Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos

Parishes of the Vicariate of St. Anne, Roman Catholic Diocese of Malolos
These are the parishes of the Vicariate of St. Anne (Hagonoy, Calumpit and Paombong in Bulacan)

Saturday, March 24, 2012

BAYANG LEVITICO: Isang Pagkilala sa mga Paring Anak-Hagonoy (2012, 1st Quarter)


Ano ba ang Bayang Levitico?

          Ang Bayang Levitico: Isang Pagkilala sa mga Paring Anak-Hagonoy ay isang natatanging bahagi ng pahayagang ito na naglalayon na magbigay ng panig para sa mga paring anak-Hagonoy. Gusto nitong bigyang-pansin ang natatanging pamanang kalinangan ng Simbahan na nagmula sa bokasyon ng mga paring anak-Hagonoy na naging dahilan kung bakit tinawag ang bayan ng Hagonoy bilang Bayang Levitico.

          Bawat quarter magbibigay ng tuon ang bawat bahagi ukol sa buhay ng apat (4) na mga pari. Sila ay mga totoong Catholic Hagonoeño na nabuhay, tinawag at nahubog upang sundan ang mga yapak ni Kristo sa pagiging pari para sa Simbahan. Dito lubos nating tuklasin ang ganda at biyaya ng buhay-pari sa pagbabahagi ng ating mga kababayang inordenahan sa pagkapari ni Kristo. 

Mga Paring Anak-Hagonoy 
Vol. I., Issue 1., March 2012


Rdo. Msgr. Sabino Azurin Vengco, Jr., H.P.
San Jose, Hagonoy

Rdo. Msgr. Andres Santos Valera, H.P.
San Jose, Hagonoy

Rdo. P. Paul Samuel Manansala Suñga
San Pascual, Hagonoy

Rdo. P. Elmer Roque Ignacio
Tampok, Hagonoy

Rdo. Msgr. Sabino Azurin Vengco, Jr., H.P.


Ano o anu-ano po ang nakaimpluwensya sa inyo upang magpari?

Ang nakaimpluwensya sa akin upang maging pari ay una, ang paglaki ko sa Hagonoy kung saan kapwa nakaapekto ang pamilya at ang kapiligiran upang mamulat sa akin ang buhay ng pagsampalataya sa Diyos. Ganoon na lamang kasidhi ang pananampalataya na nakabighani sa akin dahil noon ang gusto ko lang naman ay maging aktibo sa Simbahan.

Naalala ko nga ang isa sa mga tiyahin ko noon ang nag-aayos para sa Flores de Mayo at sa pag-aalay ng mga bulaklak sa Mahal na Birhen araw-araw, palagi akong nag-aalay. Pagkaraan noon, sumunod na ang pagiging lingkod ko sa altar noong lumaki ako.

Kasama na din dito ang mga debosyon, lalo na noong ako’y naging deboto ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo. Magkasama pa kami noon ng isa kong kapwa seminarista na taga-San Jose, si Ben Faundo at palagi kaming nagdarasal ng nobena sa Simbahan tuwing Miyerkules. Itong debosyon na ito ay isa sa mga lubos na nakahulma sa aking pagpaparangal sa Mahal na Birheng Maria na aking ina.

Sikat ang bayan ng Hagunoy sa pagi-
ging mga deboto sa Mahal na Ina
ng Laging Saklolo. Isa itong natatanging
patrona para kay Msgr. Vengco dahil
 sa pagdarasal ng nobena sa kanya
tuwing araw ng Miyerkules. Kilala si
Msgr. Vengco bilang isa sa mga aw-
toridad ukol sa debosyon sa Mahal
na Birhen sa bansa, kaya mahalaga ang
pagkilala na ang Ina ng Laging Saklolo
ang isa sa kanyang unang naging ginili-
wang imahen ni Maria. 
Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?

