Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: REFUGIUM PECCATORUM (Pagsasakdalan ng mga Taong Makasalanan)

Nuestra Señora de Soledad
G. Bong Morales
Refugium Peccatorum
Kaawa-awa itong taong nagumon sa kasalanan
na higit pa sa maysakit na dapat ay pandirihan;
tinalikdan niya'y Diyos at sinamba'y “likhang-bagay,”
kaya siya sa biyaya ay nauhbdan, naging hangal”;
patay siya sa biyaya, nabalot ng kasamaan
na di-kayang makabangon sa lusak ng kasawian;
datapuwa't merong INA na Ina ng kaawaan,
takbuhan ng nagkasala ang mutya kong Birheng mahal!

---o0o---

Ang salari'y may pag-asa sa Mahal na Birheng Ina
na ang tuwa ay tumulong sa nasawing kaluluwa;
ang pangarap niyang lagi'y iligtas ang nagkasala
at sa “apoy na kilabot” ng parusa ay iadya;
kaya tayong nahandusay sa lusak ng mga sala,
magtiwala at dumulog sa Ina ng mga Ina;
ang katulad niya'y JESUS na ang hanap Niya'y TUPA,
na naligaw sa bakurang “laglag na kaluluwa.”

---o0o---

Takbuhan ng nagkasala ang mabait nating Birhen
na katulad na katulad ni Jesus na Poon natin;
mulang Belen hanggang sa Krus bawat hakbang Niyang gawin
ay pagsuyo sa maysala, pagka-hakbang na damdamin;
sa lunsod man at sa nayon, hanap Niya'y ang salarin
na masayang pinapasan pagbabalik sa landasin;
nakisalo sa masama, nakaiumpok na magiliw,
sa hangad na sa mabuti ang masama'y hikayatin.”

---o0o---

Pinabanal ang masamang Magdalenang makalupa,
tinitigang buong awa si San Pedrong tumatuwa;
iniligtas sa paratang ang babaeng nangangalunya,
sa nagnakaw pinangako'y ang langit ng madlangtuwa;
sa Puso ng ating Jesus ang “suwail na kawawa,”
may pag-asa at patawad at pagsintang walang sawa;
ganyan din ang BIRHENG MARIA na Ina ng madlang-awa,
kinukupkop ang maysalang humihingi ng kalinga.

---o0o---

Ang isipan ni Maria'y isipan ng kanyang Anak
at iisa ang damdamin ng mag-inang lumiliyag;
nagdaramdaman silang tunay sa salaring talipandas,
na ayaw magbalik-loob sa banal na diwa't landas;
natutuwa naman sila pag ang tupang naglaglag
ay nakita't naibalik sa iniwan nilang pugad;
magkaisa ang isipan at damdaming nag-aalab
sa Mag-Inang ang hangarin ang masama ay iligtas.

---o0o---

Sa buhay ng mga tao na puno ng mga tukso,
walang tigil ang pagumang ng patibong ng demonyo;
nalalaman ni Maria ang dupok ng mga tao,
na madaling marahuyo sa daya at mga hibo;
kaya itong Birheng Maria na sakdalan natin dito,
nakalaang sa balana'y tumulong at sumaklolo;
alam mo ba? Ang sinumang sa Birhen ay mag-deboto,
ililiho nang palagi sa panganib at siphayo.

---o0o---

Ang tigas ng mga puso ng pusakal ng masama,
lumalambot sa patnubay ng Ina kong mapagpala;
ang masama'y nagsisi't mataos na nagtika,
dahilan sa mga dasal sa Birhen tang minumutya;
ang dasal sa araw-araw ng debotong yuta-yuta,
patungkol sa nagkasala, ay didinggin ni Bathala;
kaya yaong masasama'y kailangang magtiwala,
mamintuho at dumulog sa BIRHEN TANG MASANGHAYA!

No comments:

Post a Comment