Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: SANCTA DEI GENETRIX (Santang Ina ng Diyos)

Nuestra Señora dela Leche y Buen Parto
G. Jorlie Villanueva
Sancta Dei Genetrix

Bukod-pinagpala sa babaeng lahat
ang Birhen Mariang nahirang na DILAG;
paano ay INA ang kanyang pamagat
at DIYOS ang bunsong naging kanyang Anak;
Ina ka ng Diyos, O, Inang Mapalad,
wala kang kaparis, wala kang katulaf;
inaawitan ka ng aking panulat,
dinadambana ka ng puso ng lahat.

---o0o---

Sa iyong pedestal ng puri at dangal
ito ang papuri na walang kapantay;
INA KA NG DIYOS, - diyan napalman
ang dilang hiwaga ng iyong kariktan;
ang VERBO NG DIYOS ay nuha ng laman,
nagkakatawang-tao sa kaniyang tiyan;
kaya nga't ang BATANG sa Belen sumilang
ay Diyos na Siyang sa mundo'y lumalang.
---o0o---

Ang SANGGOL na kanyang sintang inaruga
ay Diyos na walang Hanggan at Simula;
ALPHA AT OMEGA ng lahat sa lupa,
nalagak sa Birheng Inang pinagpala;
banal na simbahan ang kanyang kamukha
ng Santissima Trinidad na dakila
ito'y dogma... dapat tayong maniwala,
si MARIA'Y INA NG POONG BATHALA.

---o0o---

Ang Anak ng Diyos... huwag nga naman!
Naging TAO'T ULO ng sangkatauhan;
sa sang-mundong ay parang nakasal,
upang gawin silang anak ng Maykapal;
Siya ay bumaba't nagsa-taong-laman,
upang sa Dios-Ama ay magbigay dangal;
sa ngalan ng tao na makasalanan,
ang handog ng Ama'y dugo't katubusan.

---o0o---

Ang Anak ng Ama na walang simula
naging Anak niyang “aako sa lupa;”
nililiman siya nang Banal na DIWA,
naglihi na siya sa isang himala;
kung hindi pumayag ang Birheng dakila,
di sana natupad ang matandang hula;
ITO PO ANG VERBONG NASA KAY BATHALA,
at ang VERBONG ITO'Y DIYOS NA DAKILA.

---o0o---

Ang kisig at giting ng anak na tangi,
sa ina'y nagiging gintong palamuti;
ang dangal ni Kristong Bathala at Hari,
kay Maria'y saplot namang nagpa-bunyi;
KAYA, dumudulog ang mundong duhagi
sa INA NG DIYOS na Inang napili;
SANTANG INA NG DIYOS... kaming abang lipi,
idalangin Mo po, nang hindi masawi.

---o0o---

Higit ka sa Reyna'y mga Emperatris
na bantog sa yama't lakas ng daigdig;
sapagka't INA KA NG DIYOS SA LANGIT,
sa lakas Mo kami'y lubhang kumakapit;
sa Anak Mong Diyos ng aming pag-ibig,
gamitin ang lakas ng Iyong tangkilik;
wala nang lalampas sa dangal Mong labis,
ISA LAMANG IKAW NA INANG MARIKIT!

---o0o---

O INA NG DIYOS,... kabanal-banalan,
hayaang maglambing kami sa kandungan;
ibulong kay Jesus ang aming hinakdal
at pilit na ito ay malulunasan;
kami'y anak mo rin na nananambitan,
matimyas sa Iyong nakiki-ulayaw;
sa Anak na mutya ay ipamagitan
at Iyong lawitan ng tanging patnubay. 

No comments:

Post a Comment