Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: SANCTA MARIA (Santa Maria)

La Niña Maria
G. Amador P. Reyes
Sancta Maria

SANTA, SANTA MARIA,”... kay tamis na wika,
na unang hikbi ko sa INA NG AWA;
banal kang nilalang, banal na mistula,
pinuspos sa kinang ng mga biyaya;
banal na talagang ubod na dakila
na dapat parisan ng tao sa lupa;
batobalani kang ninihag na mutya,
idalangin kaming hamak na nilikha.

---o0o---

KABANALA'Y HIYAS at tampok sa yaman
sa dangal ng taong tapat sa Maykapal;
katangian ito na walang kapantay
sa Puso ng Poong kabanalbanalan;
ito ang layunin sa mundong ibabaw
na dapat sikhaying tamuhin sa buhay;
kaya ito'y una nating panawagan:
O SANTA MARIA! Kami'y ipagdasal!

---o0o---

Ang taguring SANTA ang Unang Pamagat
ng ating butihin at Birheng marilag;
iya'y unang bato sa putong na hiyas
sa noo ng Ina ni Kristong Mesiyas;
bukod-pinagpalang BANAL NA DI HAMAK
tumpak na sa Birhen ay ating mabigkasl;
Iyan ang saligan ng mahabang kwintas
ng mga papuring kay bangong bulaklak.

---o0o---

Kabanalang payak ang Diyos na nipot
sa banal na tiyan ng Inang mairog;
kaya itong Inang hirang na kumupkop,
walang kasing-banal sa buong sinukob;
NANG IPAGLIHI NA'Y SABAY NA BINUSOG
sa mga biyayang banal na natampok;
hindi nadungisan kahit kakarampot
nang salang minana sa unang busabos.

---o0o---

Kaya, SANTA KA NGA, BANAL NA TOTOO,
wala kang kaparis sa buo mang mundo;
magsama-sama man ang Anghel at Santo,
di-mapapantayan ang kabanalan Mo;
papaano'y sa Iyo sumilang ang Kristo
at Ikaw ang INANG bugtong din ng tao; dumulog kami sa kabanalan mo,
pabanalin kami upang mapanuto.

---o0o---

Ang ngalan mo'y MARIA... puno ng hiwaga
na ang kahulugan sa DAGAT AY TALA;
dagat ang katulad ng buhay sa lupa
na batbat ng along parang dambuhala;
naglalakbay tayo sa katawang-lupa
na gigiwang-giwang sa tuksong masiba;
kang natatakot kang malalad ang bangka,
tumawag sa Birheng sa Dagat ay Mutya.

---o0o---

Sa salpok ng alon ng tukso ng buhay,
baka ang puso mo'y mauyot sa lunday;
ANG TALA SA DAGAT AY IYONG TAWAGAN,
nang di ka masawi sa'yong paglalakbay;
ang Kanyang silahis ay sulo at tanglaw
upang sa landas ay animo'y gabay
nang sa paglalayag huwag kang bumuay.

---o0o---

Kapag kulimlim na ang iyong pag-asa,
sa gimbal ng lagim at buntong hininga;
sa bayo ng tukso, yabang, saklap, dusa,
baka ang puso mo'y ibig na mabakla;
sa REYNA NG DAGAT ay tumingala ka
at iyong sambitin: O SANTA MARIA!
Di ka masasawi pagsunod sa KANYA,
MAY BUKANG-LIWAYWAY ANG BAGONG UMAGA.

No comments:

Post a Comment