Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: MATER SALVATORIS (Ina ng Mapagadya)

Nuestra Señora de Salvacion
G. Virgilio Bautista
Mater Salvatoris
Sa yungib na dukhang-dukha sa libis ng munting Bayan,
isang SANGGOL na lalake'y mahiwagang isinilang;
sa dilim ng hating-gabi ang anghel ng Kalangitan
ay nanaog at umawit na animo'y nagdiriwang;
sumikat ang isang TALANG pambihirang namamasdan
at sa BATA ang sumamba'y mga pastol, Hari't bayan;
yaong SANGGOL ay si Jesus, Mesiyas ng santinakpan
at ang INA'Y SI MARIA, ang BABAENG matimtiman.

---o0o---

Itong taong nagsuwali... sa sarili'y di na kaya,
na bumangon sa lusak ng masaklap na pagdurusa;
kaya't itong Diyos anak ay sinugo nitong Ama,
upang tayo ay hanguin sa lusak ng mga sala,”
Siya'y JESUS MANANAKOP at maningning na pag-asa,
lalagot sa tanikala ng aliping nagkasala;
yaon po ang KALIGTASANG dahilan ng pagsasaya
sa PAGSILANG ng MESIYAS na Anak ng Birheng Maria.

---o0o---

Ang kaalipinang likha ng sala ng unang tao
ay mapait na pamana sa palad ng buong mundo;
naparam ang katuwang naghari sa paraiso
at kumalat ang karimiang sa tao ay naging multo;
naging sawi at alipin ni Satansa itong tao,
walang laya, api, hamak... poot, lumubay ang natamo;
nang sa Belen itong INA ay nagluwal sa kay Kristo,
ang ligaya'y walang maliw na sa mundo'y nanagano.

---o0o---

Nang matubos ang daigdig... nanauli ang pag-ibig,
nagkasundo itong tao at ang Diyos na tinikis;
nanumbalik ang nawalang matimyas ng pagtangkilik
at inampong anak tayong magmamana niyong langit;
yaong salang dahilan ng kasawiang anong pait,
natabunan ng biyayang sa Kalbaryo ay nakamit;
sa lahat ng gawang ito na hiwaga ng pag-ibig,
ang INA NG MANANAKOP ay kasama bawat saglit.

---o0o---

O INA NG MANANAKOP, - ito'y daigdig na bituin
sa koronang nakaputong sa dangal mo, Inang Birhen!
pagkat Siya'y Inang tunay, sa pagtubos na gawain,
sapin-saping pagtitiis ang binatang buong giliw;
masasabing siyang INA ay kahati ng tiisin,
ng Anak ng nakabaayubay sa krus ng dusa't lagim;
sa apdo ng paghihirap Siya mandin ay tumikim,
pagkat siya'y Inang unay na may pusong masintahin.

---o0o---

Ang dangal na pagka-Ina ni Jesus na Manunubos
tinumbasan ng tiisin nitong Inang maalindog;
luha, dusa, hirap, lungkot, saklap, pait at himutok
sa buhay ng Birheng Ina'y kinalong sa kanyang loob;
may ngiti at maligayang ang lahat ay inihandog
upang itong mga tao sa sala lang ay masakop;
mulang Belen hanggang oon sa ituktok niyong bundok,
itong Ina ay kasama nitong Anak na si Jesus
---o0o---


Sa tiniis nitong Ina at ng Anak na sumakop,
yaong diwang misyonero'y ikintal sa ating loob;
dapat tayong magsumakit, sa kapuwa ay maglingkod,
at tumulong na akiting umibig sa Poong Diyos;
sa Ina ng Mananakop tayong lagi ay dumulog
at tangkilik Niya'y laging sa ating ay itutustos;
O Ina kong mapamihag, kami'y nagbabalikloob,
Iligtas po ninyo kami sa panganib na tibuhos.

No comments:

Post a Comment