Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: VIRGO PRAEDICANDA (Birheng dapat Ipabantog)

Mater Ecclesiae
G. Kim Pimentel
Virgo Praedicanda
Ang BIRHEN kong MAKALANGIT na lipos ng kabunyian,
sa apat nitong mundo'y dapat ipangaral;
Siya'y VIRGO PRAEDICANDA, at sa buong daigdigan
ang dakilang Puri Niya'y nararapat na isigaw;
sa altar na dalanginan Siya'y dapat na itanghal
at purihin sa pulpito't ipagdiwang sa Simbahan;
bawa't tao, bawa't nayon, bawa't bansa, bawa't bayan,
kailangang itong Birhe'y ipagbantog at igalang!

---o0o---

Kaya ngayon ay nagkalat sa palibot ng daigdig
ang Simbahang di mabilang na handog sa Birheng ibig;
ang altar sa Birheng Ina sa simbaha'y itinirik
at larawang magagara ang sa Kanya'y inihawig;
bawat buwan ay may pistang “pagdiriwang na marikit
na sa Kanyang karangala'y pabubunying ubod-tamis;”
dinadasal ang Rosaryo, kalmen Niya'y nasa-dibdib
at medalyang dala-dala ay sagisag ng pag-ibig.

---o0o---

Papaano itong Birhe'y pinagyaman ni Bathala,
binalot ng karangalang di-malirip at dakila;
kaya dapat ipabantog... ipagbunyian sa madla
itong Birheng tuwa't aliw sa libis ng dusa't luha;
pagkat bawat pagpupuri sa Birhen kong masanghaya
ay papuri't pagbubunyi sa Anak na kanyang mutya;
ang debosyon sa Birhen kong pintuho ng laksa-laksa
ay laging kinalulugdan ni Jesus na natutuwa.

---o0o---

Ang pagalang na ganito at hayagang pagbubunyi
ay sangayon sa katwira't pananalig nitong budhi;
sa lahat ng mga bansa ay palasak na ugali
na ang Birheng Ina nati'y dakilain nang palagi;
ang Simbahang siyang Inang “nagtuturong walang-mali”
Birheng dapat Ipagbantog” kung sa Birhe'y magtaguri;
Siya rin ang humalang “lahat daw ng mga lipi,
Mapalad na tatawagin siyang Ina na napili.”

---o0o---

Ang PAGSAMBA'Y pamahayag ng Pananampalataya
sa Dios nating Panginoong kataastaasang Ama;
hinihayag ang tiwalang “merong hindi nakikita
na daigdig na di-abot ng mahinang mga mata;”
para manding isang sumbat sa maraming taong iba,
na akala itong mundo'y paraiso at langit na;
ang pagsamba'y nagmumulat “tayo'y dapat kumilala
sa Maykapal at sa buhay sa kabilang walang hanggan.”

---o0o---

Ang pagalang at pintuhong hayagan sa mga Banal
ay PAGSAMBA ng Sakilang Panginoon at Maykapal;
pagkat silang mga SANTO kaya lamang naging banal
ay dahilan sa biyayang kay Bathala ay nakamtan;
sila'y taong tulad nating may buto at lupang-laman,
may hilig ding masasama at may tuksong kinalaban;
ngunit sila ay bayaning... kasalana'y tinalikdan
sa tulong ng Panginoong inibig na walang hanggan.

---o0o---

Kung “sila” ay pintuhuin at sundan ang mga yapak
ay Diyos ang sinasamba't tuwiran kong nililiyag;
kaya nga sa pag-dakila sa Birhen kong mapamihag,
Diyos nating iniibig ang bantog na sumisikat;
kaya tuwing ibabantog itong Birheng sakdal dilag,
nababantog ANG PAGIBIG sa kanya sa Diyos Anak;
ang PAGIBIG ng Diyos Ama sa “anak na Birheng tapat”
at ng Espritu Santo sa Esposang mabusilak.

---o0o---

Sa Banal na Paghahandog sa altar ng Santa Misa,
lalo tayong buong dingal sa Maygawa'y sumasamba;
Misa'y handog natin sa Dios, ngunit ito kay Maria
ay tampok ng pagl'walhati't pagdarangal na masaya;
Kanyang Anak na sa Misa ay ang “Pari at biktima,”
kaya naman ang Birheng ko'y kaugnay sa pagmimisa;
kaya tuwing sa dambana'y merong Paring Nagmimisa,
binabantog natin doon itong ATING BIRHENG INA!

No comments:

Post a Comment