Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: REGINA VIRGINUM (Reyna ng mga Birhen)

Nuestra Señora de Salambao

Regina Virginum



Ang  Birhen  ay  naghahari  sa  trono ng  Kalangitan,
nagpupuri'y  di-mabilang  na  "hukbo  ng  mga  Banal";
naroon  ang  mga  Martir,  kumpesor  at  birheng  tunay,
ang  apostol  at  patriarka't  propeta  ng  lumang  tipan;
datapuwa't  ang  naroong  namumukod  sa  harapan,
ay  lupon  ng  mga  birheng  tumulad  sa  Reynang  mahal;
Reyna  naming  mga  birhen, --  ang  papuring  walang  lubay, --
Birhen  Ka  ng  mga  birhen, Inang  Birhen  at  Uliran.

-----o-----

Ang  magandang  halimbawa  nitong  Birheng  Ina  natin
ay  binakas  ng  maraming  binata  at  dalaginding; 
tumalikod  sa  daigdig  at  ang  iwing  pagka-birhen,
iningatang  asa  mo  ba  ay  bubog  na  babasagin;
sa  halip  na "sarong  putik"  nitong  mundo  ay  tunggain,
sila'y  kusang  nangagtiis  na  ang  "laman  ay  hamakin";
sa  nagkalat  na  maruming  basura  ng  mundo  natin
ay  linis  at  pagkabirhen  ang  kanilang  pinag-ningning.

-----o-----

Sa  Luma  at  Bagong  Tipan  "pagkabirhe'y  isang  alay
na  sa  Diyos  ay  maganda  at  regalong  kinalugdan";
ang  buhay  ng  ating  Kristo  at  ng  Birheng  Inang  mahal,
ay  uliran  ng  Alagad  at  Pari  ng  Bagong  Tipan;
si  San  Juan  at  San  Pablo  at  Apostol  na  naturan,
ginaya  ang  halimbawang  "taglayin  ang  kabirhenan";
pati  yaong  may-asawa. . . kamunduha'y  tinalikdan,
. . . ito  nama'y  pinatupad  nitong  banal  na  simbahan.

-----o-----

Ang  sinumang  nag-aalay  nang  Misa  nga  sa  dambana,
nararapat  buong-buong  ihain  ang  puso't  diwa;
upang  ito  ay  matupad, . . . pagka-birheng  walang  sawa,
nararapat  maging  hiyas  nitong  paring  madakila;
papaano'y  BIRHENG  WAGAS  itong  Kristong  Paring  lubha,
na  Siya  ring  handog  natin  sa  Misa  pong  mahiwaga;
kaya  ito  nang  matalos  nang  taimtim  nitong,
marami  ang  nagsigayang  maging  birheng  mutyang-mutya.

-----o-----

Sa  laot  man  nitong  mundo'y  marami  ang  namanata,
tanging  birheng  nabubuhay  na  binata  at  dalaga;
ang  pari  at  mga  madre  ang  huwaran  nilang  una,
at  ang  yamang  kalinisa'y  buong-buong  handog  nila;
"inspirasyon  nila'y  itong  Birheng  Mahal  nating  Ina,
na  ang  iwing  pagkabirhe'y  hiyas  Niyang  ubod-ganda;
ito'y  sulo  na  sa  mundo'y  parang  ilaw  na  parola,
nang  ang  tao'y  di  maligaw  sa  maalong  buhay  nila".

-----o-----

Marami  ang  naging  Santo  sa  lipi  ng  mga  birhen.
na  bayaning  nagtagumpay  sa  digmaang  walang  maliw;
ang  Birhen  ang  Lider  nila  na  sa  ahas  ay  sumupil,
hukbo  Niya'y  ang  maraming  sumunod  nang  mataimtim;
sila  yaong  mga  kampyon  na  "ang  ibig  na  sabihin,
ang  babae  at  lalake'y  maaaring  maging  birhen;
kahit  anong  salaula  itong  mundong  kabilanin,
maaaring  magmalinis  itong  tao  na  butihin".

-----o-----

Sa  panahon  nating  ito  "na  marumi  ang  daigdig,
higit  nating  kailangan  itong  Birheng  sakdal  linis"';
dumulog  sa  Inang  mahal  upang  bigyan  ng  tangkilik,
bawa't  isang  kaluluwa  sa  estadong  kanyang  nais;
bumabaha  ang  kamandag  na  mahalay  sa  daigdig,
sa  sine  at  babasahin,  at  sa  kilos  na  ring  pangit;
ang  ating  Tagapagtanggol  ay  ang  Reynang  Birheng-langit,
ang  pag-asa  nitong  tao,  ang  ulirang  sakdal-bait!

No comments:

Post a Comment