Sa aking pamilya naman, isa sa mga nagmulat sa akin sa pananampalataya ang pagdarasal namin araw-araw ng Santo Rosaryo. Iyon ay walang paltos, basta tuwing hapon, bago mag-ika-anim ng gabi lahat ay dapat nasa bahay, nagrorosaryo at halinhinan sa pamumuno.  Iyong aming natutunan sa aking pamilya at tubo rin ng pagtuturo sa amin ng mga madre ng Religious of the Virgin Mary (RVM) ang nakapukaw sa akin sa debosyon sa Mahal na Birheng Maria. Yung paghuhubog na iyon sa amin upang maging mga mananampalatayang Katoliko ang nakatulong sa akin upang mas umunlad ang bokasyon ko sa pagpapari.


Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa pagpapari?

Maraming seminarista noon sa Hagonoy at nakakatuwa noon dahil magkakasama kami noong mga panahong iyon. Lalo na sa baryo namin sa San Jose, anim kami noon. Nagsimula kaming anim lahat-lahat noon sa seminaryo minor, at umabot kaming lahat hanggang ordenasyon. At yon ay sa San Jose pa lamang, marami pa noon mula sa iba pang mga baryo ng Hagonoy. Kaya naman tuwing bakasyon noon nagkikita-kita kami kasama pa ng mga paring anak-Hagonoy na nauna sa amin tulad na lamang nina Msgr. Benedicto at nagsasalamuha kami. Sa kanila kami nakakakuha ng inspirasyon at ito rin ang nagpalakas ng loob namin sa tagal ng panahon ng paghahanda.


Hanggang sa kasalukuyan, nakatutuwa ang pagmamahal ni
Msgr. Sabino Vengco para sa bayan ng Hagunoy. Sa kan-
yang ministeryo, palaging niyang inaalala ang halaga ng
bayang kinalakhan. Kaya naman naging mahalaga sa
kanya ang pangangalaga sa mga kapwa pari at sa mga
layko na nangangailangan ng tulong ng Simbahan.
Makikita naman kung paano natin pinagsumikapang mapanatili ang pag-alala sa mga paring anak-Hagonoy sa pamamagitan ng Libingang Bantayog kung saan nakatala ang mga pangalan di lamang ng mga namayapa kundi pati na rin ng mga buhay pang pari. Kasama na dito ang pagbanggit ng pamilya ng ina sa kadahilanang malaki ang naging gampanin noon ng mga ina sa paghubog sa pagiging relihiyoso ng mga anak na nagpari. Sa katunayan, sa personal kong karanasan, ang pagtataguyod ng aking bokasyon sa pagpapari ay nagmula sa ina dahil maagang namayapa ang aking ama. Kaya naman mahalaga ang paghuhubog na ito ng pamilya at ng parokya para sa pagpapalakas ng bokasyon.

Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa pagpapari?

Para sa mga namamahala at mga nagpapakapagod sa pahayagang ito, sana mapanatili ninyo ang pagmamahal sa bayan. Nasa likuran dapat ng pahayagang ito ang pagnanais na sundin ang kalooban ng Diyos: kalooban ng Diyos na ang bayang iyong sinilangan ay iyong itangi at igalang at kalooban ng Diyos at katungkulan na mahalin ang bayan lalo na bilang mananampalataya na naglilingkod para sa bayan. At mahalaga dito ang pagbibigay ng impormasyon, ang pagbibigay ng kaalaman sa mga nagaganap upang mas lalo nating maunawaan, kung ano ba itong mga pagpapala ng Diyos sa atin dito sa bayan ng Hagonoy. At lubos dito ang mga biyayang dapat nating kilalanin at dapat din nating ipakilala sa iba lalo na sa kabataan upang ang pananampalataya ng lahat ay tumingkad, sumigla at maging mabunga.


