Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: REGINA CONFESSORUM (Reyna ng mga Kumpesor)

Nuestra Señora de Amargura
G. Danny Raymundo


Regina Confessorum


Sa  lipi  ng  mga  Santo  at  kumpesor  na  dakila,
ang  Birhen  ay  Haribini, -- isang  Reynang  masanghaya;
hindi  lamang  mga  Martir  at  Anghel  na  magagara
ang  sa  kanya'y  umaawit  ng  papuri  at  paghanga;
ang  kumpesor  ay  nabantog  sa  banal  na  mga  gawa,
nagdarangal  din  sa  Kanyang  Reyna  nilang  pambihira;
O,  Regina  Confessorum  sa  langit  ng  madlang  tuwa,
maghari  ka  sa  daigdig  at  sa  aming  puso't  diwa!

----o-----

Sa  buhay  ng  mga  Santong  kumpesor  na  tinatawag,
tatlong  tanging  kabanalan  ang  bukod  na  sumisikat;
ang  buhay  ng  panalanging  matimtima't  walang  likat,
na  sandata  sa  pagsupil  sa  dimonyong  lilo't  sukab;
ang  diwa  ng  karukhaan  at  sa  mundo  ay  pag-iwas,
sa  bagay  na  makalupang  sa  tao  ay bumubulag;
ang  matapat  ng  pagsunod  sa  banal  na  mga  atas
at  pagganap  ng  tungkuling  nararapat  ibalikat.

-----o-----

Ang  dasal  ay  siyang  buhay  ng  lahat  ng  mga  Banal,
na  nag-akyat  sa  kanilang  kabanalang  walang  hanggan;
si  San  Pedro  de  Canisio'y  pitong  oras  kung  magdasal,
t'wing  labing  limang  minuto  itong  Santang  Gemma  naman;
si  San  Francis  ng  Asisi'y  bawa't  saglit,  inuusal;
"O  aking  Dios!  O  Diyos  ko  na  lahat  sa  aking  buhay!".
si  San  Luis,  ang  sa  isip  ay  malalim  na  nakintal,
ay  ang  Diyos  na   tuwina'y  kausap  at  kaulayaw.

-----o-----

Sa  dasal  ang  mga   Santo'y  napabuklod  kay  Bathala,
nag-alab  sa  paglilingkod,  naging  banal  na  mistula;
nguni't  higit  sa  lahat  ng  mga  Santong  nadakila,
itong  Birheng  Ina  nati'y  lalo  namang  pambihira;
buhay  niya'y  isang  aklat  ng  dasal  na  mahiwaga,
rosaryo  ng  panalanging  walang  puknat,  walang  sawa;
templo  ng  Dios  na  tirahan  ang  puso  nga  niya't  diwa,
at  ang  kanyang  pagdarasal  ay  ang  ilaw  na  magara.

-----o-----

Sa  buhay  ng  mga  Santo'y  mahal  nila  ang  tiisin
at  di  nais  kahi't  yaman  at  pilak  mang  mataginting;
bawa't  bagay  makalupa'y  hindi  nila  pinapansin,
at  ang  nais  ay  ang  yamang  makalangit,  walang  maliw;
walang  kwenta  sa  kanila  ang  ginto  ng  mundo  natin,
kaya't  sila'y  maligayang  maging  dukhang  maituring;
ang  yapak ng  Poong  Jesus  lagi  nilang  babakasin'
isang  Diyos  na  mayama'y  naging  tao  at  alipin.

-----o-----

Itong  Birhen  ay  mahirap,  walang  yamang  masasabi,
nguni't  kanyang  itatakwil  kahi't  mundo'y  kanyang  iwi;
alang-alang  kay  Bathala't  kaluluwang  kinakasi,
isang  libo  mang  daigdig  kusa  niyang  iwawaksi;
sa  bilang  ng  mga  santo'y  merong  pare't  mga  madre,
may  hari  at  magsasaka,  may  mayaman,  merong  imbi;
nguni't  sila'y  naging  tapat  sa  tungkuling  ubod  dami,
at  dahil  sa  katapata'y  napabantog  na  bayani.

-----o-----

Ang  Birhen  tang  minumutya  ay  matapat  sa  gawain,
kahit  abang  mga  gawa'y  buong  ingat  kung  ganapin;
sa  bahay  ay  nagwawalis,  nagpupunas,  nagsasaing,
naglalaba't  nanunulsi  ng  damit  ni  Kristong  giliw;
ang  lahat  ng  gawang  ito'y  mga  tanda  ng  paggiliw
nagbubunyag  nang  pagsinta  kay  Jesus  na  masintahin;
ang  hukbo  ng  madlang  santo'y  matapat  sa  ating  Birhen,
madasalin  at  maingat  sa  bagay  ng  mundo  natin.

-----o-----

Ang  pamagat  ni  Mariya  na  Regina  Confessorum
ay  puno  ng  kahulugan  sa  binyagan    natin  ngayon;
upang  tayo'y  maging  banal  sa  buhay  na  malinggatong,
kailanga'y  panalangin  nang  di-tayo  maparuol;
huwag  nating  ididikit  sa  mundo  ang  nasa't  layon,
pagka't  ito'y  may  gayumang  sa  buhay  ay  lumalason;
ang  tungkulin  ay  tuparing  walang  sawa't  walang  gatol,
at  tayo'y  masasama  sa  pulutong  ng  kumpesor.

No comments:

Post a Comment