Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: MATER ADMIRABILIS (Inang Kataka-taka)

Nuestra Señora de Buen Hora
Gng. Sharon Cruz

Mater Admirabilis
Sa inyo po, Birheng Inang minamahal,
NAPIPIPI yaring makata Mong hirang;
sa laki ng tuwa puso'y sumasayaw
sa aking paghangang di ko mapigilan;
namamangha ako at natitigilan
sa hindi masayod Ninyong katangian;
Kataka-taka po, Ikaw Inang Mahal,
idalangin kaming ngayo'y nagsasakdal!

---o0o---

Paano'y ang kanyang Pagka-Inang mutya
ay bukod sa lahat... lubhang mabathala;
inang-pari” Siya na kamangha-mangha
at Ina ng lahat ng tao sa lupa;
sa Kanya nabunton ang dilang hiwaga;
Siya'y Inang bunyi na kahanga-hanga,
putungan ng dangal ang Kanyang anghaya!

---o0o---

Ang ina ng taong karaniwang ina
ay isang misteryo na kataka-taka;
ang kamay ng Diyos... sa tiyan ng ina,
katawan ng anak... binubuong bunga;
hindi na sa putik na gaya nang una,
kung hindi sa dugo at laman ng ina;
sa bagsik ng batas ng naturalesa,
tao'y nabubuong hiwagang talaga.

---o0o---

Sa kapangyarihan ng Diyos na banal,
kaluluwang sangkap nama'y kinakapal;
datpwa't ang Birheng naging Inang tunay,
pagka-Ina'y lalong dapat na hangaan;
wala pong lalakeng dito'y namagitan,
lumukob sa Kanya'y ang Poong Maykapal;
kaluluwa ni Kristo't mahal na katawan,
binuo ng Diyos sa banal na tiyan.

---o0o---

Kaya ang katawan ni Jesus na giliw,
sa dugo at laman ng Birhen nanggaling;
ang Anak pong yao'y Verbong sakdal giting,
nagkatawang-tao... nag-anyong alipin;
Kataka-taka po ang Mesiyas natin,
kataka-taka rin ang Ina pong birhen;
Admirabilis ka sa taguring Latin,
kabigha-bighani ang inyo pong papel!

---o0o---

Ang Anak ni Maria ay Paring-Mataas,
kaya't Inang-Pari ang Inang Matimyas;
ang dugong sa Krus kay Jesus pumutak
ay dugo ng Inang sa Kanya'y nag-anak;
ang katawang yaong tinadtad ng sugat
ay laman ng Birheng kasamang naghirap;
kaya nga't sa Misa ng pari sa altar,
dugot' laman Niya'y alay ding ka-sangkap.

---o0o---

Ang ina ng tao'y ina lang ng ilan,
na sa mundong ito'y kanyang iniluwal;
datapwa't si Maria'y Ina nitong tanang
tinubos ni Kristong Anak Niyang mahal;
pagka-ina Niya'y habang merong buhay,
na kinakailangang walang kamatayan;
Ina mandin Siya ng makasalanan
na sa pagsisisi ay tinutulungan.

---o0o---

Ina mandin Siya ng mga pagano,
na tinatanglawan... na maging Kristiyano;
Ina ng binyagang banal na totoo;
na sa kanyang grasya'y tanging napanuto;
Ina siyang lalo na Santa at Santo,
na naghahari doon sa paraiso;
hindi Siya Ina ng nasa-impiyerno,
pagka't sila doo'y mga condenado.

---o0o---

Iyan ang hiwaga na kahanga-hanga
ng pagiging-Ina ng Ina kong mutya;
paghanga'y nagiging paggalang na lubha
sa Kanyang Uliran na tinatalima;
ang nagiging bunga'y pagsintang dakila
at sa kanyang palad ay pagtitiwala;
kaya akong aba't anak Mong makata,
nabahagan yaring pusong humahanga.

---o0o---

Sa panahong itong magulo't maulap,
ang kataka-takang Ina yaring lunas;
ang mundong sugatan sa luhang masaklap,
sa Inang pag-asa ay nakikiusap;
ang namimintuho niyang sintang Anak,
sa dagat ng dusa'y di mapapahamak;
O Admirabilis, Inang mapamihag,
kandilihin Mo po kaming sawing-palad!

No comments:

Post a Comment