Mga Lugar na Nadestino at Ministeryo:


Dekano at Tagapamahala ng Disiplina

Seminaryo ng Inmaculada Concepcion (Minor)

Tabe, Guiguinto, Bulakan

(1966 - 1969)


Vicarius Cooperator
Parokya ni San Agustin ng Hippo
Baliwag, Bulakan
(1966 - 1969)

Katuwang na Pari
Parokya ni Sta. Ana
Olewig, Trier, Germany
(1969 - 1974)


Dekano ng Pag-aaral at Tagapamahala ng Disiplina
Royal and Conciliar San Carlos Seminary
Graduate School of Theology
Guadalupe, Makati City
(1978 - 1985)

Vicarius Cooperator
 Parokya ni Sto. Niño 
Tondo, Manila

(1974 - 1995)





Dekano ng Pag-aaral at Tagapamahala ng Disiplina
Seminaryo Mayor ng Inmaculada Concepcion
Graduate School of Theology
Tabe, Guiguinto, Bulakan
(1986 - 1996)


Vicarius Cooperator

 Parokya ng Pagpapanganak ng Mahal na Ina
Marikina City

(1996 - 2000)




Vicarius Cooperator

 Parokya ng Birhen ng Liwanag
Cainta, Rizal

(2000 - 2006)




Vicarius Cooperator

 Parokya ng Birhen ng Liwanag
Cainta, Rizal

(2000 - 2006)



Founder and Chairman 

Kadiwa sa Pagkapari Foundation, Inc.
Marienheim Center, Beverly Hills Subdivision, Antipolo City
Unit 915, Union Square, One Condominium, 145
15th Avenue, Cubao 1109 Quezon City

(1993 - Present)



Rdo. Msgr. Andres Santos Valera, H.P.


Ano o anu-ano po ang nakaimpluwensya sa inyo upang magpari?

Noong araw maraming pari ang pumupunta sa bahay namin sapagkat maraming kaibigang pari ang lola ko. Kaya naman nasanay na ako nang maraming pari. Pangalawa, noong bata ako, na-recruit ako ng isa sa mga madre ng Religious of the Virgin Mary (RVM) upang maging altar server, si Sr. Virginia Taran na guro namin. Sa katunayan sa mga naging altar server ni Sr. Virginia, pito kaming naging pari. Madalas kaming dinadala noon ni Sr. Virginia sa Christ the King Mission Seminary sa Quezon City na hawak ng kongregasyong Society of the Divine Word (SVD) dahil mayroon siya doong kapatid na pari. Ipinakita sa amin noon palagi ang seminaryo na nakahikayat din naman sa akin upang maging pari.

Pagkatapos sa kabayanan ng Hagonoy palaging ipinapakita at itinuturo sa amin ng mga matatanda ang mga tahanan ng mga paring nauna sa amin. Itinuturo sa amin na sa paligid ng Simbahan ni Sta. Ana nakapalibot ang mga tahanan ni Padre Ingco, ni P. Tirso (Tomacruz), ni Msgr. Suñga, atbp.


Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?

Naabutan ko pa noon na sa pamilya namin palaging nag-oorasyon tuwing gabi. Pagdating ng alas sais kailangan lahat nasa bahay at magdadasal ng orasyon. Tapos magpapaalam ka kung gusto mong maglaro tuwing kabilugan ng buwan, basta nagdasal ka ng orasyon ng alas sais. Pangalawa naman bago mag alas otso o alas otso, lumuluhod ang lahat para magdasal ng rosaryo kasama ang buong sambahayan.

Bukod dito naranasan ko din ang tradisyon ng Flores de Mayo, na siguro sa kabataang isip tinawag na “Flores Tinapay” kasi lahat ng nag-aalay ay may libreng tinapay. Pero maraming batang nag-aalay dahil doon at unti-unti ay nahubog ang debosyon sa Mahal na Birhen.

