ni San Antonio de Padua naman ang sumunod na naging pook ng peregrinasyon para sa taong 2010, Taon para sa mga Relihiyoso at Relihiyosa. Si San Antonio ay nagsilbing mabuting ehemplo para sa kabanalan ng mga Kristyano. At sa taong iyon hinihiling ang pagtulad ng mga mananampalataya sa mga santong katulad niya.
      Taong 2010 naman naganap ang ika-apat na taon ng paghahanda na may temang Sa pamamagitan ng pag-asa at pagtitiwala, tayo ay naligtas kay Kristo bilang sambayanan, Taon ni Hesu-Kristo, Taon para sa mga Relihiyoso at Relihiyosa. Dito pinarangalan ang mga pook na may patrong relihiyoso at relihiyosa: mga halimbawa para sa kabanalan ng sambayanan. Sa pagkakataong ito naging pook ng peregrinasyon ang Parokya ni San Antonio de Padua sa Iba, Hagonoy sa kapanahunan ni Rdo. P. Prospero V. Tenorio bilang Kura Paroko. Si San Antonio ay isang Pransiskanong pari na nabuhay sa pagpaparangal sa Panginoong Jesukristo. Ginamit niya ang kanyang angking galing ng pangangaral upang dakilain ang Panginoon at turuan ang mga mananampalataya ng kabutihan. Bilang isang sambayanan, itinuturo sa atin ng mga halimbawa ng mga relihiyoso at relihiyosa ang tawag ng bawat Kristiyano: ang daan tungo sa kabanalan.

  Ika-limang Taong ng Paghahanda: Parokya ni Sta. Elena Emperatris, Sta. Elena, Hagonoy, Bulakan


Si Sta. Elena Emperatris ang ina ni Konstantino, ehemplo para sa mga karaniwang layko na naglilingkod para sa ikabubuti ng simbahan. Ito ang imaheng ipinapakita ng santa, kaya't iginawad sa parokya niya ang pagiging pook ng peregrinasyon para sa Taon para sa mga Layko at Kabataan 2011.(Kaliwa) Ang larawan ni Apo Elena sa poster na bigay ng Diyosesis ng Malolos para sa mga pook ng peregrinasyon para sa taong iyon. (Kanan) Ang dekreto mula sa Obispo ng Malolos na kung saan nakasaad ang pagiging pook ng peregrinasyon ng simbahan ni Sta. Elena Emperatris.
          Ang ika-limang taon naman na ginanap noong 2011 ang may temang Sa pagbubuo ng napapanahong Sambayanan na may pananampalataya, ang Pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo (Roma 5:5).Taon ng Espiritu Santo, Taon para sa mga Layko at Kabataan. Dito pinarangalan ang mga pook na may patrong nagsisimbolo sa mga laykong nag-alay ng kanilang sarili para sa luwalhati ng kataas-taasang Diyos. Sa pagkakataong ito naging pook ng peregrinasyon ang Parokya ni Sta. Elena Emperatris sa Sta. Elena, Hagonoy sa kapanahunan ni Rdo. P. Edmar A. Estrella bilang Kura Paroko. Ang Sta. Elena ng Hagonoy ang kaisa-isang parokya sa kanyang ngalan sa buong Diyosesis. Sa kasaysayan makikita na si Sta. Elena ang ina ng Emperador Konstantino na nagpatupad sa pagiging opisyal na relihiyon ng Kristiyanismo sa Imperyong Romano. Siya ang nagpursiging tumulong para sa pagpapanatili ng mga banal na lugar sa Banal na Lupain (Holy Land). Siya din ang nakadiskubre sa totoong krus ni Kristo na siyang dahilan kung bakit makikita na mayroon siyang kasamang krus sa gawing likuran o kaya naman ay hawak-hawak niya. Tanda si Sta. Elena ng mga laykong puno ng pananamapalataya at kabutihang–loob na hiling ng sambayanan upang maging isang napapanahong sambayanan.

