Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: STELLA MATUTINA (Talang Maliwanag)

Nuestra Señora delas Estrellas
Heart Cayanan

Stella Matutina

Isang TALA SA UMAGA ang katulad nitong Birhen, na sa langit asa mo ba’y kumukurap na bituin; kung masdan mo’y parang parol sa taas ng panginorin, may sinag na nagtuturo sa landas na dapat sundin; SIYA’Y TALA SA UMAGA na may kinang na maningning, may kislap ang kabanalang huwaran ng buhay natin: sa dagat ay tag-akay sa pasigang aahunin at sa lupa’y sanggunian nitong taong alanganin.

---o0o---

Itong TALA SA UMAGA ay buntalang mahiwaga, walang angkin sa sarili na liwanag na magara; ang liwanag niyang iwi ay sa ARAW nagmumula at ito ay nadadama sa pisngi n gating mutya; gayundin po itong BIRHENG Ina nating mutyang-mutya, ANG ARAW NG KABANALA’Y ANAK NIYA PALIBHASA, kaya Siya’y Inang labis pinagkislap sa biyaya, inangkapan ng silahis na biyayang masanghaya.

---o0o---

Ang Tala kong tinutukoy ay sa ARAW umiikot at sa atas nitong araw gumagalaw, umiinog; ganyan din ang BIRHENG INA na ang buhay Niya’t kilos ay sunod sa kalooban at hangarin nitong Diyos; Niya, nasa’t wika, ang damdamin Niya’t loob, sa ARAW NG KABANALAN umiikot na umirog; l’walhati ng Maykapal ang nais na maitampok, sa lahat ng gawa Niya “ang lahat ay para sa Dios!”
---o0o---
Tabala ng katubusan itong Tala sa Umaga ang banaag ng liwayway na sa mundo’y bumubuka; langit ng Lumang Tipan ay Tala ang Birheng Maria, ng Babae na yumurak sa “ahas ng mga sala”; ang sa Belen ay sumikat ang ARAW nga ng pagasa, ng gabi ay naging araw ng PAGSAKOP na MASAYA: ng Araw ng Katubusan sa atin ay sumikat na, 
tayo’y ating nalalasap ang bunga ng mga grasya!

---o0o---

Sagisag ng kaligtasan at buhay na walang hanggan Itong TALA SA UMAGANG naakyat sa kalangitan; sa kabila ng libingan may buhay na walang-humpay at doon ay may korona ang kawal na nagtagumpay; ang aliping naging tapat sa Diyos ng kabanalan, magkakamit ng pabuya sa ginawang katapatan; naroroon ang tahanan ng pamilya ng Maykapal, na ang Hari ay si Kristo’t ang Reyna ay Birheng mahal.

---o0o---

Ang liwanag at ang sinag nitong Tala sa Umaga, kailangan sa pagpawi nang dilim ng mga sala; sa ningning ng kanyang asal na bituin ang kapara, ang tunay na kahulugan ng buhay ay mababasa; at katulad nitong Birhen, bawat isang kaluluwa, ay sulo ng kabanalan ang dapat na ipakita; dapat niyang pangningningngin ang ugali ni Maria sa ugali niya’t gawa na sa tao’y pawing bunga.

---o0o---

Pagmamasdan nating lagi itong Talang nagniningning na sa tao’y nagyayayang “sa langit ay suma-piling”; sa wakas n gating buhay ay ipukol ang paningin, sa buhay na walang hanggang doo’y Reyna itong Birhen; dumulog ka’t tumingala sa makislap na bituin at ang tuwa’t kasiyahan sa kanya ay lalasapin: O Stella Matutina, O Tala kong Inang Birhen, akayin Mo itong mundo sa matuwid na landasin.

No comments:

Post a Comment