Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: VIRGO PRUDENTISSIMA (Birheng Kapahampahaman)

Virgo Prudentissima
G. Ranzil Cabigao
Virgo Prudentissima
Sa naputong na korona sa noo mong pinagpal,
Pagka-BIRHEN ninyo'y tampok at makislap ninyong tala;
Kayo'y Birheng ubod-paham at pantas na madakila,
matalinong sing-talino ng Langit na mahiwaga;
di tulad ng limang birhen na hangal ng “talinhaga,”
ni langis ay walang dala sa ilaw na inihanda;
BIRHENG KAPAHAM-PAHAM, idalangin kaming lubha,
sa Puso Mo'y kalingain at limusan nang andukha!

---o0o---

Ang Ina kong matalino'y Birheng Kapaham-paham,
inihain ang sariling parang “tanglaw na ilawan;”
Birhen siyang matalinong “sa Esposo'y naghihintay”
at ang langis niyang baon sa lahat ay nakalaan;
kaya siya'y kinalugdan nitong “ESPOSONG” Maykapal
at hinirang niyang “pugad” nang sa “tao'y napakasal;”
kapahaman Niyang iwi'y makalangit nama't banal,
sa trono ng kalangita'y patnubay na umaakay.

---o0o---

Ang “wagas na kapahaman” ay ang tumpak na pagawa
nang bagay na siyang angkop magkamit ng ating nasa;
kapahaman na binyagan ang dito sa aking paksa,
na “una sa kabaitang” napupuspos ng biyaya;
sa lahat ng kabanalang sa mundo ay nadambana,
ito'y laging kaakibat na tampok ng ating diwa;
kaya naman sa Birhen kong ubod-banal at dakila,
KAPAHAMA'Y nagni-ningning na animo'y isang tala.

---o0o---

Ang talino Niyang banal na “sulo ng karunungan”,
makikitang namumukod sa “hanap na huling pakay;”
ang wika ng Santong sulat “sa lahat ng gawa't bagay,
ang palaging gunitai'y “huling layon nitong buhay;”
kahangalan ang anumang balakid sa “huling pakay,”
na “atin pong kabanala't kaligtasang walang hanggan;”
KAHANGALAN ang ipalit sa Ligayang Walang-Hanggan
ang ligayang kisap-mata ng balighong kamunduhan!

---o0o---


Ang pag-ibig sa Maykapal at wagas na paglilingkod,
ang lihim ng kaligtasang dapat nating isaloob;
kaya lahat ng nilalang ay dapat na itaguyod
upang kamtan ang layuning bigay nitong Poong Diyos;
bawat bagay na kinapal ay gamitin sa pagsunod
sa Banal na kalooban, sa Banal na mga Utos;
sa lalang na mga bagay lalong kilalanin ang Diyos,
umibig na taus-puso at sa kanya ay maglingkod!

---o0o---


Itong Birheng Ina nati'y BIRHENG KAPAHAMPAHAMAN,
mangunyapit tayo ngayon at sa kanya'y manimbulan;
patulong na masawata ang baluktot na katwiran
at lunurin ang simbuyo ng hilig sa kasamaan;
tulad niya'y manalanging walang sawa't walang humpay,
tulad Niya'y magtiwala sa Banal na Kalooban
at ang TINIG NITONG BIRHEN lagi nating pakinggan!

2 comments:

  1. Ngayon ko Lang nakita ang napakagandang Tula na ito, makalipas kulang isang taon...
    Salamat sanay muling makapasyal ang aming Birheng Kapahampahaman.. salamat

    ReplyDelete
  2. I hope makapg exhibit ulit ako sa Hagonoy ready na ulit ang Birhen kapahampahaman🥰

    ReplyDelete