Tapos noong kami ay nasa eskwelahan, marami sa amin ng mga kamag-aral ko ay naging miyembro ng Legion of Mary. Sa Legion of Mary bibigyan ka noon ng  atas na gawain na linisin ang simbahan, magdasal para sa mga kaluluwa sa purgatoryo, dumalaw sa Santissimo Sacramento at pagkatapos iuulat mo yon. At dito sa tingin ko ay nahuhubog ang pagnanais sa paglilingkod. Lalo na pagsisimba araw-araw. At ito din ay atas na gawain sa Legion of Mary. Kasama din dito ang pagtuturo sa akin ng tamang pagdarasal ng mga madre dahil galing ako sa paaralang Katoliko.

Isa si Msgr. Valera sa mga mahahalagang tagapamahala
sa kaparian at sa pangangasiwa ng diyosesis bilang Bikaryo
Heneral, ang posisyon ng paring humahalili sa obispo ng
diyosesis tuwing umaalis ito. Siya din ang rektor ng Semi-
naryo Mayor ng Inmaculada Concepcion sa Guiguinto,
ang punlaan ng bokasyon sa pagpapari ng diyosesis. 
Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa pagpapari?

Una noo’y maraming seminarista sa Hagonoy at ang pagkakaroon ng samahan ng mga seminarista ay nagpapalakas noon sa aming bokasyon. Tapos ang Kura Paroko naman noon na si Msgr. Aguinaldo, sapagkat siya ay Proto Notario (isang antas ng pagiging monsignor na halos katulad na rin sa obispo kung saan maaari magsuot ang pari ng mitra at pectoral cross) hinihiling kami na maglingkod sa mga pagdiriwang. Ginabayan din kami noon ng Parochial Vicar noon lalo na si P. Albert Suatengco na madalas magpapakain sa amin at nag-aaruga sa amin, at sinasamahan pa kami noon sa pansitan.

Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa pagpapari?

Tatlong bagay. Una ipanalangin na dumami ang mga pari at madre. Pangalawa, hikayatin ang mga bata. Kasi ngayon sasabihin ng magulang sa iyo na “mag-doktor ka”, o “mag-chef ka” o “mag-sailor” ka. Pero tila na ang nagsasabi na “magpari ka”, “mag-madre ka”. Pangatlo, tumulong kayo sa mga nag-aaral sa seminaryo. Kasi hindi madali ang pag-aaral sa seminaryo, mahabang paraan iyan. Sa katunayan nga, aaminin ko kung hindi dahil sa mga iniwan ni P. Tirso Tomacruz na taga-Hagonoy din, bihira ang mga kababayan natin na tumutulong para sa seminaryo. Ito’y kailangan, mahalaga ang pagsuporta sa mga seminarista para sila ay maging pari. Kaya tatlong bagay iyon: 1.) manalangin, 2.) humikayat at 3.) tumulong.

Rdo. P. Paul Samuel Manansala Suñga


Ano o anu-ano po ang nakaimpluwensya sa inyo upang magpari?

Una sa lahat ay ang mga sakramento, lalo na sa pagsisimba tuwing araw ng Linggo. Lubos akong naimpluwensyahan noon ng Kura ko na magmisa. Simula nga noong ako ay ma-interview ng mga pari at noong ako’y pumasok na sa seminaryo, palagi kong sinasabi, “Gusto kong magmisa.” Sabi ko noon “Bakit ko gustong maging pari? Kasi gusto kong magmisa.” Yung misteryo ng misa ang nakabighani sa akin, kaya naman noong altar server ako, naglilingkod ako sa mga sakramento: sa mga binyag, sa mga kasal, sa mga misa ng patay at sa mga pagdiriwang tuwing Linggo. Ang mga ito’y isang napakalaking inspirasyon sa akin lalo na ang pagmamahal sa misa. Ito’y dahil noong bata kami, inoobliga kaming magsimba. Wala akong naaalalang pagkakataon na nakalagpas ako ng misa noong elementarya pa lamang ako.

