Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: MATER AMABILIS (Inang Kaibig-ibig)

Mary, Mediatrix of All Grace
Mater Amabilis
Kaibig-ibig na hindi malirip
ang Diyos ng ating sumusukong Langit;
kabutihan Niya'y walang kahulilip
na batobalani ng ating pag-ibig;
kasunod ng Diyos, matimyas na labis
ang INA NG VERBONG walang kasing tamis;
sa dilang nilalang ang Birheng mabait,
walang kasing-rikit at kaibig-ibig;
Ikaw po ang Ina, Mater Amabilis,
tampulan ng aming pusong umiibig

---o0o---

Sa dilang nilikha'y ganap na magaling
at ungos sa lahat itong Inang Birhen;
kaya siya'y mahal nitong Diyos natin,
na higit sa lahat ng lalang na tambing;
buti, ganda, grasya't yamang kayang kamtin,
nabuhos na lahat sa Inang magiliw;
kaibig-ibig po kayong walang maliw,
ang Inyong kariktan ay walang kahambing;
ito ang hiwagang ninilaynilayin
sa tula ng anak ninyong mapaglambing.

---o0o---

Ang ganda po ninyo'y walang makatulad,
higit pa sa buwang reyna sa magdamag;
kayo'y kagandahang... pintor ang may haplas
at ang pintor ninyo'y Diyos nating liyag;
Diyos na Maylikha ng bundok at gubat,
ng magandang parang halama't bulaklak;
ang Lumalang niyong ilog, sapa, dagat,
ang Siyang lumalang sa Inyo pong dilag;
kaya't ang ganda po ninyo'y mapamihag,
di-kayang tanggihan ng pusong nabihag.

---o0o---

Pinaganda kayo sa dilang nilalang,
pagkat Reyna kayo ng Sandaigdigan;
sa Lumang Panahon kayo'y nalarawan
sa Reynang si Judit na sa ganda'y buwan;
punong Holofernes ng lupang kaaway,
sa tabak na dala'y kanyang niyurakan;
inyadya ang tao sa ka-alipinan,
sa mundo ang dulot... grasya't kaligtasan.

---o0o---

Ang Reynang si Ester ay kaakit-akit,
larawan ng Birhen na kaibig-ibig;
sa ganda ng reyna ang haring may-galit
lubhang napayapa't nasubhan ang ngitngit;
naligtas ang kanyang bayang tinangkilik
sa dusa't siphayo, hirap at ligalig;
ang Birhen kong Ina sa karikta'y higit,
sininta ng Hari't Diyos ng Pag-ibig;
hinirang po siyang Ina niyang ibig
at Reyna ng kanyang Kahariang Langit.

---o0o---

Wika ni San Andres – bantayog si Maria,
nililok ng Diyos na Maylikhang Ama
magandang “estatwang” walang makapara,
na kahanga-hangang animo ay “diosa.”
walang makaparis... ani Bernardita,
ang ganda ng Birhen, kahit sa estampa.
Anang Tatlong bata doon sa Fatima, -
BABAENG MAGANDA ang aming nakita”;
ang guhit ng pintor ay di-makagaya
sa kariktang iwi ng magandang Ina.

---o0o---

Sa kagandahan po ng magandang Birhen,
ganda ng kaluluwa'y lalong nagniningning;
busilak na puso, banal na damdamin,
kariktang sariwa ng diwang mahinhin;
walang batagkayong kilos-kabilanin,
sa yumi ay walang kasalanang lihim
bukang-liwayway na banaag sa dilim,
sing-ganda ng buwan at talang maningning;
nakakakilabot na hukbong magiting,
na ang binabaka'y kaaway na lagim.

---o0o---

Ang Diyos sa Kanyang kagalingang wagas,
dapat na ibigin nang lalo sa lahat,
datapwa't si Mariang “magandang bulaklak”,
sa kanyang karikta'y dapat sa pagliyag;
higit pa sa anghel at santong sumikat,
ang Birhe'y mahalin nang lalong di-hamak;
tayo'y mga anak na sa Kanya'y bihag,
masuyo sa Kanyang Inang sakdal timyas;
kaibig-ibig nga siyang walang kupas,
na takbuhan natin sa lahat ng oras.

---o0o---

Bilang pagmamahal ay gawing salamin
ang ganda ng asal nitong Inang birhen;
sa araw at gabi Rosaryo'y pagiliw;
ang pista ng Ina'y ipagsaya natin
at ang kanyang dangal ay awit-awitin;
Mater Amabilis, mahal ka sa akin,
ang pag-ibig ko po'y walang pagmamaliw;
ang pag-ibig pong ito'y inyong pag-alabin,
upang sumambula na bulkang pagiliw.


Page 3 of 8
Please press Older Posts for Page 4.

No comments:

Post a Comment