  Pambansang Dambana ni Sta. Ana: Diocesan Jubilee Church


       Sa pagdiriwang ng Bikarya ng Hagonoy, nagmula sa iba't ibang lugar sa Malolos ang bawat parokya patungo sa Katedral at Basilika Minore. Ipinasok si Apo Ana at Niña Maria upang makasama ang pinaparangalang Virgen de Inmaculada Concepcion de Malolos. Sa pambikaryang pagdiriwang ng Banal na Misa nanguna si Rdo. Msgr. Luciano C. Balagtas, Bikaryo Episkopal ng Kanlurang Distrito ng diyosesis at Kura Paroko at Rektor ng Pambansang Dambana ni Sta. Ana. Nangaral naman si Rdo. P. Quirico L. Cruz, Tagapamahala ng Parokya ng Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario. Sa larawan ng mga pari ng bikarya, kasama ang mga sumusunod: Rdo. P .Gino Carlo Herrera (Katuwang na Pari, NSSA) na naglingkod bilang Master of Ceremonies, Rdo. P. Candido D. Pobre, Jr. (San Juan), Rdo. P. Quirico L. Cruz (Sto. Rosario), Rdo. P. Prospero V. Tenorio (Iba), Rdo. Msgr. Luciano C. Balagtas (NSSA), Rdo. P. Paul Samuel M. Suñga (INLS) at Rdo. P. Reynaldo V. Rivera (San Jose, Calumpit), Bikaryo Poraneo. (Photos by: Arvin Kim Lopez)
Sa ginaganap na ika-50 anibersaryo ng Diyosesis ngayong taong 2012, malugod na itinatampok ang iba’t ibang mga dambanang pambansa at pandiyosesis sa ating nasasakupan. Sa Kanlurang Distrito, kasama ang simbahan ni Sta. Ana sa Hagonoy bilang isa sa mga natatanging Diocesan Jubilee Church o pook ng peregrinasyon para sa pagdiriwang ng Dakilang Jubileo. Isang malaking karangalan ang pagiging Jubilee Church ng inang parokya ni Sta. Ana dala ng yaman nito pagdating sa kasaysayan at sa mga mananampalataya. Sa nagdaang nobenaryo para sa pagdiriwang, nagmisa ang mga pari ng Bikarya ni Sta. Ana ng Hagonoy sa ating Katedral-Baslika Minore noong ika-3 ng Marso. Pinangunahan ito ng Bikaryo Episkopal ng Kanlurang Distrito ng ating diyosesis, Rdo. Msgr. Luciano C. Balagtas. Ang nangaral naman para sa pagdiriwang ay si Rdo. P. Quirico L. Cruz, Tagapamahala ng Parokya ng Nuestra Señora del Santissimo Rosario. Ang tema para sa araw na iyon ay "Halina't ihanda ang ating puso at kalooban at pakinggan ang tawag ng Jubileo na muling balikan at pasalamatan ang mga pari, relihiyoso at laiko ng nagtanim ng buti ng pananampalataya sa Diyosesis ng Malolos." Sadyang naaakma ang tema para sa araw na iyon sa outreach program na ibinigay para sa Bikarya ni Sta. Ana, ang pagpapaunlad ng debosyong Katoliko.

At noong mismong araw ng ika-50 anibersaryo, pinakamahalaga sa lahat ng araw para sa dambana sa pagdiriwang, ang pagbubukas ng ihinandang Jubilee Door sa kanang gilid ng simbahan ni Sta. Ana upang pasukan ng mga mananampalataya.  Pinangunahan ito ng Bikaryo Heneral ng Diyosesis ng Malolos na tubong-San Jose, Hagonoy, Rdo. Msgr. Andres S. Valera, H.P. Tanda ito ng makabagong panahon, na kung saan pinasukan muli ng panibagong hangin ang loob ng Simbahan upang magbigay ng bagong pag-unawa para sa mga mananampalataya ng ating sambayanan. Magtatagal ng isang taon ang pagiging pook ng peregrinasyon ng ating pambansang dambana at ang mga makakakumpleto ng pagbisita sa 11 na simbahan ng peregrinasyon ay makakakuha ng mga indulhensya.


Noong ika-11 ng Marso, araw ng ika-50 anibersaryo ng diyosesis, pinasinayaan ang kanang pintuan ng Pambansang Dambana ni Sta. Ana bilang pintuan ng Jubileo at idineklara ang simbahan bilang pook ng peregrinasyon. Pinagunahan ang pagdiriwang ni Rdo. Msgr. Andres S. Valera, H.P., Bikaryo Heneral ng diyosesis na ipinadala ni Obispo Oliveros upang buksan ang pintuan ng Jubileo. Kasama niya upang manguna sa pagdiriwang sina Rdo. P. Gino Carlo Herrera, Katuwang na Pari at Rdo. P. Rodrigo Samson, Paring Taga-tulong.  (Photos by: Arvin Kim Lopez)
Mga Magaganap pa para sa Hagonoy: Jubilee Day for the Elderly

        Ano pa ang gaganapin sa Hagonoy sa loob ng taon na ito ng Dakilang Jubileo? Sa bawat buwan, inihanda ng pamunuan ng ating diyosesis na magkaroon ng nakatakdang araw para sa bawat miyembro o sektor ng mga mananampalataya ng ating Simbahang lokal. Sa Hagonoy naman nakatakdang gawin ang tinatawag na Jubilee Day for the Elderly.  Ito ay isang araw na kung saan paparangalan ng ating diyosesis ang mga nakatatanda nating mga kapatid sa pananampalataya.

     Naaayon ang pagdiriwang na ito sa dalawang pagkakataon sa ating bayan: 1.) nakatakda ang araw na ito sa ika-28 ng Hulyo, buwan ng pagdiriwang ng kapistahan ni Sta. Ana sa Hagonoy na gaganapin naman sa ika-26; at 2.) pinaparangalan ang katandaan kasama ng pamamatnubay ni Sta. Ana, ina ng Birheng Maria at Lola ni Hesu-Kristo bilang pintakasi ng katandaan. Kaya naman, lubos na hinihintay at pinaghahandaan ang natatanging pagdiriwang na ito.

     Maasahang patuloy na magiging maganda ang ating pag-alala, ang ating paggunita para sa pagdiriwang na ito na malapit sa aitng mga puso at tanda ng kasaysayan para sa ating sambayanan: ang Dakilang Jubileo ng Diyosesis ng Malolos.


No comments:

Post a Comment