Isa pang nakaimpluwensya sa akin ay ang pagkakasali ko sa glee club. At saka naririnig ko noong kumakanta ang aking Kura Paroko sa pagdiriwang ng misa. Kadalasan nga ay sinasabayan ko ang pari tuwing kumakanta, kaya naman nagkaroon din ako ng inspirasyon mula sa paring kumakanta tuwing misa. Doon ko naintindihan na “Liturgical music is singing the mass, not singing in the mass.” Yun siguro ang “first love” ko sa pagpapari, at tuwing naglilingkod, palagi kong sinasabi: “Always say yes, never say no.” At yun ang dinala ko palagi noong pumasok ako sa seminaryo.

Ang Banal na Mag-anak ay tunay na isa
sa mga mahahalagang halimbawa lalo
na sa isang pamilya. Ang pagbuo ng isang
pamilyang sambayanan ang naging misyon
ni P. Sammy sa kanyang pagkapari.
Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?

Kung maituturing na tradisyon, ang misa ang masasabi kong unang nakapagpaunlad sa aking bokasyon. Sapagkat para sa akin, ang tradisyon ay ang “salita ng Diyos na isinalin sa salita ng bibig.” Hindi talaga siya mga kaugalian, kundi mga turo ni Hesus na kung saan sa araw ng Linggo o ng pamamahinga, mas marami kang magagawa para sa Kanya sa paglilingkod.

Pangalawa dito ay ang pagdarasal ng pamilya, na nagsisilbing inspirasyon sa paggawa ng kabutihan. Dala ito ng turo sa amin palagi tungkol sa pamilya sa mga salita ni Fr. Patrick Peyton ng Family Rosary Crusade: “The family  that prays together, stays together.” Palagi kami noong nagdarasal sa harapan ng altar matapos kumain sa gabi at simpleng mga dasal lamang ang itinuro sa akin ng Tatay. Sa pamilya kasi namin, ang tatay ko (ipinanganak siya sa San Pascual, Hagonoy) ang nagmulat sa akin sa pananampalataya. Noong bata ako, simple lang dinadasal namin: isang Ama Namin, isang Aba Ginoong Maria at isang Luwalhati. Pagkatapos pa noon ay may sandaling katahimikan para sa iba pang mga intensyon at para sa pagninilay.

Mahalaga ang pagkakaroon ng pagdarasal sa pamilya. Naaalala ko nga, mula kasi noong kami ay nasa Hagonoy hanggang sa Pampanga, ang nakikita ko sa altar namin ay ang imahen ng Banal na Pamilya. Kaya ito na rin ay naging isa sa mga natatanging debosyon namin at tuwing may mga okasyon, nagdarasal kami ng banal na rosaryo.

Noong bata din ako’y nangungumpisal na kami, dinadala kami ni Tatay sa simbahan upang pumila sa kumpisalan. Kung tutuusin ay hindi naman pawang mga katekista ang mga magulang ko. Si Tatay nga, siya yung tipo ng tao na tahimik, ngunit gumagawa. Kaya gayon na lang kami pinalaki, at nagbigay ito ng lubos na inspirasyon sa akin.

Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa pagpapari?

