Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: SEDES SAPIENTIAE (Luklukan ng Karunungan)

Sedes Sapientiae
G. Jorge Allan Tengco
Sedes Sapientiae
Kung tapunan ko nang pansin ang Birhen minamahal, iba’t-iba ang sagisag na sa kanya’y nakikintal; narong Siya at tawaging “Luklukan ng Karunungan” na paksa ng aking Tulang papuri sa Inang hirang; para bagang Siya’y “trono” at reyna ang karunungan, na sa Kanya’y nakalikmo’t naghaharing buong dingal; Kayo ang Sedes Sapientiae na Luklukang lagging buhay ng Dunong na makalangit ng Diyos na walang hanggan.

---o0o---

Ang totoo ang Birhen ko’y matalino’t sakdal-dunong, biyaya ng Diwang Banal sa Kanya ay mayamungmong; bawat kilos sa ginawa, bawat pasya niya’t layon ay puno ng karunungang kinalugdan nitong Poon; papaano’y Ina Siya na naglihi at kumalong sa Mesiyas nitong mundong “sulo, tanglaw, ilaw, dunong;” sa kanya nga bilang Ina karununga’y ibinunton upang bawat gawin Niya’y kalugdan ng Panginoon.

---o0o---

Yaongh Sanggol na sa tiyan ng Birhen ko’y dala-dala ay Verbo pong mabathala, Diyos Anak n Persona; sa pagka-Dios ang limikha’y dili-bat, OO, SIYA, na sa lupa ay bumaba’t tumubos sa kaluluwa; kaya siya’y karunungang nagging taong-abang-aba, naging Anak na mistula nitong Inang Birheng reyna; Luklukan ng Karunungang pamagat na sakdal-ganda, ang lapat na isagisag sa Ina kong sinisita.
---o0o---
Sa buntala at bituing sa langit ay kumikislap, karunungan ng lumikha’y pilit na nababanaag; hirap san a sinalunga at sa dugong itinigmak, mahiwagang karununga’y masisipat sa Mesiyas; at nang itong Birheng Ina sa sala ay iniyiwas, hindi kayang maitatwa ang Dunong ng bunying Anak: kaya naman Luklukan ng Karunungang ating bansag ay likas at natutugma sa Birhen kong mapamihag.

---o0o---

Nang si Jesus ay mangaral Bawat wika niya’t aral ay dunong na di-makayang isipin ng madlang-bayan; bata pa lamg sa “Simbahan” lubos Siyang hinangaan ng Doktor at mga pantas, nang sumagot sa tanungan; yaong kanyang talinhagang karaniwa’t mabababaw ay hitik sa mga payo at banal na mga aral; papaano’y Diyos itong karunungang walang hanggan, si Jesus na pinaglihi ni Mariya’t iniluwal.

---o0o---

Sa lumpo at mga bingi, patay mandi’t mga bukag na binigyan ng ginhawa at .lunas ang inilapat; sa himlang pinakita nang sa tubig ay lumakad at ang hangi’y pinahinto sa bagsik ng pangungusap; sa lahat ng gawang ito si Jesus ay nagpamalas nang Dunong na di makayang ilarawan nating lahat; at si Jesus ay hindi ba ang Bathala naming Anak ni Maria siyang Trono at Luklukang matatawag?

---o0o---

Kaya kayong ang nais ay dumunong at maging paham, dumulog sa Birheng Inang Luklukan ng karunungan; ang labo ng pagiisip at ulap ng kalooban, tatanglawan ng sulo ng dunong nitong Inang mahal; sa iyo mang pagaaral, sa hatol na kailangan, dumaing ka’t nang bigyan ka ng dunong at katarungan; sa mag-Inang Maria’t Jesus na bukal ng karunungan, alinlanga’y mapapawi’t ang dunong mo ang gigitaw.

---o0o---

Ang Langit ng kasaysahang di-malirip nitong isip ay bunga ng paghihirap nitong Ina na nagtiis; paglisan sa mundong itong bayan ng luha at hapis, paraisong nagniningning sa ligaya ang sasapit; ang pagasa nating ito’y kay Maria nasasalig, na Reyna ng mga banal at ligaya ng daigdig; bawat grasyang sa atin ay pagpapalang nilalawit, sa kamay ng mutyang Birhen nagdaraang parang batis.

No comments:

Post a Comment