Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: VIRGO POTENS (Birheng Makapangyayari)

Nuestra Señora de Gracia y Amparo
G. Ronald M. Santos
Virgo Potens
Birheng Makapangyarihan , “Virgo Potens,” ang pamagat, at “Omnipotentia Supplex” ang taguring nararapat; kaya ngani sa isipan Kayo’y aking nasisinag sa “Larawang nakatayo’t itong mundo’y Inyong hawak;” parang Kayo’y nagdarasal, . . . mata’y naka-paitaas, na animo’y sumasamong “taong aba ay iligtas;” sa Inyo pong pagdalangin Kayo’y walang kasing-lakas at lahat ng hilinh Ninyo’y makakamtang walang liwag.

---o0o---

Batayan ng lakas niya’y ang Anak sa Kanyang bisig na Mesiyas nating lahat at Maygawa ng daigdig; papaano’y itong Jesus na kalong sa Kanyang dibdib ay di-kayang makatanggi sa daing ng Inang ibig ; itong Anak ay anak na kinalanga’t tinangkilik, pano naming tatanggihan itong Ina na nagsakit? Siya’y Ina na nagpuyat, nagpakain at nagtiis, kaya Siya’y Birheng Inang ang lakas ay hanggang Langit.

---o0o---

Di ka dapat na magtakang “Malakas ang Birheng hirang, na Ina ng Diyos nating ang lakas ay walang hanggan; kinatulong Siyang Inang “iligtas sa kaalipnan” itong taong naging bihag ni Santanas na pusakal; kinatulong sa paghango ng tao sa kasawian, na gawaing kailanga’y ”lakas at kapangyarihan”; at ang “misyon” Niyang ito na pagbaka sa kaaway at patuloy hanggang merong tao ditong nabubuhay.

---o0o---

Bilang Ina ng Maykapal at sa mundo’y bunying Reyna, may lakas ang Birhen natin sa kinapal na lahat na; kahit na bundok na matayog at dagat mang malawak pa, kaya Niyang mailipat sa “lakas na kayang dala”; bituin man sa itaas at ang araw na maganda, kaya Niyang paglaruan tulad doon sa Fatima; ang lahat ng sang-nilalang na likha ng Diyos Ama, kaya Niyang pagalawin sa lakas na iwi Niya.

---o0o---


VIRGO POTENS, lakas Niya sa kasalan ay nasubok, nuong yaong handing alak sa inuman ay naubos; upang Kanyang pairugan itong Inang maalindog, di-pa oras,napilitang . . . mag-milagro yaring Jesus; sukat lamang na hiniling sa Anak na iniirog at ang hiling ay para bang malakas na naging utos; sumunod ang Sintang Anak at ang tubig na sinalok, naging alak na mistulang sa “bisita’y” nakalugod.

---o0o---

Ang dahon ng kasaysayan ng Simbahang Katoliko ay puno ng katibayan ng “lakas ng Birheng ito;” kahit bagay na mahirap na di-kaya nitong tao, nagagawa nitong Birhen na asa mo ay milagro; Siya’y lagging nakahandang tumulong sa abang mundo at sa lahat na may nais dumulog sa birheng ito; papaano’y Ina Siyang takbuhan ng madlang tao, na pagasa ng balanang nababalot ng siphayo.

---o0o---

Kung kayo ay natatakot at sampu ng kaibigan ay lumayo’t tila kayo’y tinapon na sa lipunan; kung ang inyong hinaharap ay may ulap na karimlan at tila ba masasawi sa takbo ng inyong buahy: sa Birhen kong ubod-lakas kayo sana’y manambitan, iyaadya kayong lahat sa salot ng kasawian; Itong Birheng VIRGO POTENS ay lakas ng Kalakasan, ang Hukbo man ni Satanas susupilin Niyang tunay!

No comments:

Post a Comment