Ang mga taga-Hagonoy ay mga debosyonal na mga tao, sa mga prusisyon at sa mga patron. Ang palagay ko ay iyon ang  isang umakit at nagpalawak sa kung ano yung halaga at kasasayan sa kanilang mga ginagawa. Nagsilbi rin itong hamon sa akin, sapagkat mayroon mga gawaing relihiyoso na kung tutuusin ay panatisismo lamang. Kaya naman naging hamon talaga sa akin na ipaliwanag at ipatupad ang mga alituntunin lalo na sa mga prusisyon, sa mga pista at sa mga Mahal na Araw na galing naman sa diyosesis at ginawang dekreto dito sa parokya. Kaya para sa akin, nagsilbi itong isang hamon na maging propeta, na magpaliwanag sa kanila. Ito naman kasi kung baga’y maihahandog ko sa mga taga-Hagonoy. Ito yung pagpapaliwanag sa mga tradisyon na pawang lumiliko na o nagiging panatisismo na lamang at pagtuto nila upang sundin ang mga alituntunin ng Simbahan. Isa ring bagay na naging hamon sa akin ay ang pagpapaliwanag tungkol sa iba’t ibang mga pamahiin na hindi naman talaga bunga ng tradisyon. Kaya naman iyon ang isang bagay na nagpapaalala sa akin tungkol sa mga taga-Hagonoy. Ang naging halaga para sa akin ng pagiging Kura Paroko dito ay “Huwag kang tumigil sa pangangaral – Never stop preaching” at maggabay sa kanila.

Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa pagpapari?

Una ay ang halaga ng pahayagang ito na aking nakikita sa halaga ng pakikipanayam na ito sa akin. Ugali ko kasi ang pakikipag-usap sa mga matatandang pari at makakakuha ka talaga ng karunungan mula sa kanila. Matututunan mo rin sa mga salita ng pari sa ganitong mga pakikipanayam na may mga mali din na dapat ninyong itama. At meron namang mga bagay na tama na dapat ninyong tularan. Ito’y naging simpleng aral sa akin: “Sundin mo ang tama, iwaksi mo ang mali.” At magaganap ang pagtatama sa pamamagitan ng ugnayan, communication. Kaya naman mahalaga ang pakikipagugnayan sa mga pari.

Ikalawa, ang pagdarasal din ay isang uri ng ugnayan o komunikasyon. Ito ay pagdarasal na kung saan nagkakaroon ng pagpapalalim na kung saan napaghahalo ang mga halaga at mga turo ng ating Panginoong Hesus. Makakatulong nang lubos ang pahayagang ito upang mas humalo sa pag-unawa ng mga mambabasa at mga tumatangkilik sa inyo ang mga pagninilay at iba’t ibang mga pagpapalalim ng pananampalataya.

Ikatlo, huwag kayong titigil sa pagsasaliksik at pag-aaral. Dahil dito ay maraming maituturo at maliliwanagan ang Espiritu Santo. Hindi sapat yung kapag pagkatapos mong maging pari ay hindi na ako magbabasa. Naniniwala ako na ang pahayagang ito ay magsisilbing isang pagmumulan ng kaalaman para sa mga mananampalataya. Kaya naman, huwag ninyong ititigil ang pahyagang ito.  

Rdo. P. Elmer Roque Ignacio



Ano o anu-ano po ang nakaimpluwensya sa inyo upang magpari?

Aaminin ko na sa katunayan, hindi ganoon kaganda ang istorya ng aking bokasyon. Ito’y sapagkat lumaki ako sa bokasyon sa pagpapari nang hindi nakakakuha ng inspirasyon sa paring aking pinaglingkuran sa parokya. Noong bata pa ako nakatira kami sa Paco, Obando. Mula sa Marikina ang tatay ko at mula naman sa Tampok sa Hagonoy ang nanay ko. Sa pamilya namin, kung tutuusin, si Tatay ang relihiyoso dahil aktibo siya sa simbahan doon sa Marikina at madalas kami sumasama sa mga prusisyon. Si nanay naman hindi ko naranasan bilang ganoong ka-aktibo ngunit palagi siya o si Tatay ang nangunguna sa kung baga’y “Saturday Rosary” na naging gawain na sa aming pamilya.

Bukod doon, nakaimpluwensya sa akin ang mga katekista ng Paco dahil masigasig silang manghikayat na nakatulong sa aking bokasyon. Kahit hindi naman naramdaman noon ang inspirasyong dala ng pari sa amin, pumasok pa rin ako sa seminaryo at ngayon ay pari na.

