Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: VAS SPIRITUALE (Sisidlan ng Kabanalan)

Nuestra Señora dela O
Vas Spirituale
Ang bansag sa Birheng reyna’y “isang SARO AT SISIDLAN” na ang laman ay di-kayang lurukin ng kaisipan; isang sarong hindi yari sa putik ng kasalanan, kundi buhat sa malinis at banal na kasangkapan; sisidlan na walang halong dumi’t salang kahalayan na mana sa nagkasala’t narungisang kalikasan; ang Birhen ay isang Saro’t Sisidlan ng kabanalan, ang sa Kanya’y nakalagak ay “yaman ng mga yaman.”

---o0o---

Si San Pablo, sa Bibliya’y tinawag sa isang Baso, nang suguin si Ananias nitong Kristo kay Saulo; ang Birhen ay BASO naman nitong Espiritu Santo na sa kanya ay namugad na Mabathalang Esposo; pinagyaman si Maria niyong “banal na regalo, maseselang na biyayang kaloob ng Diwang Santo; kaya yaong kabanalan ay lipos na nanagano sa Birhen ng mga birheng takbuhan ng madlang tao.

---o0o---

Ang buhay n gating Birhen ay payak na kabanalan, isip, wika Niya’t gawa’y taganas na kabutihan; ang banal na pagkatakot natimo sa kalooban, kaya kahit na katiting na sala’y di nadungisan; nasa isip Niyang lagi’y Amang Diyos nating buhay, na sa lahat ng sandali’y may kalinga at patnubay; batid Niyang bawa’t bagay nararapat sa Maykapal ay ihai’t ipaglingkod sa dangal ng Kanyang Ngalan.

---o0o---

Alang-alang kay Bathala, tapang niya’y walang maliw,loob niya’y nakhandang ang bundok ma’y salungahin; kahit siya ay matabi’t di-mabantog na alipin, Dios lang ay madakila,---tuwa niyang aaralin; ang talino niya’y lagging kumikislap na bituin, sa pagawa’y kalooban ni Bathala ang tuntunin; sa laot ng alinlanga’t mahirap na suliranin, talino at bunying payo ang lagging pagkikislapin.

---o0o---

Isip niya’y nag-aangkin ng tanglaw ng karunungan, batid Niya bawat aral at lihim man ng Simbahan; ang Pananampalataya’y wagas niyang nasasakyan, kaya naman maligayang naglilingkod sa Maykapal; yaon nga ang pitong grasyang kaloob ng Diwang Banal, na lumikhang siya’y maging Sisidlan ng Kabanalan; bawat isa naming anak na sa Kanya’y nagmamahal, may tungkuling makitulad sa Reyna ng Kalangitan.

---o0o---

Tulad Niyang isang Saro tayo mandin ay sisidlan, pinuspos ng mga grasya sapul nuong mabinyagan; tulad niya’y kaya natin, kung nais, ang maging banal at mabuhay na di ayon sa hibo ng kalupaan; kaya tayo ay patulong, itong dupok ng sisidlan ay lakipan ang biyaya’t pagtibayin, gawing banal; huwag ninyong babasagin sa umpog ng kasalanan; kundi lagging pagingatang sisidlan ng kabanalan.

No comments:

Post a Comment