Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: SPECULUM IUSTITIAE (Salamin ng Katuwiran)

Salamin ng Katuwiran
Bb. Heart Cayanan
Speculum Iustitiae
Ang Birhen kong Paraluma’y nilapatan ng sagisag, nang ang iwing kagitinga’y lalo nating mabanaag; sa salamaning bubog siya ngayo’y kusang itinulad, salamin ng katarungang mahiwaga sa pang-malas; sapagkat sa Kanyang buhay ay ating ma-aanag-ag ang banal na pagaasal at ugaling gintong payak; Speculum Justitiae ang Dakila nating Dilag, sa Kanya ay aninuhin ang marikit Niyang hiyas.

---o0o---

Sa dahon ng Santong Sulat “katarunga’y kabanalan at matimyas na pagsunod sa Banal na Kautusan;” ang Utos ng Ating Diyos kung tawagin nami’y “ilaw” at liwanag na sa tao’y parang sulong tumatanglaw; bawat tao’y isa naming katulad ng salamain daw at sa kanya’y nararapat masinag ang kabanalan; sa ganitong pagtuturing ang Birhen tang Inang Mahal sa salaaming sakdal kinang ng Pagibig sa Maykapal.

---o0o---

Bawat wikang sa labi ng Birheng Ina’y namutawi ay wika ng katamisang sa Dios lamang naghahari; sa kilos ng Birhen nating sakdal hinhin at mayumi, kalinisan ng Maykapal ang pilit na nabubunyi; ang linis ng pamumuhay at ang ganda ng ugali ay sinag ng kabanalang sa Birhen ay namayani; kaya’t yaong katarungang tampok nitong Kristong Hari, ang asa mo’y sa Salamin sa Birhen ta’y masusuri.

---o0o---

Sa buhay n gating Ina ay pilit mababakas sa wagas na kabanalan ng Maykapal nating liyag; kaya tayo’y tumingala sa banal po niyang sinag, nang ang puso sa pagibig sa Dios natin ay magalab; bawat tao ay salaaming dapat magsabog ng sinag na mistulang kabaita’t kabanalang maliwanag; sa ganitong yaong dilim mahahawing mga ulap sa Kristong hari natin ang sa mundo ay sisikat.

---o0o---

Bawat saglit tayo sana kay Maria’y manalamin at bakasin ang ugalung nararapat na taglayin; sa kanya pong halimbawa’y bakas Niya’y taluntunin at kay Jesus na kandungan ang tiyak sa sasapitin; ang katwiran ni Maria ang palagi nating sundin at si Jesus na Bathala ang maligayang kakamtin; kaya tayo ay tumawag sa Dakila nating Birhen at ang Kanyang kabanala’y pagmasdan at salaminin.

No comments:

Post a Comment