Ano o anu-ano pong mga pampamilyang tradisyon o tradisyunal na debosyon ang nakatulong upang mas umunlad ang inyong bokasyon?

Dito sa tingin ko mapapasok ang Hagonoy sa istorya ng aking bokasyon. Dahil ito sa gawain namin bilang pamilya na umuwi sa Tampok sa Hagonoy tuwing Mahal na Araw. Sikat ang Hagonoy sa mga gawaing tulad ng prusisyon at penitensya na ginagawa tuwing Semana Santa. Kaya naman nakakatuwa din na napakalalim ng pananampalataya ng mga taga-roon sa amin. Gayundin naman tuwing Undas na kung kailan dumadalo kami sa Hagonoy upang bisitahin ang mga yumao ng aking ina. Sadyang napakalaki ng epekto ng mga gawaing ito bagamat hindi ako ganoon kadalas sa bayang pinagmulan ng nanay ko.

Ang prusisyon tuwing Mahal na Araw sa
Parokya ni San Juan Bautista ay isa sa mga
magagandang makikita sa bahagi na ito ng
Hagonoy bawat taon. Lubos na pinapaha-
lagahan ng mga mananampalataya ang
pag-alala sa pagpapakasakit, pagkamatay
at muling pagkabuhay ng ating Panginoong
Hesu-Kristo.
Ano po ba ang naitulong ng inyong pinagmulang parokya (para sa mga lumaki sa Hagonoy) o komunidad sa Hagonoy (para sa mga sandali lang nanatili sa Hagonoy) sa pagpapalakas ng inyong pagnanais para sa paglilingkod sa pagpapari?

Lumaki ako sa parokya ng Paco kaya naman siguro nakasanayan ko ang tao doon. Sakop ng Parokya ni San Juan Bautista ang Tampok sa Hagonoy, ngunit sa kasamaang palad hindi ko naranasan ang komunidad doon. Sa pagsasama ko sa mga katekista sa amin at sa pagtuturo nila sa akin, mas umunlad ang aking bokasyon. Sa katunayan hindi naman talaga gusto ng pamilya ko na magpari ako. Ngunit naordenahan ako sa lagay na iyon tinanggap ng mga kaanak ko ang ginawa kong desisyon sa paglilingkod sa ating Panginoon.

Ano pong mensahe ang nais ninyong ibigay sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito upang mas yumabong ang bokasyong Katoliko lalo na sa pagpapari?

Dalawa lamang ang maibibigay kong mensahe para sa mga tumatangkilik sa pahayagang ito. Una, ipagdasal ang mga pari at seminarista dahil sila ang kinabukasan ng ministeryo ng paglilingkod sa Simbahan at kailangan natin ngayon ng mga pari. Pangalawa, hikayatin ang mga kabataang lalaki upang pumasok sa seminaryo. Maganda para sa mga magulang na dapat hinihikayat nila ang kanilang mga anak para sa buhay ng paglilingkod. Dahil na rin ito sa pangangailangan upang may sumunod sa mga pari para umunlad ang Sambayanan ng Diyos.


Mga Parokyang Nadestino:



Katuwang na Pari

Parokya ng Nuestra Señora dela Asuncion

Poblacion, Bulakan, Bulakan
(Hunyo 1990 - Marso 1993)



Bisitang Pari
Parokya ng Inmaculada Concepcion - Katedral
Poblacion, Malolos City
(Marso 1993 - Mayo 1993)

Tagapamahala ng Disiplina
Seminaryo Mayor ng Inmaculada Concepcion
Graduate School of Theology
Tabe, Guiguinto, Bulakan
(Hunyo 1993 - Agosto 1994 | Hunyo 1996 - Oktubre 2002)

Kura Paroko
Parokya ng Nuestra Señora del Carmen
Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulakan
(Nobyembre 2002 - Kasalukuyan)




Page 2 of 3
Please press Older Posts for the 3rd Page.

No comments:

Post a Comment