Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: MATER PURISSIMA (Inang Kasakdal-sakdalan)

La Purissima Concepcion
G. El Gideon G. Raymundo
Mater Purissima

INANG SAKDAL LINIS... kalinis-linisan,
tulad Mo'y bulaklak na liryo sa parang;
maputing sampaga sa hardin ng buhay,
humahalimuyak... bangong-kalinisan;
sing-linis ng tubig na animo'y kristal
na lumalagaslas sa mga batisan;
anaki'y silahis ng bukang-liwayway
na namamanaag sa madaling-araw.

Kalinisan

Itong mundo nati'y dagat na marumi,
tanghalan ng samang ipinagbibibli;
kahit babasahin, libangan at sine,
damit saka moda'y... nakapandidiri;
sa baha pong ito ng laswang kay dami
ang PUSO NG INA'Y kanlungan ng puri;
salbabida natin... sandatang parati
ang PUSONG MALINIS ng INANG kay buti.

---o0o---

Ang unang sasagi sa ating gunita,
si Maria'y INANG banal na mistula;
wala siyang salang bumatik sa diwa
at wala munti mang pintas itong madla;
walang-dungis siyang salaming nagawa
ng Kadakilaan ng Poong Bathala;
siya ang larawan na nagbabandila
nang BANAL NA PUSO ng Diyos ng awa.

---o0o---

Dalisay na Pagiging-Ina

Munti pang dalaga ang Inang magiliw,
ang naging panata'y magpapakabirhen;
Ina ng Mesiyas”... nang Siya'y hirangin,
kaya lang pumayag... panata'y susundin;
kaya nabulalas,... “heto ang alipin,
na handa... ang lahat sa Poo'y ihain!”
kaya naging INA ng nakop sa atin,
kalinis-linisang Inang walang maliw.

Pagka-Inang Kristiyano

Ang pagiging-ina'y butihi't dalisay,
kung salig sa utos ng Poong Maykapal;
itong matrimonyo'y bendisyon sa buhay,
upang lumaganap ang Sangkatauhan;
ang anak sa ina ay isinisilang,
upang maging banal silang mamamayan;
... maging tagasamba ng Diyos na tunay,
at maging kaanib ng ating Simbahan.”

---o0o---

Sa panahong ito ng materyalismo,
ang pagaasawa'y biro lang sa mundo;
kaya naglalaro ang maraming tao,
hinahalakhakan itong matrimonyo;
kahit hindi kasal sasama sa nobyo,
sa tabing bakod ma'y lalagda sa “trato”;
O, ito'y masama sa isang kristiyano,
kasalanan nitong mga Katoliko!

---o0o---

Matapos ikasal sa isang simbahan,
ang ama at ina'y may tungkuling banal;
ang misyon ng ina... anak ay turuang
suminta't maglingkod sa Poong Maylalang;
ito ang tungkulin ng mga magulang,
hubugin ang anak sa pagpapabanal;
kung merong bokasyong “paru o madre man”
tungkulin ng Inang... anak ay tulutan.

---o0o---

Ang Birhen ay Inang Birheng sakdal linis,
Uliran ng dilang ina sa daigdig;
kalinisa'y dapat pagyamaning labis
ng inang Kristiyano sa “estadong nais”;
O Birheng ang Puso'y arka ng pagibig,
ang lahat ng ina'y bigyan ng tangkilik;
kaligtasan ikaw ng buong daigdig,
ipagdasal kami, Inang sakdal linis!

No comments:

Post a Comment